Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Pinalaya, Saka Muling Ipinagbawal

Pinalaya, Saka Muling Ipinagbawal

Di-inaasahang Kalayaan

Si Manuel Hierrezuelo ay napatay sa panahon ng interogasyon ng mga awtoridad

Sa loob ng mahihirap na taon ng pagbabawal, sina Lennart at Virginia Johnson at Roy at Juanita Brandt ay nanatili sa kanilang atas bilang misyonero. ‘Si Roy Brandt at ako ay tinawag para sumagot sa opisyal na pagtatanong,’ ang naalaala ni Lennart. ‘Bago pa nito, inanyayahan ng mga opisyal ng gobyerno ni Trujillo si Brother Manuel Hierrezuelo na pumaroon at makipagkita sa kanila.’ Nakalulungkot, napatay si Manuel pero nakapanatiling tapat hanggang sa wakas. Ano kaya ang nangyari kina Lennart at Roy? Ganito ang sabi ni Lennart: “Nang kami’y dumating doon, kami’y magkabukod na tinanong, at maliwanag na ang aming mga kasagutan ay inirekord. Wala nang naganap pang anuman noon, kundi paglipas ng dalawang buwan ibinalita ng mga pahayagan na inaalis na ng gobyerno ni Trujillo ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova at na maaari na naming hayagang ipagpatuloy ang aming mga gawain.”

Bago ang pagbabawal noong 1950, may 261 mamamahayag na nangangaral sa Dominican Republic. Nang alisin ang pagbabawal noong Agosto 1956, mayroon nang 522 naghahayag ng mabuting balita. Masayang-masaya ang mga kapatid nang malaman nilang malaya na silang makapaglilingkod pagkatapos ng anim-na-taóng pagbibilanggo, paghihigpit, at patuluyang pagmamanman.

Paano tumugon ang bayan ni Jehova sa biglaang pagbabagong ito? Agad-agad nilang inorganisang muli ang gawain! Naghanap sila ng mga lugar na puwedeng mapagpulungan, at gumawa ng bagong mga mapa ng teritoryo at mga file ng kongregasyon. Tuwang-tuwa ang mga kapatid dahil puwede na silang humiling at mapadalhan ng mga literatura. May-kasigasigan nilang sinamantala ang di-inaasahang  kalayaang ito na mangaral. Bilang resulta, pagkatapos lang ng tatlong buwan, noong Nobyembre 1956, umabot na sa 612 ang mamamahayag na nakikibahagi sa pangangaral.

Ang Kampanyang Paninira ng Klero

Nakasaad sa memorandum ni Toledano ang mga plano para huwag makapasok sa bansa ang ating literatura

Agad-agad na kumilos ang klerong Katoliko para siraan ang mga Saksi. Gamit ang kasunduang pinirmahan ni Trujillo at ng Vatican, pinatindi ng klero ang pagsisikap nitong impluwensiyahan ang pamahalaan na pawiin ang mga Saksi. Ang paring Katoliko na si Oscar Robles Toledano ay nagpadala ng memorandum sa State Secretary of the Interior na si Virgilio Álvarez Pina, at humiling na suportahan siya ng gobyerno sa pagsisikap niyang “imulat ang mata ng mga taga-Dominican Republic sa matitinding panganib na dulot ng sektang ‘mga Saksi ni Jehova’.”

Ipinaliwanag ni Toledano na ang pangunahing pakay niya ay “gawing di-epektibo ang kampanyang pangungumberte ng mga Saksi ni Jehova.” Inirekomenda rin ng  memorandum ni Toledano na huwag payagang makapasok sa bansa ang ating literatura, “lalo na ang aklat na ‘Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo’ at ang magasing Bantayan.”

Muling Ipinagbawal

Sumali na rin sa pagsalakay sa mga Saksi ang mga lider ng relihiyon at ang kanilang mga kasabuwat sa gobyerno ni Trujillo. Si Francisco Prats-Ramírez, presidente ng Dominican Party, ay sumulat ng isang memorandum kay Trujillo noong Hunyo 1957, na nagsasabi: “May pinaplano akong mga miting para labanan ang mapaminsala at di-makabayang tendensiya ng mga Saksi ni Jehova.”

Ramdam agad ang epekto ng kampanyang ito ng paninira, gaya ng ipinaliwanag sa aklat na Trujillo—Little Caesar of the Caribbean: “Noong mga buwan ng tag-araw ng 1957, inilathala ng mga pahayagan sa Dominican Republic ang sunod-sunod na akusasyon ng matataas na opisyal ng Gobyerno tungkol sa ‘mapaghimagsik at mapaminsalang’ gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nagsimula ito nang ang sekta ay tuligsain ng isang paring Jesuita, si Mariano Vásquez Sanz, sa istasyon ng radyong pag-aari ni Trujillo, ang La Voz Dominicana [ang Tinig ng Dominican Republic]. Sinabi niya na ito ay alagad ng Komunismo at binansagan ang mga tagasunod nito bilang ‘tiwali, tuso, kriminal, at traidor na kaaway.’ Pagkatapos, isang liham pastoral na pinirmahan ng mga arsobispong sina Ricardo Pittini at Octavio Antonio Beras ang humimok sa mga pari na protektahan ang kanilang mga miyembro mula sa ‘napakasamang erehiya’ na ito.”

Nagtagumpay ang pagsisikap ng Pamahalaan at ng Simbahan. Noong Hulyo, ipinasa ng Kongreso ng Dominican Republic ang isang batas na nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, ang mga kapatid ay dumanas ng pambubugbog at kalupitan sa kamay ng mga pulis. Mga 150 kapatid ang naaresto.