Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Ang Unang Bingi na Tumanggap ng Katotohanan

José Pérez

Ang Unang Bingi na Tumanggap ng Katotohanan
  • ISINILANG 1960

  • NABAUTISMUHAN 1982

  • Dahil sa pag-ibig ng mga kapatid, naakit sa katotohanan ang batang si José, kahit walang marunong mag-sign language sa kongregasyon.

NOONG bata pa ako, nabingi ako kaya nag-aral ako ng sign language sa isang paaralan para sa mga bingi. Sa edad na 11, nalaman ko ang katotohanan nang isang pamilyang Saksi sa lugar namin ang mag-anyaya sa akin na dumalo sa pulong. Kahit hindi ko naintindihan ang mga pahayag, ipinagpatuloy ko ang pagdalo dahil sa malugod na pagtanggap sa akin. Marami sa kongregasyon ang nag-anyaya sa akin na kumain at sumama sa iba pang gawain.

Naging mamamahayag ako noong 1982, at nabautismuhan ako nang taon ding iyon. Noong 1984, ikinasal kami ni Eva, na isa ring bingi. Kahit hindi malalim ang pagkaunawa namin sa ilang katotohanan sa Bibliya, nakilala namin na ito ang organisasyon ni Jehova dahil sa pag-ibig ng mga kapatid, at tuwang-tuwa kaming mapabilang sa kongregasyon.Juan 13:35.

Noong 1992, isinaayos ang pagtuturo ng American Sign  Language (ASL) sa ilang kapatid. Agad na hinanap ng mga mamamahayag na ito ang mga bingi para ibahagi sa kanila ang mabuting balita. Noong 1994, lalong sumigla ang gawain sa larangan ng sign language nang isang mag-asawa mula sa Puerto Rico ang anyayahan sa sangay para magturo ng sign language sa 25 kapatid.

Nang huling bahagi ng taóng iyon, dumalo kami ni Eva sa mga pulong ng bagong-tatag na grupo ng sign language. Habang dumadalo kami sa mga pulong ng sign language, saka lang namin naintindihan nang lubusan ang mga detalye tungkol sa mga turo ng Bibliya gaya ng hamon ni Satanas sa pansansinukob na soberanya ni Jehova at ng papel ng Mesiyanikong Kaharian sa layunin ng Diyos.

Noong Disyembre 1, 1995, itinatag ang mga kongregasyong ASL sa Santo Domingo at sa Santiago. Pagsapit ng Agosto 2014, ang sign language ay mayroon nang 26 na kongregasyon at 18 grupo.

Sign language ang wikang itinuro namin ni Eva sa aming tatlong anak. Ang panganay naming si Éber ay nasa sangay sa Estados Unidos at tumutulong sa pagsasalin sa sign language. Ako ay isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon, at si Eva naman ay isang regular pioneer.