Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Kuwento 20: Napahamak si Dina

Kuwento 20: Napahamak si Dina

NAKIKITA mo ba kung sino yaong mga nilalapitan ni Dina? Dadalawin niya ang mga babae na nakatira sa lupain ng Canaan. Matutuwa kaya ang tatay niyang si Jacob sa gagawin niyang ito?

Dinalaw ni Dina ang mga babaing Canaanita

Buweno, hindi ba ayaw ni Abraham na mag-asawa si Isaac ng isang babaeng taga-Canaan? At ayaw din ni Isaac na ang kaniyang anak na si Jacob ay mag-asawa ng babaeng Canaanita. Alam mo ba kung bakit?

Kasi ang mga taga-Canaan ay sumasamba sa mga diyus-diyosan. Hindi sila mabuting mapangasawa, o kaya’y makaibigan. Kaya si Jacob ay hindi matutuwa dahil sa ang kaniyang anak na babae ay nakikipagkaibigan sa mga babaeng Canaanitang ito.

Kaya, napahamak nga si Dina. Nakikita mo ba sa larawan ang lalaking iyon na taga-Canaan? Sechem ang pangalan niya. Isang araw, pinilit ni Sechem si Dina na mahiga sa tabi niya. Masama ito, kasi ang mga lalaki at babaeng mag-asawa lang ang puwedeng mahiga nang magkatabi.

Dahil dito, galit-na-galit ang mga kapatid na lalaki ni Dina. Dalawa sa kanila, sina Simeon at Levi ay pumasok sa lunsod at ginulat ang mga kalalakihan. Si Sechem at ang lahat ng ibang lalaki ay pinatay nila at ng kanilang mga kapatid na lalaki. Galit-na-galit si Jacob sa ginawang ito ng kaniyang mga anak.

Papaano nagsimula ang lahat ng gulong ito? Kasi nakipagkaibigan si Dina sa mga taong hindi sumusunod sa batas ng Diyos. Ayaw natin na magkaroon ng ganoong mga kaibigan, hindi ba?

Genesis 34:1-31



Mga Tanong

  • Bakit ayaw nina Abraham at Isaac na maging asawa ng kanilang mga anak ang mga taga-Canaan?
  • Natuwa ba si Jacob sa pakikipagkaibigan ng kaniyang anak na babae sa mga babaeng Canaanita?
  • Sino ang lalaking nakatingin kay Dina na nasa larawan, at ano ang masamang ginawa niya?
  • Ano ang ginawa ng mga kapatid ni Dina na sina Simeon at Levi nang malaman nila ang nangyari?
  • Natuwa ba si Jacob sa ginawa nina Simeon at Levi?
  • Paano nagsimula ang lahat ng gulong ito sa pamilya?

Karagdagang mga tanong

  • Basahin ang Genesis 34:1-31.

    Minsan lamang bang nakisama si Dina sa mga anak na babae ng lupain ng Canaan? Ipaliwanag. (Gen. 34:1)

    Bakit may pananagutan din si Dina sa pagkawala ng kaniyang pagkadalaga? (Gal. 6:7)

    Paano maipakikita ng mga kabataan sa ngayon na dinidibdib nila ang babalang halimbawa tungkol kay Dina? (Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:33; 1 Juan 5:19)