Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

Pangangaral sa isang palengke sa Jakarta

 INDONESIA

Mabilis na Sumulong ang Gawain

Mabilis na Sumulong ang Gawain

Nang mabalitaan ng mga lider ng simbahan ng Sangkakristiyanuhan na malaya nang sumamba ang mga Saksi ni Jehova, sumiklab sila sa galit. Mahigit 700 klero at mga lider mula sa pitong simbahan ng Protestante ang nagdaos ng seminar sa Jakarta para hikayatin ang gobyerno na ibalik ang pagbabawal. Pero nanindigan ang gobyerno sa desisyon nito.

Sa pagkalat ng balitang inalis na ang pagbabawal, maraming interesado ang sumulat sa tanggapang pansangay para humiling ng literatura o pag-aaral sa Bibliya. Noong 2003, mahigit 42,000 ang dumalo sa Memoryal, mahigit doble ng bilang ng mamamahayag sa bansa. Halos 10,000 naman ang dumalo sa isang asamblea sa Jakarta, kasama na ang isang mataas na opisyal ng Department of Religious Affairs. Humanga ang opisyal nang makita niyang bata’t matanda ay nagbubuklat ng Bibliya para tingnan ang binabanggit na mga teksto. Tiniyak niya sa mga kapatid na itatama niya ang maling impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.

Dahil naalis na ang pagbabawal, nakabalik din sa Indonesia ang mga misyonero. Ang mga unang nakabalik ay sina Josef at Herawati Neuhardt * (mula sa Solomon Islands), Esa at Wilhelmina Tarhonen (mula sa Taiwan), Rainer at Felomena Teichmann (mula sa Taiwan), at Bill at Nena Perrie (mula sa Japan). Ang sumunod na dumating ay mga bagong misyonerong nagtapos sa Gilead. Inatasan sila sa North Sumatra, Kalimantan, North Sulawesi, at iba pang lugar.

“Gustong-gusto kong tulungan ang mga estudyante na maging mahusay sa pagtuturo at pagsasalita.”—Julianus Benig

 Noong 2005, sinimulan ng tanggapang pansangay ang mga klase para sa dalawang bagong teokratikong paaralan. Ganito ang sabi ni Julianus Benig, isang instruktor sa Ministerial Training School (tinatawag ngayong School for Kingdom Evangelizers): “Gustong-gusto kong tulungan ang mga estudyante na maging mahusay sa pagtuturo at pagsasalita at mas magamit pa ng organisasyon.” Marami sa nagtapos sa paaralang ito ang special pioneer na ngayon o tagapangasiwa ng sirkito. Karamihan naman sa mga brother sa unang klase ng School for Traveling Overseers * ay sinanay na noong panahon ng pagbabawal. Pero tinulungan sila ng bagong paaralan na magampanan ang kanilang atas ngayong tapós na ang pagbabawal. Si Ponco Pracoyo, na nakapag-aral sa unang klase, ay nagsabi: “Natulungan ako ng paaralan na maging mas madamayin at responsable sa pagganap ng aking atas bilang tagapangasiwa  ng sirkito. Ang sarap sa pakiramdam at nakapagpapasigla!”

Sinapatan ang Isang Pangangailangan

Sa loob ng 25-taóng pagbabawal, karamihan ng kongregasyon sa Indonesia ay sa maliliit na pribadong tahanan nagpupulong. Iilang kongregasyon lang ang may kakayahang magtayo ng Kingdom Hall, at halos imposibleng makakuha ng building permit para sa mga bagong lugar ng pagsamba. Dahil mabilis na dumarami ang mga kongregasyon, nagtatag ang tanggapang pansangay ng isang Kingdom Hall Construction Desk (tinatawag ngayong Local Design/Construction Department) para matugunan ang pangangailangan.

Isa sa unang nakinabang sa bagong programa ng pagtatayo ang Nias Island sa North Sumatra. “Nang marinig namin na magkakaroon kami ng bagong Kingdom Hall, tuwang-tuwa kami,” ang sabi ni Haogo’aro Gea, isang matagal nang miyembro ng Gunungsitoli Congregation. “Nagpadala ang tanggapang pansangay ng pitong construction volunteer na mangangasiwa sa proyekto. Natapos ang Kingdom Hall noong 2001.” Si Faonasökhi Laoli, miyembro ng building committee, ay nagsabi: “Dati, sa maliliit na pribadong tahanan kami nagtitipon, at mababa ang tingin ng komunidad sa mga Saksi ni Jehova. Pero nang matapos ang Kingdom Hall, ang average ng dumadalo sa amin na 20 ay biglang naging 40. Sa loob ng 12 buwan, tumaas ito nang mahigit 500 porsiyento. Ang lugar ng aming pagsamba ang pinakamaganda sa lugar namin, at nirerespeto na ang mga Saksi ni Jehova.”

Kingdom Hall sa Bandung

Noong 2006, sa Bandung, West Java, nagsimulang maghanap ang mga kapatid ng lugar na pagtatayuan ng unang Kingdom Hall sa lunsod. “Inabot ng 12 buwan bago kami nakakita ng tamang lugar,” ang sabi ni Singap Panjaitan, isang elder na naglingkod sa building committee.  “Pero para mabigyan kami ng building permit, kailangan namin ng 60 o higit pang di-Saksing kapitbahay na papayag na maitayo namin ang proyekto. Pitumpu’t anim na kapitbahay ang sumuporta, kasama na rito ang isang maimpluwensiyang babae na noo’y salansang sa amin. Nang matapos ang Kingdom Hall, inimbitahan namin ang aming mga kapitbahay at ang mayor ng Bandung para pumasyal doon. Sinabi ng mayor, ‘Ang malinis at maayos na lugar ng pagsambang ito ang dapat gayahin ng lahat ng simbahan.’” Ang dalawang-palapag na Kingdom Hall ay inialay noong 2010.

Mula 2001, mahigit 100 Kingdom Hall na ang naitayo sa Indonesia, pero marami pa ang kailangan.

^ par. 3 Ang talambuhay ni Herawati Neuhardt ay lumabas sa Gumising! isyu ng Pebrero 2011.

^ par. 1 Tinatawag ngayon na School for Circuit Overseers and Their Wives.