Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

Mga Saksi sa Semarang, Java (mga 1937)

 INDONESIA

Diyan Ako Magsisimula!

Diyan Ako Magsisimula!

Palakad-lakad sa opisina si Alexander MacGillivray, ang lingkod ng sangay sa Australia, habang malalim ang iniisip. Ilang araw nang may gumugulo sa isipan niya, at ngayon, may naisip na siyang solusyon. Kailangan niyang makausap si Frank Rice.

Si Frank ay isang matipuno at 28-anyos na colporteur (payunir). Dumating siya sa tanggapang pansangay ilang linggo pa lang ang nakararaan. Tin-edyer siya noong malaman niya ang katotohanan at agad na naglingkod bilang colporteur. Mahigit 10 taon na siyang nangangaral sa halos buong Australia sakay ng kabayo, bisikleta, motorsiklo, at house car. Matapos manatili nang sandali sa Bethel, handa na ngayon si Frank sa bago niyang teritoryo.

Ipinatawag ni Brother MacGillivray si Frank sa opisina niya. Itinuro niya sa mapa ang mga isla sa hilaga ng Australia. “Frank, gusto mo bang umpisahan ang pangangaral dito?” ang tanong niya. “Wala pa ni isang kapatid sa lahat ng islang ito!”

Napatitig si Frank sa magkakatabing isla na parang kumikinang na mga perlas sa Indian Ocean—iyon ang Netherlands East Indies (ngayo’y Indonesia). * Ang milyon-milyong tao sa mga islang iyon ay hindi pa napangangaralan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Habang nakaturo sa kabisera, ang Batavia (ngayo’y Jakarta), sinabi ni Frank, “Diyan ako magsisimula!”

 Pangangaral sa Java

Noong 1931, dumating si Frank Rice sa Jakarta, isang malaki at mataong lunsod sa isla ng Java. Umupa siya ng isang kuwarto malapit sa sentro ng lunsod. Pinunô niya iyon ng kahon-kahong literatura sa Bibliya, na ikinagulat ng nagpapaupa.

Sina Frank Rice at Clem Deschamp sa Jakarta

“Noong umpisa, parang ’di ko alam ang gagawin ko at gusto ko nang umuwi,” ang naalaala ni Frank. “Habang ang mga tao sa paligid ay nakaputing damit na yari sa manipis na tela at nakasombrero, tagaktak naman ang pawis ko sa suot kong makapal na damit ng mga  taga-Australia. Wala akong alam ni isang salitang Dutch o Indonesian. Matapos manalangin kay Jehova, naisip kong tiyak na may nakapagsasalita ng Ingles sa mga lugar ng negosyo. Doon ako nagsimulang mangaral—at napakabunga ng teritoryong iyon!”

Karamihan sa mga taga-Jakarta ay nagsasalita ng Dutch, kaya nagsikap si Frank na matuto ng wikang iyon, di-nagtagal, nagbabahay-bahay na siya. Unti-unti rin siyang nag-aral ng Indonesian. “Ang problema, wala akong literaturang Indonesian,” ang sabi ni Frank. “Pero tinulungan ako ni Jehova na makilala ang isang gurong Indonesian na nagkainteres sa katotohanan at pumayag na isalin ang buklet na Saan Naroon ang mga Patay? Marami pang isinaling buklet pagkatapos nito. Di-nagtagal, marami nang taong nagsasalita ng Indonesian ang nagkainteres sa katotohanan.”

Noong Nobyembre 1931, dalawa pang payunir mula sa Australia ang dumating sa Jakarta, si Clem Deschamp, 25 anyos, at si Bill Hunter, 19 anyos. May dala silang house car—isa sa mga unang house car sa Indonesia. Kahit iilang pananalitang Dutch pa lang ang natututuhan nila, nangaral na sila sa pangunahing mga lunsod sa Java.

Nangaral si Charles Harris gamit ang bisikleta at house car

Kasunod nina Clem at Bill, isa pang payunir na taga-Australia ang dumating, si Charles Harris. Mula 1935, nangaral siya sa halos buong Java sakay ng house car at bisikleta, at namahagi ng mga literatura sa limang wika: Arabic, Chinese, Dutch, Ingles, at Indonesian. May mga taon na nakapamahagi siya ng mga 17,000 literatura.

Sa dami ng naipamahaging literatura ni Charles, marami ang nagbigay-pansin. Isang opisyal sa Jakarta ang nagtanong kay Clem Deschamp, “Ilan ba ang tao mo sa East Java?”

 “Isa lang,” ang sagot ni Brother Deschamp.

“Tingin mo, maniniwala ako sa ’yo?” ang sabi ng opisyal. “Parang isang batalyon ang tao mo roon dahil sa dami ng naipamahaging literatura n’yo!”

Halos hindi tumigil sa pangangaral ang unang mga payunir para maabot ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. “Nilibot namin ang buong isla, at halos wala kaming nakausap nang dalawang beses,” ang sabi ni Bill Hunter. Napakarami nilang naihasik na espirituwal na binhi na saganang namunga nang maglaon.—Ecles. 11:6; 1 Cor. 3:6.

 Nakarating sa Sumatra ang Mabuting Balita

Noong 1936, pinag-usapan ng mga payunir sa Java kung paano mapalalawak ang gawain hanggang sa Sumatra—ang ikaanim na pinakamalaking isla sa daigdig. Bulubunduking isla ito sa kahabaan ng ekwador. May malalaking lunsod ito, mga taniman, malalawak na sapa, at mga kagubatan.

Nagkasundo ang mga payunir na si Frank Rice ang papuntahin doon, kaya nag-ambag-ambag sila para sa pamasahe niya. Di-nagtagal, nakarating si Frank sa Medan, North Sumatra, dala ang kaniyang dalawang bag sa pangangaral, 40 kahon ng literatura, at kaunting pera. Pero matibay ang pananampalataya ni Frank. Agad siyang nagsimula sa gawain, na nagtitiwalang ilalaan ni Jehova ang lahat ng pangangailangan niya.—Mat. 6:33.

Noong huling linggo ng pangangaral ni Frank sa Medan, nakilala niya ang isang palakaibigang Dutch at niyaya siya nitong magkape. Binanggit ni Frank na kailangan niya ng kotse para maipangaral ang mabuting balita sa buong isla. Itinuro ng lalaki ang sirang kotse sa bakuran niya at sinabi, “Kung maaayos mo ’yan, bayaran mo na lang ako ng 100 guilder.” *

“Pero wala akong 100 guilder,” ang sagot ni Frank.

Tinitigan ng lalaki si Frank. “Gusto mo ba talagang mangaral sa buong Sumatra?” ang tanong niya.

“Oo,” sagot ni Frank.

“Sige, kung maaayos mo ang kotse, kunin mo na,” ang sabi ng lalaki. “Kapag nagkapera ka, saka mo na ’ko bayaran.”

Inayos ni Frank ang kotse at napaandar ito. Isinulat  niya, “Sakay ng kotse na punô ng literatura, may tangkeng punô ng gasolina, at pusong punô ng pananampalataya, nangaral ako sa Sumatra.”

Si Henry Cockman kasama sina Jean at Clem Deschamp sa Sumatra, 1940

Makalipas ang isang taon, nang makapangaral na si Frank sa buong isla, bumalik siya sa Jakarta. Ibinenta niya ang sasakyan sa halagang 100 guilder at ipinadala ang pera sa lalaking Dutch sa Medan.

Pagkaraan ng ilang linggo, tumanggap si Frank ng sulat mula sa Australia para sa bago niyang teritoryo. Agad siyang nag-impake at nagpunta sa Indochina (ngayo’y Cambodia, Laos, at Vietnam) para simulan ang pangangaral doon.

^ par. 4 Tinatawag din ito noon na Dutch East Indies. Mga 300 taon ang kaagahan, dumating dito ang mga Dutch at nagtatag ng kolonya dahil sa maunlad na kalakalan ng pampalasa. Sa ulat na ito, ang kasalukuyang pangalan ng mga lugar ang gagamitin natin.

^ par. 3 Mga $1,100 (U.S.) sa ngayon.