Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 INDONESIA

Namunga ang West Java

Theodorus Ratu

Namunga ang West Java

Noong 1933, inimbitahan ni Frank Rice si Theodorus (Theo) Ratu, isang katutubo ng North Sulawesi, na tumulong sa kaniya sa pag-aasikaso sa depo ng mga literatura sa Jakarta. “Naging interesado ako sa gawaing pang-Kaharian at nagsimulang mangaral kasama ni Brother Rice,” ang kuwento ni Theo. “Nang maglaon, sumama ako kay Bill Hunter sa pangangaral sa Java at sa paglalayag ng crew ng Lightbearer patungong Sumatra.” Si Theo ang unang Indonesian na tumanggap ng katotohanan. Sa loob ng ilang dekada, nagpayunir siya sa Java, North Sulawesi, at sa Sumatra.

Nang sumunod na taon, nabigyan ni Bill Hunter ng buklet na Saan Naroon ang mga Patay? si Felix Tan, isang estudyanteng naninirahan sa Jakarta. Umuwi si Felix sa pamilya niya sa Bandung, West Java, at ipinakita ang buklet sa nakababatang kapatid niya na si Dodo. Nagulat ang dalawa nang malaman nila mula sa buklet na ang unang taong si Adan ay walang imortal na kaluluwa kundi isang kaluluwa. (Gen. 2:7) Nagkainteres sila sa espirituwal at ginalugad ang mga tindahan ng segunda-manong aklat sa Bandung para sa iba pang  publikasyon ng Watch Tower. Sinabi rin nina Felix at Dodo sa kanilang kapamilya ang mga natutuhan nila. Nang mabasa na nila ang lahat ng nakuha nilang aklat at buklet, sumulat sila sa depo sa Jakarta. Nagulat sila at napatibay nang dalawin sila ni Frank Rice, na nagdala ng bagong literatura.

Ang pamilyang Tan

Pagbalik ni Brother Rice sa Jakarta, dumalaw naman sa Bandung sa loob ng 15 araw ang bagong kasal na sina Clem at Jean Deschamp. “Tinanong ni Brother Deschamp ang aming pamilya kung gusto naming magpabautismo,” ang sabi ni Felix. “Sinagisagan ng apat sa aming pamilya—si Dodo, ang nakababata kong kapatid na si Josephine (Pin Nio), si Nanay (Kang Nio), at ako—ang aming pag-aalay kay Jehova.” * Matapos silang bautismuhan, sumama ang pamilyang Tan kina Clem at Jean sa pangangaral sa loob ng siyam na araw. Ipinakita sa kanila ni Clem kung paano mangangaral gamit ang  testimony card na may simpleng mensahe ng Bibliya sa tatlong wika. Di-nagtagal, ang maliit na grupo sa Bandung ay naging kongregasyon, ang ikalawa sa Indonesia.

Sombrero ng Papa

Habang sumusulong ang gawaing pangangaral, naalarma ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Sumulat sila at ang mga tauhan nila ng mga artikulong bumabatikos sa paniniwala at gawain ng mga Saksi. Dahil sa mga artikulong iyon, ipinatawag ng Department of Religious Affairs si Frank Rice para tanungin. Nakumbinsi ang mga opisyal sa mga sagot niya, kaya hinayaan nilang magpatuloy ang gawaing pangangaral. *

Noong pasimula ng dekada ’30, bale-wala lang sa karamihan ng mga opisyal ng kolonya ang gawaing pangangaral. Pero nang mamayagpag sa kapangyarihan ang Nazi Germany sa Europa, nagbago ang ilang opisyal, lalo na ang mga debotong Katoliko. “Hinarang ng isang Katolikong opisyal ng customs ang isang shipment ng mga aklat natin dahil daw sa di-magagandang nilalaman nito tungkol sa Nazismo,” ang sabi ni Clem Deschamp. “Nang tumawag ako sa Customs Department para magreklamo, nakabakasyon ang nanghaharang na opisyal. Agad na ini-release ng kapalit niya—isang palakaibigang lalaki na di-Katoliko—ang mga aklat, at sinabi, ‘Kunin n’yo na ang lahat ng makukuha n’yo hangga’t wala pa ang regular na tao rito!’”

“Minsan naman, pilit na ipinatatanggal sa amin ng mga opisyal ang dalawang larawan sa aklat na Enemies,” ang sabi ni Jean Deschamp. “Hindi nila nagustuhan ang larawan ng isang nakapulupot na serpiyente (si Satanas) at ng isang lasing na patutot (ang huwad na relihiyon), na parehong nakasuot ng sombrero ng papa (mitra). * Determinado kami na  ipamahagi ang aklat. Kaya sa kainitan ng araw, habang nakaupo kaming tatlo sa pantalan, isa-isa naming initiman ang mga larawan ng sombrero ng papa sa libo-libong aklat!”

Ang dalawang larawan na ipinatanggal ng mga opisyal sa aklat na Enemies

Habang napipintong sumiklab ang digmaan sa Europa, buong-tapang na ibinubunyag ng ating mga publikasyon ang kapaimbabawan at pakikialam ng Sangkakristiyanuhan sa politika. Dahil dito, lalong ginipit ng klero ang mga awtoridad na higpitan ang ating gawain, at marami sa ating publikasyon ang ipinagbawal.

Pero determinado ang mga kapatid na magpatuloy sa gawain. Gamit na gamit nila noon ang makinang pang-imprenta na mula sa Australia. (Gawa 4:20) Ikinuwento ni Jean Deschamp ang isang estratehiya nila: “Tuwing mag-iimprenta kami ng bagong buklet o magasin, kailangan naming mag-submit ng isang kopya sa mga awtoridad para paaprobahan. Sa umpisa pa lang ng sanlinggo, mag-iimprenta na kami at mamahagi. Pagkatapos, sa bandang dulo ng  sanlinggo, saka kami magdadala ng kopya sa opisina ng attorney general. Kapag hindi inaprobahan ang publikasyon, malungkot kaming iiling at agad na babalik sa imprentahan para imprentahin ang susunod na publikasyon.”

Madalas, ang mga kapatid na namamahagi ng ipinagbabawal na mga publikasyon ay parang nakikipagpatintero sa mga pulis. Halimbawa, habang nagpapatotoo si Charles Harris sa Kediri, East Java, isang police inspector pala ang kausap niya.

“Maghapon ko na kayong pinaghahanap,” ang sabi ng inspector. “Saglit, kukunin ko lang ang listahan ng mga bawal na aklat n’yo.”

“Habang naghahalughog ang inspector sa loob ng bahay niya,” ang sabi ni Charles, “isinuksok ko ang ipinagbabawal na literatura sa sekretong mga bulsa ng coat ko. Pagbalik niya, binigyan ko siya ng 15 buklet na hindi ipinagbabawal. Kahit napipilitan, nagbigay siya ng kontribusyon. Nang makalayo na ako, saka ko na ipinamahagi ang ipinagbabawal na literatura.”

Nag-iimprenta Kahit Ginigipit

Nang tuluyang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa, naapektuhan ang shipment ng literatura mula sa Netherlands papuntang Indonesia. Pero dahil nakita na ng mga kapatid ang magiging problema, maingat nilang isinaayos na ipaimprenta ang mga magasin sa isang kompanya sa Jakarta. Lumabas ang unang isyu ng Consolation (ngayo’y Gumising!) sa wikang Indonesian noong Enero 1939, at di-nagtagal ay inilabas din ang Bantayan sa Indonesian. Pagkatapos, bumili ang mga kapatid ng isang maliit na makinang pang-imprenta at sila na mismo ang nag-imprenta ng mga magasin. Noong 1940, nakatanggap sila ng mas malaking flatbed press mula sa Australia at nag-imprenta ng mga buklet at magasin sa wikang Indonesian at Dutch sa sarili nilang gastos.

Unang kagamitang pang-imprenta na dumating sa depo sa Jakarta

 Noong Hulyo 28, 1941, tuluyan nang ipinagbawal ng mga awtoridad ang lahat ng publikasyon ng Watch Tower Society. Natatandaan pa ni Jean Deschamp: “Isang umaga, nagmamakinilya ako sa opisina nang biglang bumukas ang pinto. Tatlong pulis ang pumasok at isang mataas na opisyal na Dutch na nakakontodo-uniporme—may medalya, puting guwantes, espada, at sombrerong may balahibo. Hindi na kami nagulat. Tatlong araw kasi bago nito, may nakapagsabi na sa amin na malapit nang ipagbawal ang ating mga publikasyon. Binasa ng mapagmataas na opisyal ang isang mahabang proklamasyon at iniutos na dalhin siya sa imprentahan para maisara iyon. Pero sinabi ng mister ko na huli na ang opisyal. Isang araw nang naibenta ang pang-imprenta!”

Hindi ipinagbawal ang Bibliya, kaya patuloy na nakapangaral sa bahay-bahay ang mga kapatid na Bibliya lang ang gamit. Nagdaos din sila ng mga pag-aaral sa Bibliya. Pero dahil nagbabanta na ang digmaan sa Asia, ang mga banyagang payunir ay pinabalik sa Australia.

^ par. 1 Nang maglaon, naging Saksi rin ang tatay at tatlo pang kapatid na lalaki ni Felix. Napangasawa naman ng kapatid niyang si Josephine si André Elias at nag-aral sila sa Watchtower Bible School of Gilead. Mababasa sa Gumising!, isyu ng Setyembre 2009 ang talambuhay ni Josephine.

^ par. 1 Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, bumalik sa Australia si Frank at nagpamilya. Natapos ni Brother Rice ang kaniyang makalupang landasin noong 1986.

^ par. 3 Ang mga larawan ay batay sa Apocalipsis 12:9 at 17:3-6.