Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Sino ang Ulo?

Sino ang Ulo?

“Mawawalan ng Ulo ang Kanilang Kapatiran”

Noong Hulyo 13, 1957, sumulat si Inspektor Colón sa secretary of state: “Ayon sa isang lumang kasabihan: ‘Sa ulo dapat tamaan ang ahas.’ Para tuluyang mawala sa bansa ang sektang mga Saksi ni Jehova, kailangang mapaalis ang kanilang mga misyonero. Sa gayon, mawawalan ng ulo ang kanilang kapatiran, at kung wala silang ulo, hindi magtatagumpay ang kanilang mga plano.”

Di-nagtagal pagkatapos nito, iniutos ng Secretary of Security na si Arturo Espaillat na umalis sa bansa ang 10 natitirang misyonero. Noong Hulyo 21, 1957, sumulat si Roy Brandt kay Trujillo at hiniling na makausap ito para maipaliwanag ang ating sitwasyon. Ayon sa liham, “Ang kampanyang paninira na ginagawa ng ilang tagarito laban sa pangalan ng Diyos na Jehova ay katulad ng kampanyang isinagawa ng mga nadayang indibiduwal laban sa mga apostol ni Jesus.” Pagkatapos, pinasigla ni Brother Brandt si Trujillo na basahin ang Gawa kabanata 2 hanggang 6 at sinabi, “Ang matalino at tahasang payo na ibinigay ni Hukom Gamaliel noon ay kapit pa rin ngayon.” Sinipi ni  Brother Brandt sa malalaking titik ang Gawa 5:38, 39: “PABAYAAN NINYO ANG MGA LALAKING ITO, SAPAGKAT KUNG ANG GAWAIN NILA AY MULA SA DIYOS, BAKA MASUMPUNGAN NINYO BALANG-ARAW NA NAKIKIPAGLABAN PALA KAYO SA DIYOS.” Pero hindi siya pinakinggan. Noong Agosto 3, 1957, dinala sa airport ang mga misyonero at idineport.

‘Si Jesus ang Ulo’

Pinangasiwaan ni Donald Nowills ang gawain sa sangay noong 20 anyos pa lang siya

Paano na ang mga kapatid doon ngayong wala na ang mga misyonero? Sila ba ay “mawawalan ng ulo,” gaya ng sinabi ni Inspektor Colón? Hindi, dahil si Jesus “ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.” (Col. 1:18) Kaya hindi ‘nawalan ng ulo’ ang mga lingkod ni Jehova sa Dominican Republic. Sa halip, patuloy silang inalalayan ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.

Si Donald Nowills, na naatasang mangasiwa sa gawain  sa sangay matapos i-deport ang mga misyonero, ay 20 anyos pa lang noon at apat na taon pa lang na bautisado. Kahit nakapaglingkod siya nang ilang buwan bilang tagapangasiwa ng sirkito, wala siyang karanasan sa gawain sa sangay. Si Brother Nowills ay may isang maliit at simpleng opisina sa bahay niyang gawa sa kahoy at galbanisadong bakal, at lupa ang sahig nito. Iyon ay nasa Gualey, isang mapanganib na bahagi ng Ciudad Trujillo. Sa tulong ni Félix Marte, gumawa siya ng mga kopya ng Bantayan para sa buong bansa.

Naka-mimeograph na kopya ng 1958 na Bantayan

Si Mary Glass, na ang asawang si Enrique ay nakabilanggo nang panahong iyon, ay tumutulong kay Brother Nowills. “Umaalis ako sa trabaho nang 5:00 n.h.,” ang kuwento ni Mary, “at pumupunta ako sa opisina ni Brother Nowills para i-type ang Bantayan. Pagkatapos, gumagawa ng mga kopya si Brother Nowills gamit ang mimeograph machine. Isang sister naman na taga-Santiago at may code-name na ‘anghel’ ang naglalagay ng mga  kopyang ito sa loob ng limang-galong basyong lata ng mantika. Pagkatapos papatungan niya ng tela ang literatura at tatabunan iyon ng kamoteng-kahoy, patatas, o gabi. Sumunod, tatakpan niya ito ng telang-sako. Pagkatapos, sasakay ang sister sa pampublikong transportasyon papuntang norte at mag-iiwan ng isang kopya sa bawat kongregasyon. Pagpapasa-pasahan ito ng mga pamilya para mapag-aralan.”

“Kinailangan naming mag-ingat,” ang sabi pa ni Mary, “dahil naglipana sa kalsada ang mga government agent na nagsisikap tuklasin kung saan iniimprenta ang Bantayan. Pero hindi nila natuklasan iyon. Lagi kaming pinoprotektahan ni Jehova.”