Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Kalayaang Mangaral

Kalayaang Mangaral

Pinatay si Trujillo

Pagsapit ng 1960, parami na nang parami ang lumalaban sa diktadura ni Trujillo mula sa loob at labas ng bansa. Sa kabila ng politikal na tensiyong ito, dumalaw sa bansa si Milton Henschel mula sa pandaigdig na punong-tanggapan at dumalo sa tatlong-araw na asamblea noong Enero 1961. May 957 dumalo sa pahayag pangmadla, at 27 ang nabautismuhan. Sa pagdalaw na ito, tinulungan ni Brother Henschel ang mga kapatid na organisahing muli ang gawain at ayusin ang teritoryo.

Dalawang tagapangasiwa ng sirkito, sina Enrique Glass at Julián López, ang inatasang dumalaw sa mga kongregasyon. Ikinuwento ni Julián: “Kasama sa sirkito ko ang dalawang kongregasyon sa silangan ng bansa at ang lahat ng kongregasyon sa norte. Ang iba pang kongregasyon sa silangan at ang lahat ng nasa timog ay bahagi naman ng sirkito ni Enrique.” Dahil sa mga pagdalaw na iyon, naibalik ang komunikasyon sa pagitan ng mga kongregasyon at ng organisasyon, at napatibay ang espirituwalidad ng mga kapatid.

Sina Salvino at Helen Ferrari habang papunta sa Dominican Republic, 1961

Sina Salvino at Helen Ferrari, mga nagtapos sa ikalawang klase ng Gilead, ay dumating sa bansa noong 1961. Ang kanilang karanasan bilang misyonero sa Cuba ay nakatulong nang husto sa malaking espirituwal na pag-aani sa Dominican Republic. Nang maglaon, naglingkod si Salvino bilang miyembro ng Komite ng Sangay hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1997. Si Helen naman ay 79 na taon nang nasa buong-panahong paglilingkod, na ang karamihan dito ay sa pagmimisyonero.

Di-nagtagal pagdating ng mag-asawang Ferrari, ang kakila-kilabot na pamamahala ni Trujillo ay nagwakas nang  paulanan ng bala ang kaniyang sasakyan noong gabi ng Mayo 30, 1961. Pero hindi naging mapayapa ang kalagayan sa politika, kaya ang bansa ay patuloy na sinalot ng kaguluhang sibil at politikal sa loob ng maraming taon.

Sumulong ang Gawaing Pangangaral

Samantala, marami pang misyonero ang dumating sa bansa. Si William Dingman mula sa unang klase ng Gilead, ang kaniyang asawang si Estelle, kasama sina Thelma Critz at Flossie Coroneos, ay inilipat sa Dominican Republic mula sa sangay sa Puerto Rico dalawang araw matapos ang pagpatay kay Trujillo. Ikinuwento ni William: “Ang bansa ay nasa kaguluhan nang dumating kami, at abalang-abala ang mga militar. Ikinabahala ang pagsiklab ng rebolusyon, at sinisiyasat ng mga sundalo ang lahat ng nasa lansangang-bayan. Pinahinto kami sa ilang checkpoint, at sa bawat isa sa mga ito ay sinisiyasat ang aming bagahe. Inilabas ang lahat ng laman ng aming mga maleta, maging ang napakaliliit na bagay.” Talagang isang hamon ang mangaral sa ganito kapanganib na kalagayan sa politika.

Nasa Dominican Republic pa rin si Thelma Critz at sina Estelle at William Dingman makalipas ang 67 taon ng masigasig na pagmimisyonero

“Sa panahon ng diktadura ni Trujillo,” ang sabi ni William, “napabatiran ang publiko na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Komunista at sila ang pinakamasamang uri ng tao. . . . Subalit unti-unti naming nabago ang maling akala.” Bilang resulta ng napasiglang gawaing pangangaral, maraming taimtim na indibiduwal ang tumugon sa mensahe ng Kaharian. Sa pagtatapos ng 1961 taon ng paglilingkod, 33 na ang special pioneer sa bansa.