Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

“Makikita Rin Natin Sila”

“Makikita Rin Natin Sila”

“Balang-araw, Makikita Rin Natin Sila”

Noong mga 1935, sa rehiyong tinatawag na Cibao Valley, nagsimulang magbasa ng Bibliya si Pablo González. Umugnay siya sa isang grupong Protestante, pero nang makita niyang hindi kaayon ng nabasa niya sa Kasulatan ang paggawi nila, humiwalay siya agad. Gayunman, mag-isa niyang ipinagpatuloy ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at ikinuwento sa iba ang natututuhan niya—una sa kaniyang mga kapamilya at kapitbahay, at nang maglaon ay sa mga kalapít na komunidad. Ipinagbili niya ang kaniyang bukid at bakahan at ginamit ang perang iyon para sa kaniyang paglalakbay at ministeryo.

Pagsapit ng 1942, di-bababa sa 200 pamilya na ang dinadalaw ni Pablo sa kalapít na mga lugar at nagdaraos na siya ng regular na mga pulong, kahit wala pa siyang nakakausap na mga Saksi ni Jehova. Pinasigla niya ang mga tao na mag-aral ng Bibliya at mamuhay kaayon nito. Isinapuso ng marami ang sinabi niya, at inihinto nila ang paninigarilyo at ang pagsasagawa ng poligamya.

Isa sa mga nakinig sa makakasulatang mensahe ni Pablo ay si Celeste Rosario. Sinabi niya: “Ang pinsan ng nanay  ko, si Negro Jiménez, ay kabilang sa isa sa mga grupong pinangangasiwaan ni Pablo González. Ako ay 17 anyos noon. Dinalaw niya ang pamilya namin at binasa niya sa amin ang ilang teksto mula sa Bibliya. Sapat na iyon para magpasiya akong iwan ang Simbahang Katoliko. Latin ang binabasa sa amin noon sa simbahan, pero hindi naman namin iyon naiintindihan. Di-nagtagal, dinalaw kami ni Pablo González at pinatibay kami. Sabi niya: ‘Hindi tayo kaanib ng alinmang relihiyong alam natin, pero may mga kapatid tayo sa buong mundo. Hindi pa natin alam kung sino sila o kung ano’ng tawag sa kanila, pero balang-araw, makikita rin natin sila.’ ”

Bumuo si Pablo ng mga grupo ng mga estudyante ng Bibliya sa Los Cacaos Salcedo, Monte Adentro, Salcedo, at Villa Tenares. Noong 1948, pagbaba niya ng bus sa Santiago, nakakita siya ng mga Saksing nangangaral sa lansangan, at binigyan nila siya ng Bantayan. Minsan naman, isang sister ang nagbigay sa kaniya ng dalawang aklat at inanyayahan siyang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Santiago. Hangang-hanga siya sa narinig niya sa Memoryal, at naisip niyang natagpuan na rin niya sa  wakas ang katotohanan at na ang mga taong nasa pagtitipong iyon ang mga hinahanap niya.

Dinalaw ng mga misyonero ang mga inaaralan ni Pablo. Sa isa sa mga dakong pulungan nina Pablo, nadatnan nila ang 27 adulto na sabik na naghihintay. Ang ilan sa mga naroroon ay naglakad nang 25 kilometro; ang iba naman ay naglakbay nang 50 kilometro sakay ng kabayo. Sa sumunod na dakong pulungan, 78 katao ang naroroon, at 69 naman ang nagtipon sa isa pang lugar.

Mga 150 pangalan ng interesado ang ibinigay ni Pablo sa mga misyonero. Ang mga taong ito na mapagpakumbaba at palaisip sa espirituwal ay nag-aaral na ng Bibliya at nagkakapit ng mga simulain nito. Ang kailangan na lang nila ay maorganisa at mapatnubayan. “Dinalaw kami ng mga misyonero at nagpulong kami,” ang sabi ni Celeste. “Isinaayos na magkaroon ng bautismo. Ako ang unang mababautismuhan sa pamilya namin. Nang maglaon, nabautismuhan ang nanay kong si Fidelia Jiménez at ang kapatid kong si Carmen.”

Ang kauna-unahang pansirkitong asamblea sa Dominican Republic, na ginanap sa Santiago noong Setyembre 23-25, 1949, ay lalo pang nagpasigla sa pangangaral. Maraming nag-uusisa ang pumunta, at umabot nang 260 ang dumalo sa pahayag pangmadla noong Linggo. Dalawampu’t walo ang nabautismuhan. Ang tatlong-araw na asamblea ay nakakumbinsi sa maraming baguhan na ang organisasyong ito ang ginagamit ng Diyos para maganap ang kaniyang kalooban.