Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Nagkaroon Siya ng Layunin sa Buhay

José Estévez

Nagkaroon Siya ng Layunin sa Buhay
  • ISINILANG 1968

  • NABAUTISMUHAN 1989

  • Sa pagnanais na makaahon sa kahirapan, lumipat si José sa lunsod noong bata pa siya. Doon niya natutuhan ang katotohanan, at sa paglipas ng mga taon, masigasig niyang inuna ang Kaharian ng Diyos.

PARA kumita, ang 11-anyos na si José, na bagong salta sa Santo Domingo, ay naglinis ng mga sapatos at nagbenta ng palamig at orange. Noong tin-edyer siya, kilalá na siya sa pagiging masipag. Pagkaraan ng ilang taon, pinakisuyuan siya ng kaniyang kuyang Saksi ni Jehova na asikasuhin ang bahay nito. Nakita ni José sa mesa sa silid-kainan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, at magdamag niyang binasa iyon. Natanto niyang natagpuan na niya ang isang bagay na magbibigay ng layunin sa kaniyang buhay.

Nang sumunod na linggo, pumunta si José sa pinakamalapit na Kingdom Hall at nagpakilalang Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa mga kapatid na natutuhan niyang dapat siyang dumalo sa mga pulong at mangaral ng mabuting balita. Sinabi rin niya na nang mabasa niya ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, nalaman niya ang mga bagay na hindi dapat gawin ng  mga Kristiyano, at tiniyak niya sa kanila na hindi niya ginagawa ang mga iyon. Pagkalipas ng 15 araw, naging di-bautisadong mamamahayag si José. Nabautismuhan siya pagkatapos ng anim na buwan, noong siya ay 21 anyos.

Nahirapang dumalo sa mga pulong si José dahil sa iskedyul niya sa trabaho. Kaya kumuha siya ng ibang trabaho na ang suweldo ay 25 porsiyento lang ng dati niyang kinikita. Ngayon, puwede na siyang dumalo sa mga pulong at mag-regular pioneer. Nang mag-asawa na siya at magkaroon ng dalawang anak na lalaki, kinailangan niyang huminto sa pagpapayunir.

Determinado si José na ituro ang katotohanan sa kaniyang mga anak mula sa pagkabata ng mga ito. Kaya noong tatlong-buwang buntis ang kaniyang asawang si Josefina sa kanilang panganay na si Noé, binabasa ni José nang malakas ang librong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, at iniisip na sana ay naririnig siya ng sanggol. Nang ipanganak si Noé, nabasa na ni José sa kaniya ang buong aklat. Ganito rin ang ginawa niya sa pangalawa nilang anak na si Neftalí.

Nang maglaon, naging general manager si José, at ang suweldo niya ay 10 ulit kaysa sa dati. Pero noong 2008, nang ang mga anak niya ay edad 10 at 13 na, iniwan niya ang posisyon niya bilang manager at muling nagpayunir—sa pagkakataong ito, kasama na ang kaniyang asawa’t mga anak. Dahil di-hamak na lumiit ang kinikita niya, kinailangang magtulungan ang pamilya para mabawasan ang gastusin. Mga 30 Bible study ang idinaraos nilang apat buwan-buwan. Kung uunahin natin ang Kaharian, tinitiyak ni Jesus na pagpapalain tayo ni Jehova. (Mat. 6:33) Nagtiwala si José at ang kaniyang pamilya sa pangakong iyan, at talagang nakita nila na tinutupad ni Jehova ang Kaniyang salita.