Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Mga Legal na Usapin

Mga Legal na Usapin

Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Ingatan ninyo sa isipan yaong mga nasa gapos ng bilangguan na para bang naigapos kayong kasama nila.” (Heb. 13:3) Bilang mga lingkod ni Jehova, lagi nating inaalala ang ating tapat na mga kapatid at ipinapanalangin ang mga nasa awtoridad, o “lahat niyaong mga nasa mataas na katayuan; upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.”1 Tim. 2:1, 2; Efe. 6:18.

Narito ang ilang legal na usapin na hinarap ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang taon:

Ang mga kapatid sa Russia ay “walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita” sa kabila ng patuloy na kampanya ng Simbahang Ruso Ortodokso at ilang  opisyal ng gobyerno na pahintuin ang ating gawain. (Gawa 5:42) Ayaw tumigil ng mga awtoridad sa Russia sa pag-akusa sa ating mga publikasyon at mga kapatid salig sa isang malabong anti-extremism law na ginawa nila para sana labanan ang terorismo. Bilang resulta, mga 70 sa publikasyon natin ang idineklara ng mga korte sa Russia na naglalaman daw ng ekstremistang mga pananalita. Ang mga ito ay idinagdag ng mga opisyal ng gobyerno sa listahan ng mga literaturang ipinagbabawal sa kanilang bansa. Dahil diyan, hinahalughog ng ilang lokal na awtoridad ang mga Kingdom Hall at bahay ng mga kapatid para maghanap ng mga publikasyon. Hinuhuli ng mga pulis at kinukunan ng litrato at fingerprint ang maraming Saksi na nakikibahagi sa ministeryo. Madalas nilang tinatakot ang mga kapatid habang nasa presinto.

 Noong Mayo 2013, ang 16 na kapatid sa lunsod ng Taganrog ay sinimulang litisin dahil sa pangangaral at sa pag-oorganisa, pagdalo, at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano. Mula nang bumagsak ang Unyong Sobyet, ngayon lang uli nakasuhan ang mga Saksi dahil sa kanilang pananampalataya. Iniimpluwensiyahan ng mga awtoridad sa iba pang lugar sa Russia ang mga korte para ideklarang “ekstremista” ang ating mga literatura at litisin ang mga kapatid sa salang pagkapoot sa ibang relihiyon.

Wala pa ring pagbabago sa kalagayan ng mga kapatid sa Eritrea. Nitong Hulyo 2013, may 52 nang nakabilanggo, kasama na ang walong brother na di-bababa sa 70 ang edad at anim na sister. Tatlong brother, sina Paulos Eyassu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam, ang nakabilanggo mula pa noong Setyembre 24, 1994, dahil sa pagtangging magsundalo.

Mahigit kalahati sa nakabilanggong mga kapatid ang nasa Meiter, isang kampong bilangguan sa disyerto sa hilaga ng kabisera na Asmara. Mula Oktubre 2011 hanggang Agosto 2012, pinarusahan ng mga awtoridad ang 25 sa ating mga kapatid sa pamamagitan ng pagbilanggo sa kanila sa isang kulungang yari sa metal at nakabaon ang kalahati sa lupa. Kapag mga buwan ng tag-init, pinalalabas ng mga bantay ang mga bilanggo kapag araw para hindi mamatay sa tindi ng init sa loob ng kulungan. Pero kulang sila sa pagkain at tubig, kaya apektado rin ang kalusugan nila. Nakalulungkot, dahil sa pagmamaltratong ito, namatay ang mga brother na sina Yohannes Haile (68 anyos) noong Agosto 2012 at Misghina Gebretinsae noong 2011.