Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Kawili-wiling Pagbabalik-Tanaw sa Nakaraan

Kawili-wiling Pagbabalik-Tanaw sa Nakaraan

Noong Oktubre 2012, isang eksibit tungkol sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ang binuksan sa Brooklyn, New York. Ang mga bisita ay makapaglilibot dito nang walang tour guide. Itinatampok ng eksibit ang pagpupunyagi at panganib na naranasan ng mga nagsikap mamuhay bilang Kristiyano, gaya ng itinuro ni Jesus.

Sa unang linggo pa lang, mahigit nang 4,200 bisita at mga Bethelite ang nag-tour sa eksibit. Isa sa mga unang nag-tour si Naomi, isang Saksing nakatira sa malapit. “Nakatulong sa akin ang time line para maintindihan kung kailan at kung bakit nangyari ang mga bagay-bagay,” ang sabi niya. “Marami akong natutuhan tungkol sa organisasyon natin at sa makabagong-panahong kasaysayan nito.”

 Nagsisimula ang tour sa panahon ng mga Kristiyano noong 33 C.E. hanggang sa kasalukuyan. Ang eksibit ay may apat na seksiyon na may kani-kaniyang tema batay sa Kasulatan. Sa pagpasok sa bawat seksiyon, may maikling video na mapakikinggan sa Ingles, na may subtitle sa pitong wika.

Ang unang seksiyon na “Men Have Loved the Darkness” (“Inibig ng mga Tao ang Kadiliman”) ay batay sa mga salita ni Jesus sa Juan 3:19. Inihula ng Bibliya na pagkamatay ng mga apostol, may balakyot na mga tao na “babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit.” (Gawa 20:30) Pinarusahan nang matindi ang mga nagtangkang sumalungat.

Sa kabilang banda, ang sumunod na seksiyon ay “Let the Light Shine” (“Pasikatin ang Liwanag”) batay sa 2 Corinto 4:6. Ang time line para dito ay mula sa huling bahagi ng ika-19 na siglo nang muling suriin ng tapat na mga estudyante  ng Bibliya ang Kasulatan. Iniwan nila ang mga dating paniniwala na wala naman sa Bibliya at lakas-loob na ipinangaral ang maliwanag na katotohanan. Itinatampok sa seksiyong ito ang pagsulong ng kanilang kaalaman at pagdami ng kanilang miyembro bago ang Digmaang Pandaigdig I.

Makikita rin sa seksiyong ito ang isang pambihirang bagay na nagawa ng mga Saksi ni Jehova na hinahangaan natin hanggang sa ngayon. Noong 1914, pinasimulan ng mga Estudyante ng Bibliya (tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) ang pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation.” Milyun-milyon ang nakapanood sa produksiyong ito, na pinagsama-samang larawan, pelikula, at audio recording. Kasama sa eksibit ang ilan sa orihinal na ipinintang larawan, isang maikling video ng ilang bahagi ng introduksyon ng programa, at mahigit 500 slide na may kulay.

 Ang pag-uusig ni Satanas sa mga tagasunod ni Kristo, gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 12:17, ang tema ng ikatlong seksiyon na “The Dragon Grew Wrathful” (“Ang Dragon ay Napoot”). Itinatampok dito ang pananatiling neutral ng mga Kristiyano sa panahon ng digmaan. Bukod sa mga artifact at larawan, ipinakikita ng maiikling video kung paano pinipilit makipagkompromiso ang mga tumatangging maglingkod sa militar. Isa rito si Remigio Cuminetti, isang Saksing Italyano na tumangging magsuot ng uniporme ng militar o makipaglaban noong Digmaang Pandaigdig I. Mayroon ding video tungkol kay Alois Moser na taga-Austria. Tumanggi siyang magsabi ng “Heil Hitler” kaya sinesante siya sa trabaho at nang maglaon ay ikinulong sa kampong piitan sa Dachau. Sa seksiyon ding ito, may replika ng bilangguan na bahagyang naiilawan. Sa loob nito ay may mga larawan ng mga Saksi ni Jehova sa Greece, Japan, Poland, dating Yugoslavia, at iba pang bansa na ibinilanggo dahil sa kanilang pananampalataya.

Ang huling seksiyon na “Good News for All Nations” (“Mabuting Balita Para sa Lahat ng Bansa”) ay batay sa Apocalipsis 14:6. Tungkol ito sa gawain ng mga Saksi ni Jehova nitong nakaraang mga dekada. Nakadispley sa kahabaan ng mga dingding ang mga larawang nagpapakita ng kanilang mabilis na pagsulong, matiyagang pangangaral, at pag-ibig pangkapatid. Sa bandang dulo ng eksibit, may mga touch-screen monitor na puwedeng gamitin ng mga bisita para makita ang loob ng Bible House at Brooklyn Tabernacle, mga gusaling ginamit ng mga Saksi ni Jehova mahigit 100 taon na ang nakalilipas.

Matatagpuan ang eksibit sa 25 Columbia Heights sa Brooklyn, New York. Bukás ito mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h. Wala itong bayad. Kung nasa New York City ka, bakit hindi dumalaw at subukang magbalik-tanaw sa nakaraan?