Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Asia at Gitnang Silangan

Asia at Gitnang Silangan
  • LUPAIN 48

  • POPULASYON 4,315,759,010

  • MAMAMAHAYAG 703,271

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 732,106

Nagtanong Siya Kung Puwedeng Magsama ng Iba

Isang brother ang nagbigay ng imbitasyon sa Memoryal sa isang parking attendant sa Indonesia dalawang araw bago ang okasyon. Nagtanong ang attendant, na isang Muslim, kung puwedeng magsama ng iba kahit isa lang ang imbitasyon niya. Ipinaliwanag ng brother na puwede ring sumama ang iba. Sinabi ng lalaki na malaki ang pamilya niya kaya humingi  pa siya ng mga imbitasyon. Binigyan siya ng brother ng 20 imbitasyon. Ipinaliwanag nito na ang okasyong iyon ay Memoryal ng kamatayan ni Jesus at na ang lahat, kasama ang mga Kristiyano at Muslim, ay malugod na tinatanggap. Sinabi ng lalaki na mga 60 hanggang 70 ang isasama niya.

Nagsisimula na ang pahayag sa Memoryal, at mayroon nang 248 tagapakinig, nang dumating ang parking attendant kasama ang mga 100 katao—mga lalaki, babae, at mga bata, pati na matatanda at isang babaeng halos kabuwanan na. Umarkila sila ng ilang sasakyan papuntang hotel na pinagdarausan ng Memoryal. Nang makita sila ng mga guwardiya ng hotel, hindi sila pinapasok. Nagtataka ang mga guwardiya kung bakit gustong dumalo sa okasyong Kristiyano ang napakaraming Muslim na iyon. Pero nang ipakita ng mga Muslim ang imbitasyon, sinamahan sila ng mga guwardiya sa awditoryum. Mga 60 sa grupo ang pinapasok sa siksikang awditoryum.

Pagkaraan ng ilang araw, dumalaw ang brother sa parking attendant at kinumusta kung nagustuhan ng grupo ang programa. Inamin ng attendant na medyo nahiya silang dumalo noon, pero sinabi niyang humanga sila dahil mababait ang mga naroroon at binati sila’t kinamayan pagkatapos ng programa. Inanyayahan siya ng brother na dumalo sa espesyal na pahayag na gaganapin sa susunod na Linggo. Sa pagkakataong iyon, dumating siya kasama ang mga 40 kapamilya at kapitbahay. Dahil patapos na ang pulong nang dumating sila, nagdesisyon ang mga elder na ulitin ang pahayag. Binanggit ulit ng chairman ang paksa ng pahayag, nagbigay ng maikling paliwanag tungkol sa  programa, nagpaawit, at nanalangin. Para maintindihan ng mga Muslim ang pahayag, gumamit ang tagapagsalita ng mga terminong pamilyar sa kanila, gaya ng “Banal na Aklat” sa halip na “Bibliya” at “propeta Isa” sa halip na “Jesus.”

Nang maglaon, dinalaw ng isang elder ang parking attendant sa bahay nito, at nag-usap sila tungkol sa Bibliya gamit ang brosyur na Listen to God. Labindalawang iba pa ang sumali sa pag-uusap, kasama na ang ilang Muslim na babae at mga bata.

Mga Babasahín sa mga Bus

Mongolia: Mga mamamahayag na pinahintulutang maglagay ng mga literatura para sa mga pasahero

Ang mga bus na nanggagaling sa Ulaanbaatar, Mongolia, ay bumibiyahe sa lahat ng lugar ng bansang iyan. Ang ganitong mga biyahe ay umaabot nang hanggang 48 oras. Ang mga pasahero ay nakatanaw lang sa bintana o kaya naman ay natutulog. Mahilig magbasa ang mga taga-Mongolia pero wala namang babasahín sa bus. Dahil dito, nilapitan ng ilang brother mula sa Songinokhairkhan Congregation ang mga drayber ng bus at sinabi: “Gusto sana namin kayong regaluhan ng isang magandang aklat. Sa seat pocket ng mga eroplano, laging may nakalagay na mga babasahín. Kung sa tingin n’yo po ay gusto ng mga pasahero n’yo na may mabasa sila, puwede kaming maglagay ng mga literatura sa seat pocket ng mga bus.” Walong drayber ng bus ang pumayag. Bilang resulta, 299 na magasin at 144 na brosyur ang naipamahagi ng mga brother. Gumawa sila ng kaayusan na palitan ang mga magasin ng mga bagong isyu kapag mayroon na nito.

 Napagkamalan

Sa isang bansa sa Asia, dalawang elder ang hinilingang dumalaw sa isang sister na walong taon nang di-aktibo. Dahil hindi nila kilala ang sister, tinawagan ito ng mga brother at isinaayos na puntahan ito sa kaniyang puwesto sa isang malaking wholesale shopping market. Matapos magpasikot-sikot sa mga pasilyo, nakita rin nila ang isang puwestong tugma sa adres ng sister. Pagpasok nila, binati sila ng isang babae na may maliit na Bibliya sa mesa. Matapos matiyak ang apelyido niya, bayan, at edad ng dalawa niyang anak, inisip ng mga brother na siya na nga ang di-aktibong sister. “Mga kapatid mo kami, mga Saksi ni Jehova,” ang sabi nila.

“Kristiyano ako,” ang nagtataka niyang sagot. Medyo nagtaka rin ang mga brother sa reaksiyon ng babae. Pero binigyan pa rin nila ito ng ilang literatura sa Bibliya, at tuwang-tuwa naman ito. Nang paalis na ang mga brother, napansin nilang nagkamali sila ng pinuntahang puwesto! Dapat ay sa 2202 sila pumunta, pero nasa 2200 sila. Sinabi ng isang brother: “Kinilabutan ako, parang pinapunta talaga tayo ng mga anghel sa puwestong iyon. Magkapareho ng apelyido at bayan ang babae at ang sister, at halos magkakaedad ang mga anak nila! Kung iba ang apelyido o bayan ng babae, malalaman nating hindi siya ang hinahanap natin.” Dalawang puwesto pa mula sa babae, nakita rin ng mga brother ang di-aktibong sister na kanina pa naghihintay sa kanila.

“Hiyang-hiya ako sa sarili ko dahil kahit napakatagal ko nang di-aktibo, hinding-hindi ako nalimutan ni Jehova”

 Dahil sa pagkakamaling iyon, ang babae ay nagsimula nang makipag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong. Ang di-aktibong sister naman ay dumalo na sa mga pulong at regular nang nakikibahagi sa ministeryo. Sinabi niya, “Hiyang-hiya ako sa sarili ko dahil kahit napakatagal ko nang di-aktibo, hinding-hindi ako nalimutan ni Jehova.”

Pagte-text Kapag Masama ang Lagay ng Panahon

Philippines: Si Greg habang nagte-text

Sina Greg at Alma ay lumipat sa isla ng Catanduanes sa Pilipinas para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Bulubundukin ang ilang lugar doon, kaya 19 na kilometro ang nilalakad nina Greg at Alma para marating ang ilan sa kanilang teritoryo. Kung minsan naman, namamangka sila nang hanggang dalawang oras para makapangaral sa ibang mga isla. Kapag tag-ulan, napakahirap ng gayong mga paglalakbay. Sa halip na nasa bahay lang sila at hindi nakapangangaral, ipinasiya nilang samantalahin ang iniaalok na promo ng kompanya ng gamit nilang cellphone. Puwede silang mag-unlimited text sa murang halaga.

Sinabi ni Greg na nagpapakilala muna siya kapag nagte-text siya. Pagkatapos ay sasabihin niya, “Gusto ko sanang ibahagi sa inyo ang isang mensahe mula sa Bibliya.” Ang isang teksto na napatunayan niyang epektibo ay ang Juan 17:3. Matapos banggitin ang sinasabi ng teksto, maghaharap siya ng dalawang tanong: Sino ang tunay na Diyos? at Sino si Jesu-Kristo? Saka siya maghihintay ng sagot. Kapag sumagot ang kausap niya, magbibigay ulit siya ng isa pang teksto, gaya ng Awit 83:18. Kapag laging sumasagot ang kausap niya, itinatanong na niya kung puwedeng ituloy ang pag-uusap nila sa telepono. Ayon kina Greg at Alma, marami ang pumapayag.

Ang isang babaeng nakausap nina Greg at Alma ay may mga tanong tungkol sa Bibliya, kaya matagal silang  nagpalitan ng mga text message. Nang bandang huli, dahil sa pagte-text na ito, nabuksan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ibinahagi ng babae sa kaniyang pamangking lalaki at sa isang katrabaho ang kaniyang mga natututuhan. Ang resulta? Nabautismuhan silang tatlo nang maglaon.