Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Pagtugon sa Pagsulong

Pagtugon sa Pagsulong

‘Dapat Maligtas ang Lahat ng Uri ng mga Tao’

Kalooban ni Jehova na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Dahil dito, ang mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic ay nagsisikap na mapangaralan ang mga tao sa bawat sulok ng kanilang teritoryo, kasama na ang mga nasa bilangguan.

Noong 1997, habang ginagawa ang kanilang lingguhang pagbisita sa Najayo Prison sa San Cristóbal, nakilala ng mag-asawang special pioneer ang isang 23-anyos na babae mula sa Colombia na nabilanggo dahil sa pagbebenta ng droga. Ang babaeng ito, si Gloria, ay nakakausap na ng isang sister na di-makatarungang ibinilanggo. Para masagot ang mga tanong ni Gloria tungkol sa Bibliya, dinalhan nila siya ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan at ng iba pang publikasyon. Nakaapekto sa iba pang bilanggo ang pananabik ni Gloria na matuto, kaya lumaki nang lumaki ang grupong ito na binibisita ng mga Saksi linggo-linggo.

Nagdulot ng malaking pagbabago kay Gloria ang katotohanan, at noong 1999, siya ay naging isang di-bautisadong  mamamahayag. Bawat buwan, gumugugol siya ng mahigit 70 oras sa pangangaral sa bilangguan, at mayroon siyang anim na masusulong na Bible study na mga kapuwa niya preso. Pagkatapos, noong 2000, humiling siya ng presidential pardon, na ipinagkaloob naman dahil sa kaniyang mabuting paggawi. Pinalaya siya at pinabalik sa Colombia. Noong 2001, di-nagtagal pagbalik niya roon, nagpabautismo siya, kahit tutol ang pamilya niya sa kaniyang desisyon.

Natutuhan ni Gloria Cardona ang katotohanan sa bilangguan. Siya at ang kaniyang asawa ay mga payunir ngayon

Pagkatapos mabautismuhan, nagpayunir si Gloria. Napangasawa niya ang isang elder, at pareho silang nag-regular pioneer. Sa ngayon, naglilingkod sila sa isang lugar sa Colombia kung saan mas malaki ang pangangailangan. May mga estudyante si Gloria na natulungan niyang mag-alay at magpabautismo. Sinabi niya na malaki ang utang na loob niya kay Jehova, at na ang pinakamabuting paraan para mabayaran Siya ay ang gawin din sa iba ang ginawa sa kaniya—ang tulungan silang malaman ang katotohanan.

Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Gloria, walang rehas ang makapipigil sa mga bilanggo na matuto ng nagliligtas-buhay na katotohanan. Nakipag-usap ang mga kinatawan ng sangay sa mga opisyal ng General Bureau of Prisons para humingi ng permiso na makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa mas maraming bilangguan. Bilang resulta, 43 brother at 6 na sister ang nabigyan ng permit na magturo ng Bibliya sa 13 bilangguan.

“Habaan Mo ang Iyong mga Panaling Pantolda”

Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, mayroon nang 21,684 na mamamahayag ng mabuting balita sa 342 kongregasyon sa Dominican Republic, at 34,380 ang pag-aaral sa Bibliya. Ang dumalo naman sa Memoryal ay 72,679. Dahil sa pagsulong na ito, tumugon nang may pagkaapurahan ang bayan ni Jehova sa mga salita ni Isaias: “Paluwangin mo pa ang dako ng iyong tolda. At iunat [mo] ang mga  pantoldang tela ng iyong maringal na tabernakulo. Huwag kang magpigil. Habaan mo ang iyong mga panaling pantolda.”Isa. 54:2.

Isang hamon ang pagkakaroon ng Assembly Hall kung saan magkakasya ang lumalaking bilang ng mamamahayag. Noong 1996, naitayo na ang Assembly Hall na katabi ng sangay sa Santo Domingo, at ginagamit ito ng mga kongregasyong nasa kabisera at kalapit na mga lugar. Pero ang Assembly Hall sa Villa González, na ginagamit naman ng mga kongregasyong mula sa ibang lugar, ay kailangang-kailangang kumpunihin o palitan.

Noong 2001, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo ng isang bagong Assembly Hall para sa 2,500 katao sa loteng nasa Villa González. Tuwang-tuwa ang mga kapatid nang malaman nilang magtatayo rin doon ng isang pasilidad para sa Ministerial Training School (ngayo’y pinalitan na ng School for Kingdom Evangelizers).  Katabi ito ng Assembly Hall at may mga silid-tulugan, isang silid-aralan, aklatan, kusina, at silid-kainan. Si Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay para sa bagong mga pasilidad noong 2004. Mula noon, 15 klase na ang nagtapos sa paaralan.