Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Mahal Nila ang Kanilang mga Kapatid

Mahal Nila ang Kanilang mga Kapatid

Bagong Paaralan Para sa Lumalaking Pangangailangan

Pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng kaniyang mga lingkod sa Dominican Republic. Noong 1994, mayroon nang average na 16,354 na mamamahayag ng Kaharian sa 259 na kongregasyon. Dahil sa kapana-panabik na pagsulong na iyan, kinailangan ang marami pang kuwalipikadong elder at ministeryal na lingkod. Nang taon ding iyon, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na idaos ang Ministerial Training School, ngayo’y pinalitan na ng School for Kingdom Evangelizers, sa Dominican Republic.

 Noong Oktubre 2011, mga 600 estudyante na ang nakapagtapos sa 25 klase na idinaos sa bansa. Sa ngayon, mahigit kalahati ng mga nagtapos ang nasa ilang uri ng buong-panahong paglilingkod, 71 ang naatasan bilang special pioneer, at 5 naman ang nasa gawaing pansirkito. Ang unang 10 klase ay idinaos sa sangay, pero pasimula sa ika-11 klase, idinaraos na ito sa sarili nitong pasilidad sa Villa González.

“Inaalalayan ng mga Saksi ni Jehova ang Kanilang mga Kapatid”

Noong Setyembre 22, 1998, hinagupit ng Hurricane Georges ang Dominican Republic sa bilis na 190 kilometro bawat oras. Nagdulot ito ng matinding pinsala. Libo-libo ang nawalan ng tirahan, at mahigit 300 ang namatay. Sa tulong ng Regional Building Committee, nag-organisa ang Disaster Relief Committee ng relief center sa lote ng isang Kingdom Hall sa La Romana. Mga 300 ang  tumulong, kabilang na ang mga Saksi mula sa 16 na bansa.

Lahat-lahat, 23 Kingdom Hall at mahigit 800 bahay ng mga kapatid ang kinailangang kumpunihin o itayong muli. Halimbawa, si Carmen, isang may-edad nang regular pioneer, ay lumong-lumo nang wasakin ng bagyo ang bahay na tinirhan niya nang 38 taon. Pero nag-umapaw ang kaniyang kagalakan nang dumating ang isang grupo ng 15 kapatid na magbubuhos ng pundasyon para sa kaniyang bagong bahay. “Hindi kami pinababayaan ni Jehova,” ang sabi ni Carmen, “at lagi niya kaming inaalalayan. Tingnan n’yo ‘tong magandang bahay na ‘to na itinatayo ng mga kapatid para sa akin. Sabi ng mga kapitbahay ko: ‘Inaalalayan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga kapatid; talagang mahal nila ang isa’t isa.’ ” Ang mga komentong tulad nito ay narinig sa buong bansa habang tinutulungan ng mga boluntaryo ang kanilang nasalantang mga kapatid.

Matinding trahedya ang Hurricane Georges, pero ang maibiging pagsisikap ng bayan ni Jehova ay nagdulot ng pisikal at espirituwal na kaaliwan sa ating mga kapatid na naging biktima ng bagyong iyon. Pinakamahalaga sa lahat, ang mapagsakripisyong pagsisikap ng mga boluntaryo ay nagdulot ng kapurihan kay Jehova, ang pinagmumulan ng tunay na kaaliwan.

Pinabilis ang Pagtatayo ng mga Kingdom Hall

Dahil sa mabilis na pagdami ng mga alagad, lumaki rin ang pangangailangan para sa mga Kingdom Hall. Kaya naman noong Nobyembre 2000, ang mga kapatid sa Dominican Republic ay nagsimulang magtayo ng mga Kingdom Hall sa tulong ng programa para sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Bilang resulta, nakapagtatayo na ang isang kongregasyon ng komportable at magandang Kingdom Hall sa loob lang ng mga walong linggo. Pagsapit ng Setyembre 2011, mga 145 Kingdom Hall na  ang naitayo o nakumpuni ng dalawang grupo ng mga tagapagtayo sa bansa.

Nakapagbigay ng mapuwersang patotoo ang mga Kingdom Hall na ito pati na ang mga boluntaryo sa pagtatayo. Halimbawa, sa isang maliit na bayan sa hilagang-kanluran ng bansa, nakahanap ang mga kapatid ng isang lugar na puwedeng pagtayuan ng Kingdom Hall. Kinausap ng isang special pioneer ang may-ari para bilhin ang lote. “Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon,” ang sagot ng lalaki, “hindi ko ibebenta sa inyo ang loteng ito, lalo na kung simbahan ang itatayo n’yo rito.”

Di-nagtagal matapos ang pag-uusap na iyon, binisita ng may-ari ng lote ang kaniyang may-edad nang kuya, na isang Saksi ni Jehova sa Puerto Plata. Pagdating niya roon, nalaman niya na dinala ng isang pamilyang Saksi sa kanilang bahay ang kaniyang may-sakit na kapatid para alagaan ito. Sila rin ang naghahatid sa kaniyang kapatid sa doktor, sa mga pulong, at sa paglabas sa larangan. Tinanong ng lalaki ang kapatid niya kung magkano ang ibinayad nito para sa ginawa nilang pag-aalaga. “Wala akong binayaran,” ang sagot nito. “Mga kapatid ko sila.”

“Sila na y’ong pinakamabubuting tao at talagang nagkakaisang grupo na nakita ko”

Naantig nang husto ang may-ari ng lote sa kabaitan ng mga Saksi, kaya tinawagan niya ang special pioneer na nakausap niya noon. Sinabi niyang nagbago ang isip niya, at payag na siyang ibenta ang lote. Binili ng mga kapatid ang lote at sinimulan ang pagtatayo ng bulwagan. Noong una, may negatibong opinyon sa mga Saksi ni Jehova ang asawa ng may-ari ng lote. Pero, nang makita niya kung paano sama-samang gumagawa ang mga kapatid sa pagtatayo, sinabi niya, “Sila na y’ong pinakamabubuting tao at talagang nagkakaisang grupo na nakita ko.”