Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Kuwento 22: Nabilanggo si Jose

Kuwento 22: Nabilanggo si Jose

17 ANYOS lang si Jose nang dalhin siya sa Ehipto. Doo’y ipinagbili siya kay Potipar. Si Potipar ay nagtatrabaho sa hari ng Ehipto, si Paraon.

Si Jose sa bilangguan

Nagtrabahong mabuti si Jose para sa panginoon niya. Kaya habang nagkakaedad si Jose, siya ay inilagay ni Potipar para mangasiwa sa buong pamamahay niya.

Si Jose ay lumaki na isang makisig na lalaki, at gusto ng asawa ni Potipar na ito ay humiga sa tabi niya. Pero alam ni Jose na masama ito kaya umayaw siya. Galit-na-galit ang asawa ni Potipar. Kaya nagsinungaling ito sa kaniyang asawa at nagsabi: ‘Pinilit ako ng salbaheng si Jose na humiga sa tabi niya!’ Naniwala si Potipar at ipinabilanggo si Jose.

Dahil sa mabait si Jose, siya ang nag-asikaso sa lahat ng mga ibang bilanggo. Pagkatapos, nagalit si Paraon sa kaniyang tagasilbi ng alak at sa kaniyang panadero, kaya ipinabilanggo rin niya sila. Isang gabi pareho silang nagkaroon ng pambihirang panaginip. Kinabukasan sinabi ni Jose: ‘Ikuwento ninyo sa akin ang iyong mga panaginip.’ Ikinuwento nila, at sa tulong ng Diyos, ay ipinaliwanag ni Jose ang kahulugan ng mga panaginip nila.

Sinabi ni Jose sa tagasilbi ng alak na tatlong araw na lang at makakalaya na siya. Nakiusap siya dito na alalahanin siya kapag ito ay nakalaya na. Pero sa panadero ay sinabi niya: ‘Tatlong araw pa at pupugutan ka ng ulo ni Paraon.’

Pagkaraan ng tatlong araw nangyari nga ang sinabi ni Jose. Pinugutan ni Paraon ng ulo ang panadero. Pero ang tagasilbi ng alak ay pinalaya at nakapagtrabaho uli ito sa hari. Pero nakalimutan niya si Jose. Kaya si Jose ay hindi nakalabas sa bilangguan.

Genesis 39:1-23; 40:1-23



Mga Tanong

  • Ilang taon si Jose nang dalhin siya sa Ehipto, at ano ang nangyari pagdating niya roon?
  • Bakit ipinabilanggo si Jose?
  • Anong pananagutan ang ibinigay kay Jose sa bilangguan?
  • Sa loob ng bilangguan, ano ang ginawa ni Jose para sa tagasilbi ng alak at sa panadero ni Paraon?
  • Ano ang nangyari nang palayain mula sa bilangguan ang tagasilbi ng alak?

Karagdagang mga tanong

Higit Pang Impormasyon

Bible Card ni Potipar

I-download ang Bible card na ito, at kilalanin si Potipar, ang amo ni Jose sa Ehipto.