Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Kuwento 12: Nagtayo ang mga Tao ng Malaking Tore

Kuwento 12: Nagtayo ang mga Tao ng Malaking Tore

NAGDAAN ang maraming taon. Ang mga anak ni Noe ay nagkaroon ng maraming supling, kaya di nagtagal at kumapal ang tao sa lupa.

Isa sa kanila ay ang apo-sa-tuhod ni Noe na nagngangalang Nimrod. Siya ay isang masamang mangangaso na pumatay ng maraming hayop at mga tao. Ginawa rin niyang hari ang kaniyang sarili. Galit ang Diyos kay Nimrod.

Noon ay iisang salita lang ang ginagamit ng mga tao. Gusto ni Nimrod na magsamasama ang mga tao para mapagharian niya sila. Kaya sinabi niya sa mga tao na magtayo ng lunsod na may malaking tore. Tingnan mo sila habang sila ay gumagawa ng tisa.

Hindi ito nagustuhan ng Diyos na Jehova. Pero sinabi ng mga tao: ‘Magtayo tayo ng isang lunsod at isang toreng mataas upang ang taluktok nito ay umabot hanggang langit. Tiyak na magiging tanyag tayo!’ Gusto nila na sila ang hangaan, hindi ang Diyos.

Alam mo ba kung papaano pinatigil ng Diyos ang mga tao sa pagtatayo ng tore? Bigla niyang ginulo ang kanilang wika. Hindi tuloy sila magkaintindihan. Kaya ang kanilang lunsod ay tinawag na Babel, o Babilonya, na ang ibig sabihin ay “kalituhan.”

Dahil dito umalis ang mga tao sa Babel. Ang mga tao na parepareho ang salita ay nagsamasama para manirahan sa ibang parte ng lupa.

Genesis 10:1, 8-10; 11:1-9

Mga manggagawang nagtatayo ng malaking tore


Mga Tanong

  • Sino si Nimrod, at ano ang nadama ng Diyos sa kaniya?
  • Sa larawan, bakit gumagawa ng mga tisa ang mga tao?
  • Bakit hindi nagustuhan ni Jehova ang pagtatayo?
  • Paano pinatigil ng Diyos ang pagtatayo ng tore?
  • Ano ang itinawag sa lunsod, at ano ang ibig sabihin ng pangalang iyan?
  • Ano ang nangyari sa mga tao nang guluhin ng Diyos ang kanilang mga wika?

Karagdagang mga tanong