Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2017 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

Pangangaral sa isang istasyon ng cable car sa Khulo

 GEORGIA

“Ito ang Minanang Pag-aari ng mga Lingkod ni Jehova.”—Isa. 54:17.

“Ito ang Minanang Pag-aari ng mga Lingkod ni Jehova.”—Isa. 54:17.

ANG mga lingkod ni Jehova sa Georgia ay masigasig na nangangaral ng mabuting balita, at pinagpala ni Jehova ang kanilang masikap na paggawa. Kaya nakarating na sa halos lahat ng sulok ng bansa ang mabuting balita.

Itaas: Mga mamamahayag na naghahandang mangaral sa Ushguli, mga 2,200 metro ang taas mula sa lebel ng dagat

Nitong nakaraang mga taon, nagbigay ng higit na pansin ang masisigasig na mamamahayag at payunir sa pangangailangan ng mga nakatira sa mga teritoryong bihirang gawin. Sa bulubunduking mga lugar, ang ilang  liblib at maliliit na nayon ay nararating lang ng mga sasakyang four-wheel-drive o ng cable car.

Mga mamamahayag sa rehiyon ng Svaneti

Sa bawat taon mula noong 2009, ang sangay sa Georgia ay nagbibigay sa lahat ng kongregasyon ng listahan ng di-nakaatas na mga teritoryo, na nag-aanyaya sa mga mamamahayag na suportahan ang pangangaral sa mga lugar na iyon. Para makibahagi sa gawaing ito, marami ang gumawa ng kapansin-pansing mga sakripisyo.

Sina Ana at Temuri Bliadze

Bagong kasal sina Temuri at Ana Bliadze nang malaman nilang may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag sa bulubunduking rehiyon ng Ajaria. Kabibili lang nila ng lupa para pagtayuan ng bagong bahay. Pero narito ngayon ang pagkakataon para palawakin nila ang kanilang ministeryo.

Tumira muna sila nang isang linggo sa rehiyon ng Ajaria. Naaalaala pa ni Temuri: “Malayo ang nilalakad ng mga mamamahayag doon para marating ang maliliit na nayon. Mayroon kaming four-wheel-drive na van, at naisip ko agad na malaking tulong ito roon.”

Sinabi pa ni Ana: “Mahirap lumipat kasi napamahal na sa amin ang aming kongregasyon at ang aming pamilya. Ngunit nadama namin ang pagpapala ni Jehova.” Mahigit tatlong taon na, tumutulong sina Temuri at Ana sa isang grupo sa Keda, isang bayan sa rehiyon ng Ajaria.

Mapamaraang mga Payunir

Malaking tulong ang mga temporary special pioneer sa pagsuporta sa pangangaral sa mga liblib na lugar. Nang matapos na ang kanilang atas, maraming payunir ang nagpasiyang manatili sa kanilang atas na teritoryo para maalagaan ang mga Bible study nila.

Dalawang sister na payunir, parehong Khatuna ang  pangalan, ang naatasan sa magandang bayan ng Manglisi. Walang Saksi roon, pero naging mabunga ang ministeryo ng dalawang sister. Mayroon silang 9 na Bible study noong unang buwan, 12 nang sumunod na buwan, 15 nang sumunod, at pagkatapos ay 18! Para patuloy na maalagaan ang kanilang mga inaaralan sa Bibliya, nagpasiya silang manatili sa Manglisi.

Para masuportahan ang kanilang sarili sa pinansiyal, kailangang mapamaraan ang mga sister natin. Gustong-gusto ng maraming pumupunta sa Manglisi ang espesyal na pagkain doon—minatamis na pinecone, na masustansiya rin. Una, tinitipon ng mga sister ang berdeng mga pinecone para matamisin, na ipinagbibili naman nila sa palengke. Pero nakatanggap sila ng di-inaasahang pagkakakitaan.

Isang araw, nagdala ng ilang sisiw ang isang estudyante sa Bibliya. Sinabi niya na ang isa sa kaniyang mga inahin  ay nangitlog sa isang tagóng lugar at iniuwi ang napisang mga sisiw. Gusto ibigay ng babae ang di-inaasahang mga sisiw na ito sa mga nagtuturo sa kaniya ng Bibliya. Ang isa sa mga sister ay may karanasan sa pagpaparami ng manok, kaya nagpasiya silang suportahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng maliit na manukan.

Sinabi ng isa sa mga sister: “Sa tulong ni Jehova, ng ating mga kapatid, at ng mga estudyante sa Bibliya, nakapanatili kami sa Manglisi sa loob ng limang taon.” Ngayon, may isang aktibong grupo na ng mga kapatid doon.

Sina Khatuna Kharebashvili at Khatuna Tsulaia sa Manglisi

Pagpapayunir sa Banyagang Wika

Nitong nakaraang mga taon, dinagsa ng mga banyaga ang Georgia. Naisip ng maraming payunir na isang bagong larangan ng paglilingkod ang nabuksan. Kaya nag-aral sila ng mga wikang gaya ng Arabic, Azerbaijani, Chinese, Ingles, Persiano, at Turkish.

Maraming payunir ang umugnay sa mga grupo at kongregasyon na banyaga ang wika, at ang iba naman ay lumipat sa ibang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sina Giorgi at Gela, ay nasa mga edad 20 nang lumipat sila sa isang kalapit na bansa. “Gusto naming ibigay ang pinakamabuti kay Jehova, at ang paglipat doon ang tamang pagkakataon para gawin ito,” ang sabi ni Giorgi.

Habang ginugunita ang panahon niya roon, sinabi ni Gela: “Marami akong natutuhan bilang elder sa teritoryong iyon. Ang sarap ng pakiramdam kapag ginagamit ka ni Jehova para tulungan ang kaniyang ‘maliliit na tupa.’”—Juan 21:17.

Idinagdag pa ni Giorgi: “May mga hamon, pero nagpokus kami sa aming paglilingkod at hindi kami  nagdalawang-isip. Nadama namin na ginagawa lang namin ang dapat naming gawin.”

Isa pang brother, na Gela rin ang pangalan, ang naglingkod sa Turkey sa loob ng ilang taon. Natatandaan niya: “Sa simula, nahirapan ako sa wika. Ngunit nang matuto na akong makipag-usap sa mga kapatid at sa mga tao sa teritoryo, talagang napakasaya ko.”

Ganito naman ang sinabi ni Nino, na mahigit 10 taon nang nagpapayunir sa Istanbul, Turkey: “Nadama ko ang tulong ni Jehova mula noong unang araw na lumipat ako. Kapag nagpayunir ka sa banyagang teritoryo, halos araw-araw mong mararanasan ang nababasa mong pambihirang mga ‘karanasan sa Taunang Aklat.’”