Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Kailangan Pa ng Maraming Mangangaral

Kailangan Pa ng Maraming Mangangaral

Nakarating ang Mabuting Balita sa Liblib na mga Lugar

May dumating pang mga misyonero sa bansa, kasama na sina Pete Paschal, Amos at Barbara Parker, sina Richard at Belva Stoddard, na naglingkod sa Bolivia, at sina Jesse at Lynn Cantwell mula sa Colombia. Lalo nilang napasigla ang pangangaral. Pagsapit ng 1973, masulong na ang pagtuturo ng Bibliya sa mga bayan at lunsod ng Dominican Republic, pero hindi pa nakararating ang mabuting balita sa liblib na mga lugar. Kaya naman, nagkaroon ng mga kaayusan para matugunan ang espirituwal na pangangailangan ng mga nasa probinsiya. Inanyayahan ang mga kapatid na magboluntaryo para sa dalawang-buwang pangangaral sa mga lalawigan, at 19 na regular pioneer ang tumugon dito. Sa pagitan ng Disyembre 1973 at Enero 1977, may mga grupo ng payunir na ipinadala sa mga lugar na hindi pa gaano o hindi pa talaga napaaabutan ng mabuting balita.

“Binibigyan nila kami ng manok, itlog, at prutas kapalit ng mga publikasyon”

Isang payunir na nakibahagi sa ganitong atas ang nagkuwento: “Matapos ang isang araw ng paghahatid ng mensahe ng Bibliya at pamamahagi ng literatura sa mga tao, dadalawin namin kinabukasan ang mga nagpakita ng interes. Dahil walang gaanong pera ang mga tagaroon, binibigyan nila kami ng manok, itlog, at prutas kapalit ng mga publikasyon. Salamat kay Jehova, hindi kami kailanman nagutom.” Karamihan ay noon lang nabasahan ng Bibliya. Ang iba naman ay naturuan ng mga relihiyosong lider na si Jehova ang Diyablo. Gulat na gulat sila nang mabasa nila ang mga tekstong gaya ng Awit 83:18: “Ikaw, na ang  pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa”! Sa ilang lugar, napakaraming interesado kaya naman inorganisa ang mga pagpupulong.

Mas Marami Pang Misyonero at Isang Bagong Sangay

Noong Setyembre 1979, dumating sa bansa ang dalawang misyonero, si Brother Abigail Pérez at ang kaniyang asawang si Georgina, at inatasan sila sa gawaing pansirkito. Dumating naman noong 1987 sina Tom at Shirley Dean, mga nagtapos sa Gilead, para pasiglahin pa ang pangangaral. Nakatulong din ang pagdagsa ng mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod mula sa Puerto Rico. At noong Agosto 1988, ipinadala sina Reiner at Jeanne Thompson sa Dominican Republic para sa kanilang ikalimang atas bilang misyonero.

Pagsapit ng 1989, umabot na sa 11,081 ang average na bilang ng mamamahayag, at kitang-kita ang potensiyal para sa pagsulong sa bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya na 20,494. Naging hamon ang ganito kalaking pagsulong. Halimbawa, ang pasilidad ng sangay ay malaking tulong sa pagsuporta sa gawain, pero noong mga huling taon ng dekada ’80, hindi na ito makasapat. “Napakasikip na nito,” ang sabi ni Reiner Thompson, “kaya kinailangan naming maghanap ng matutuluyan at mga bodega sa iba’t ibang lugar sa lunsod.”

“Nahirapan kaming maghanap ng lote para sa bagong sangay,” ang kuwento pa ni Reiner. “Tapos, tinawagan kami ng isang negosyante na nakaalam na naghahanap kami ng lupa. Ipinaliwanag niya na mayroon siyang ibinebentang magandang lote, pero sa mga Saksi ni Jehova lang niya gustong ibenta iyon. Mayroon siyang isang malaking  patahian noon, at ang sekretarya niya at iba pang empleado ay mga Saksi ni Jehova. Naobserbahan niya ang kanilang pagiging matapat at magalang sa loob ng maraming taon, at talagang humanga siya. Dahil sa respeto sa mga Saksi ni Jehova, inialok niya ang lupa sa mababang halaga.” Nabili ang lote noong Disyembre 1988, at tatlo pang katabing lote ang nabili nang maglaon. May kabuuang laki na mga siyam na ektarya ang sangay at ang katabing Assembly Hall.

Daan-daang boluntaryo mula sa loob at labas ng bansa ang tumulong sa pagtatayo ng bagong sangay at Assembly Hall. Inialay ang mga pasilidad noong Nobyembre 1996 nang dumating ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na sina Carey Barber, Theodore Jaracz, at Gerrit Lösch para makibahagi sa pag-aalay sa araw ng Sabado. Kinabukasan, nagkaroon ng espesyal na mga programa sa dalawa sa pinakamalalaking istadyum ng bansa, at mahigit 10,000 ang bumisita sa bagong sangay.

‘Pagtawid sa Macedonia’

Hindi makukumpleto ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic kung hindi isasama ang tungkol sa malaking bilang ng mga Saksi na lumipat dito para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Dahil nabalitaan nila ang tungkol sa mabungang teritoryo na ito kung saan marami ang gustong mag-aral ng Bibliya, marami ang napasiglang lumipat sa bansa noong mga huling taon ng dekada ’80 para ‘tumawid sa Macedonia,’ wika nga. (Gawa 16:9) Ikinuwento ng mga boluntaryong ito sa iba ang naranasan nilang kaligayahan sa gawaing pag-aani sa Dominican Republic. Kaya lalo pang dumami ang lumipat sa bansa noong dekada ’90.

Halimbawa, sina Stevan at Miriam Norager mula sa Denmark ay naglilingkod na sa Dominican Republic mula pa  noong 2001. Naglingkod na rito noon si Miriam nang isa’t kalahating taon kasama ang kaniyang ate. Ano ang nag-udyok sa mag-asawang ito na lumipat sa isang malayong lupain kung saan iba ang kultura at wika? “Pareho kaming nagmula sa mga pamilyang matatag sa espirituwal, at special pioneer ang mga magulang namin noong kabataan nila,” ang kuwento ni Miriam, “at nag-regular pioneer naman sila noong nagkapamilya na. Lagi nila kaming pinasisigla na gawin ang aming buong makakaya sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova.”

Naglilingkod sina Stevan at Miriam bilang mga special pioneer mula pa noong 2006, at marami silang natulungan na makaalam ng katotohanan. “Di-mabilang ang mga pagpapala,” ang sabi ni Stevan. “Anuman ang hamon o problema sa kalusugan, walang-wala iyon sa napakagandang karanasan namin at sa kaligayahan na matulungan  ang taimtim na mga tao na makilala at mahalin si Jehova. Nagkaroon din kami ng napakaraming kaibigan. Natuto kaming maging mapagpakumbaba at matiisin habang naglilingkod sa Dominican Republic, at ang pagkakaroon ng simpleng buhay ay nagpatibay ng aming pananampalataya at tiwala kay Jehova.”

Si Jennifer Joy ay mahigit 20 taon nang naglilingkod dito at tumutulong sa teritoryo ng sign language

Isa si Jennifer Joy sa maraming dayuhang sister na walang asawa na nangangaral sa Dominican Republic. Nang bisitahin ni Jennifer, noong 1992, ang kaniyang tiya na si Edith White, isang matagal nang misyonera, naranasan niya ang magagandang resulta sa ministeryo. Nakilala rin niya ang iba pang sister mula sa ibang bansa  na naglilingkod bilang mga “need greater.” “Mahiyain ako at walang kumpiyansa sa sarili,” ang sabi ni Jennifer. “Pero inisip ko, ‘Kung kaya nila, siguro kaya ko rin.’ ”

Isang taon lang sana mananatili roon si Jennifer, pero ngayon, mahigit 20 taon na siyang naglilingkod sa Dominican Republic. Marami sa kaniyang mga inaaralan ang natulungan niyang maging mananamba ni Jehova. Tumutulong si Jennifer sa pagsulong ng teritoryong gumagamit ng sign language at sa paghahanda ng aralin para sa mga language class.

‘Inaalagaan ako ni Jehova hanggang ngayon, kaya bakit ako mag-aalinlangan kung aalagaan pa rin niya ako sa susunod na taon?’

Paano sinusuportahan ni Jennifer ang kaniyang sarili? “Umuuwi ako sa Canada taon-taon para magtrabaho nang ilang buwan,” ang paliwanag niya. “Iba’t ibang klase na ng trabaho ang ginawa ko, gaya ng pagde-develop o pagkuha ng litrato, pagpipintura ng bahay, paglilinis ng opisina, at paggawa ng headlight o kaya ng carpet. Nasubukan ko na ring maging tour guide, travel agent, English teacher, at interpreter.” Itinulad ni Jennifer ang sitwasyon niya sa sinaunang mga Israelita sa ilang. “Nabuhay sila sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova,” ang sabi niya. “Nangako siyang aalagaan niya sila, at gano’n nga ang ginawa niya. May pagkain sila araw-araw, at hindi naluma ang mga damit at sandalyas nila. (Deut. 8:3, 4) Nangako rin si Jehova na aalagaan niya tayo. (Mat. 6:33) Inaalagaan Niya ako hanggang ngayon, kaya bakit ako mag-aalinlangan kung aalagaan pa rin niya ako sa susunod na taon?”

Mga 1,000 ebanghelisador na ang lumipat dito mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Austria, Estados Unidos, Japan, Poland, Puerto Rico, Russia, Spain, Sweden, at Taiwan. Ang  mga “need greater” na mula sa halos 30 nasyonalidad ay umugnay sa mga kongregasyong gumagamit ng American Sign Language (ASL), Chinese, Haitian Creole, Ingles, Italian, Russian, at Spanish. Gaya ni apostol Pedro, sinabi nila: “Narito! Iniwan namin ang lahat ng mga bagay at sumunod na sa iyo.”Mar. 10:28.