Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 DOMINICAN REPUBLIC

Ibinilanggo at Ipinagbawal

Ibinilanggo at Ipinagbawal

Ibinilanggo Dahil sa Neutralidad

Si Enrique Glass at ang bartolina kung saan siya ikinulong nang dalawang linggo

Noong Hunyo 19, 1949, isang grupo ng mga ipinatapong taga-Dominican Republic ang bumalik sa bansa para pabagsakin ang diktador na si Rafael Trujillo. Kahit nasugpo naman agad ang paglusob, ipinabilanggo ng pamahalaan  ni Trujillo ang sinumang tumangging magsundalo, pati na ang mga itinuturing na kalaban ng pamahalaan. Kasama sa mga unang Saksing nakulong dahil sa pagtangging magsundalo sina León, Enrique, at Rafael Glass, pati na ang ilang katrabaho ni León, na mga Saksi rin.

“[Ako at ang aking mga katrabaho] ay inaresto at pinagtatanong ng military secret service,” ang paliwanag ni León. Pagkatapos pagbantaan, pinalaya sila. Pero pagkaraan lang ng ilang araw, basta-basta na lang sila ipinatawag para magsundalo. Nang sila’y tumanggi,  ipinabilanggo sila. Nadatnan nila roon ang apat pang Saksi, na ang dalawa ay kapatid ni León sa laman. Pagkatapos palayain, sinentensiyahan na naman sila. Tatlong beses itong nangyari, na mga isa o ilang araw lang ang pagitan. Halos pitong taon silang nabilanggo, na ang pinakahuli ay limang taon.

‘Kahit pinaghahampas kami ng pamalo at riple, nakayanan namin iyon dahil binigyan kami ni Jehova ng lakas para makapagbata’

Isang malaking pagsubok sa mga kapatid ang buhay sa bilangguan. Araw at gabi silang tinutuya ng mga guwardiya at kapuwa bilanggo. Ang kumandante ng Fort Ozama, kung saan sila unang napiit, ay nagsabi: “Mga Saksi ni Jehova, kapag naging saksi na kayo ng Diyablo, sabihin n’yo sa ‘kin at palalayain ko kayo.” Pero hindi kayang sirain ng mga mananalansang ang katapatan ng mga kapatid na iyon. Ipinaliwanag ni León kung bakit: ‘Lagi kaming nakapagbabata dahil sa lakas mula kay Jehova at kitang-kita namin ang tulong Niya kahit sa maliliit na bagay. Kahit pinaghahampas kami ng pamalo at riple, nakayanan namin iyon dahil binigyan kami ni Jehova ng lakas para makapagbata.’

Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova

Pinatindi ng mga kaaway ng tunay na pagsamba ang pag-uusig sa ibang bahagi ng bansa. Sa kabila nito, pagdating ng Mayo 1950, mayroon nang 238 mamamahayag sa Dominican Republic, bukod pa sa mga misyonero. Dalawampu’t isa sa lokal na mamamahayag ay mga payunir.

Diyaryong nagbabalita ng sentensiyang pagkabilanggo ng mga kapatid dahil sa neutralidad

Noong mga panahong iyon, isang secret service agent ang sumulat nang ganito sa Presidential Secretary: “Masigasig na ipinagpapatuloy ng mga miyembro ng relihiyosong  sekta ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawain sa buong lunsod na ito [Ciudad Trujillo].” Idinagdag pa niya: “Muli, sinasabi kong dapat bigyang-pansin ang mga Saksi ni Jehova dahil inililigaw ng kanilang pangangaral at gawain ang kaisipan ng mga tao, lalo na ng masa.”

Iniutos ng Secretary of the Interior and Police na si J. Antonio Hungría kay Brother Brandt na magsumite ng liham na nagpapaliwanag ng paninindigan ng mga Saksi tungkol sa pagsusundalo, pagsaludo sa bandila, at pagbabayad ng buwis. Ginamit ni Brother Brandt ang impormasyon mula sa aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat.” Sa kabila nito, noong Hunyo 21, 1950, naglabas si Secretary Hungría ng utos na nagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic. Ipinatawag si Brother Brandt sa opisina ni Hungría para personal na marinig ang utos na iyon. Itinanong ni Brother Brandt kung kailangang umalis ng bansa ang mga misyonero.  Tiniyak ni Hungría na puwede silang manatili roon hangga’t sumusunod sila sa batas at hindi ipinakikipag-usap sa iba ang kanilang relihiyon. *

^ par. 1 Ilang linggo bago ilabas ang utos, ang mga paring Katoliko ay nagsulat ng mahahabang artikulo sa diyaryo na tumutuligsa sa mga Saksi ni Jehova at may-kasinungalingang nag-uugnay sa mga ito sa komunismo.