Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Matinding Pagsalakay

Matinding Pagsalakay

“Malilipol Na Sila”

Si Borbonio Aybar ay nabautismuhan noong Enero 19, 1955, habang ipinagbabawal pa ang gawain. Pagkatapos mabautismuhan, nagdaos siya ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa Monte Adentro at sa Santiago. Nang alisin ang pagbabawal noong 1956, ang ilan sa kaniyang mga tinuturuan ay nabautismuhan, pati na ang kaniyang asawa.

Noong kalagitnaan ng Hulyo 1957, ang mga opisyal ng gobyerno ay nagdaos ng pampublikong pagtitipon sa Salcedo para magsalita laban sa mga Saksi. “Si Francisco Prats-Ramírez ang pangunahing tagapagsalita,” ang paliwanag ni Brother Aybar. “Sinabi ni Prats-Ramírez, ‘Ilang araw na lang, malilipol na sila.’ ” Pagkalipas ng ilang araw, noong Hulyo 19, 1957, hinuli ng mga pulis ang lahat ng Saksi ni Jehova sa Blanco Arriba, El Jobo, Los Cacaos, at Monte Adentro.

“Isa ako sa mga naaresto,” ang kuwento ni Brother Aybar. “Dinala kami sa punong-himpilan ng militar sa Salcedo. Pagdating namin doon, ginulpi ako ng koronel na si Saladín. Halos lumuwa sa galit ang kaniyang mga mata habang pinagbabantaan niya kami. Pagkatapos, pinapila kami, isang linya para sa mga lalaki at isa para sa mga babae. Pinagsisipa at pinagbubugbog ng mga guwardiya ang mga lalaki at pinagpapalo naman nila ang mga babae habang sinasabi, ‘Katoliko ako at pumapatay ako.’ ”

“Nabasa ko na ang Bibliya, at alam kong si Jehova ang Diyos”

Pinagmulta si Brother Aybar at sinentensiyahan ng tatlong-buwang pagkabilanggo. Ikinuwento pa niya: “Habang kami ay nakabilanggo, binisita kami ng heneral na si Santos Mélido Marte. Sabi niya: ‘Nabasa ko na ang Bibliya, at alam kong si Jehova ang Diyos. Wala kayong  ginawang anumang nararapat sa pagkabilanggo, pero wala akong magawa para sa inyo dahil mga obispong Katoliko ang nasa likod ng pagkabilanggo ninyo. Sila lang ang makapagpapaikli ng sentensiya ninyo, o kaya ay ang hepe (“ang boss,” si Trujillo).’ ”

“Ikaw Ba ang Boss?”

Kasama sa mga naaresto ang anak at mga pamangkin ni Fidelia Jiménez, na mga inaralan niya. Kahit hindi naman hinuli si Fidelia, pumunta siya sa mga awtoridad at nagpakulong para patibayin ang mga nakabilanggo. Nang panahong iyon, bumisita sa bilangguan ang kilabot na kumandante ng militar na si Ludovino Fernández, na kilalá sa kaniyang kahambugan at kalupitan. Ipinatawag niya si Fidelia at tinanong ito, “Ikaw ba ang boss?”

“Hindi po,” sagot ni Fidelia. “Kayo pong lahat ang mga boss.”

“Kung gayon,” sabi ni Fernández, “ikaw ang pastor.”

“Hindi po,” tugon ni Fidelia. “Si Jesus po ang pastor.”

“Hindi ba dahil sa ‘yo kung bakit nabilanggo ang mga taong ito?” tanong ni Fernández. “Ikaw ang nagturo sa kanila, ‘di ba?”

“Hindi po,” sagot ni Fidelia. “Dahil po sa Bibliya kung bakit nabilanggo ang mga taong ito. Namumuhay po sila ayon sa kanilang natutuhan sa Bibliya.”

Nang sandaling iyon, dalawang brother na naaresto rin, si Pedro Germán at si Negro Jiménez, na pinsan ni Fidelia, ay dumaan sa pasilyo. Mula sa bartolina, ililipat sila sa selda. Punong-puno ng natuyong dugo ang damit ni Negro, at magang-maga ang mata ni Pedro. Sa pagkakitang bugbog-sarado ang mga ito, tinanong ni Fidelia ang kumander, “Ganito po ba ninyo tinatrato ang mga taong mabuti, tapat, at may-takot sa Diyos?” Nang makita ni Fernández  na hindi niya kayang sindakin si Fidelia, iniutos niyang ibalik ito sa selda.

Ang matapat na mga lingkod ni Jehova ay kinailangang magpakalakas-loob sa harap ng matinding pagsalansang—at gayon nga ang ginawa nila! Alam ito maging ng mga opisyal ng gobyerno. Halimbawa, noong Hulyo 31, 1957, si Luis Arzeno Colón, isang inspektor para sa presidente, ay sumulat sa secretary of state: “Kahit ipinroklama na kamakailan ng National Congress na ilegal ang relihiyosong gawain ng sektang kilalá bilang mga Saksi ni Jehova, matatag pa rin ang karamihan sa mga miyembro nito.”