Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Patuloy ang Pangangaral

Patuloy ang Pangangaral

Patagong Ipinagpatuloy ng mga Misyonero ang Gawain

Ang pagbabawal sa gawain ay simula ng kalbaryo para sa mga kapatid. ‘Ipinasara ang aming mga Kingdom Hall at ipinagbawal ang gawain,’ ang kuwento ng misyonerang si Alma Parson. ‘Maraming pasakit at pagdurusang dinanas ang mga kapatid doon.’ Mayroon  ding mga nawalan ng trabaho at nabilanggo. Sa kabila noon, sinabi niya: ‘Kitang-kita ang gabay at proteksiyon ni Jehova sa napakaraming pagkakataon.’ Habang nagtitiwala sa gabay ni Jehova, patagong ipinagpatuloy ng mga kapatid ang gawain.

Hindi tayo pinahintulutang magdaos ng mga pagpupulong. Naalaala ni Lennart Johnson: ‘Ang mga kapatid ay tahimik na nagtipon-tipon sa maliliit na grupo sa mga pribadong tahanan. Doon ay nag-aral kami ng mga artikulo sa Bantayan na naka-mimeograph. Lahat ng mga tapat ay lubhang nagpahalaga sa espirituwal na lakas na patuloy na ibinigay sa amin ni Jehova samantalang kami’y nasa maliliit na grupong ito sa pag-aaral.’

Sina Roy at Juanita Brandt ay ilan sa mga nanatili sa kanilang atas noong panahon ng pagbabawal

Lalo pang tumindi ang pagmamanman at panliligalig ng gobyerno. Pero hindi natakot ang mga kapatid. Noong Setyembre 15, 1950, sa isang liham sa Presidente, sinabi ni Secretary Hungría: “Paulit-ulit na ipinatawag sa opisinang ito si Mr. Lee Roy Brandt at ang iba pang direktor ng grupo ng mga Saksi ni Jehova, at pinagsabihang ihinto ang lahat ng propaganda ng samahang ito na legal nang binuwag sa Republikang ito—isang utos na maliwanag na hindi nila sinusunod. Araw-araw, nakakatanggap kami ng mga ulat mula sa iba’t ibang panig ng bansa na palihim nilang ipinagpapatuloy ang kanilang propaganda at binabale-wala ang awtoridad ng pamahalaan.” Sa pagtatapos ng liham, inirekomenda niyang ipa-deport ang mga “pangunahing banyagang direktor” ng mga Saksi ni Jehova.

“Isang Pampatibay sa Tapat”

Sa pagtatapos ng 1950, dumalaw sa bansa sina Brother Knorr at Brother Henschel. Pagkatapos, ang ilang  misyonero ay inilipat sa Argentina, Guatemala, at Puerto Rico. Ang iba naman ay kumuha ng sekular na trabaho para makapanatili sa bansa. Halimbawa, si Brother Brandt ay nagtrabaho sa isang kompanya ng kuryente, at ang iba naman ay nagturo ng wikang Ingles. Tungkol sa mga misyonerong iyon, sinasabi sa 1951 Yearbook: “Ang kanilang pananatili sa bansa, ang hindi nila pagtakas, ay isang pampatibay sa tapat na mga tagasunod ng Panginoon na natuto ng katotohanan mula sa kanila. Ang lahat ay nagagalak na makita ang kanilang lakas ng loob sa pamamagitan ng pananatili sa kanilang atas.”

‘Ang kanilang pananatili sa bansa ay isang pampatibay sa mga tapat’

Isa sa mga misyonerong nagtuturo ng Ingles ay si Dorothy Lawrence. Bukod sa pagtuturo ng Ingles, nagtuturo din siya ng Bibliya sa mga interesado. Bilang resulta, may mga natulungan siyang mapunta sa katotohanan.

May iba pang ginawa ang tapat na mga mananamba ni Jehova para patuloy na makapangaral kahit may nagmamanman. Kung minsan, pinaghihiwa-hiwalay nila ang mga pahina ng aklat at inilalagay ang ilang itinuping pahinang ito sa kanilang bulsa o sa isang supot ng mga pinamili para makapangaral sila nang hindi nakatatawag ng pansin. Ang mga ulat ng paglilingkod sa larangan ay ginawang parang listahan ng mga bibilhin. Sa halip na aklat, buklet, magasin, pagdalaw-muli, at oras, ang inililista  ay papaya, beans, itlog, repolyo, at spinach. Ang mga kopya ng Bantayan na naka-mimeograph ay tinatawag na yuca (kamoteng-kahoy), na karaniwan sa lugar na iyon.

Patuloy ang Paggawa ng Alagad

Noong Hunyo 16, 1954, si Rafael Trujillo at ang Vatican ay pumirma ng kasunduan na nagbibigay ng espesyal na pribilehiyo sa klerong Romano Katoliko sa Dominican Republic. Nang panahong iyon, mga apat na taon nang ipinatutupad ang pagbabawal sa mga Saksi. Sa kabila nito, pagdating ng 1955, umabot na sa 478 ang mamamahayag sa Dominican Republic. Paano nangyari ang pagsulong na iyon sa kabila ng mahihirap na kalagayan? “Ang sekreto ng aming lakas ay ang espiritu ni Jehova,” ang sabi sa 1956 Yearbook. “Ang mga kapatid ay may pagkakaisa at matibay na pananampalataya, at nagpapatuloy sila nang may lakas ng loob.”

Noong Hulyo 1955, isang pormal at nakanotaryong liham mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ang ipinadala kay Trujillo. Ipinaliwanag ng liham ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova at hiniling nito kay Trujillo na ‘alisin ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova at  sa Watch Tower Bible and Tract Society.’ Ano ang naging resulta?