Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Napapakilos ng mga Animated Video ang Puso ng mga Matuwid

Napapakilos ng mga Animated Video ang Puso ng mga Matuwid

Kilala na sa buong daigdig si Caleb, ang bata sa serye ng Maging Kaibigan ni Jehova na video sa jw.org. Ang unang video ng mabait na batang ito ay naisalin na sa mahigit 130 wika, at daan-daang liham ang natatanggap tungkol sa mga video na ito.

Sumulat ang 11-anyos at 8-anyos na magkapatid na babae: “Gusto naming magbigay para sa gawaing pangangaral sa buong daigdig. May pera po kami kasi ibinenta namin ang inalagaan naming dalawang maliliit na baka, sina Big Red at Earl. Naisip naming ibigay ito para makagawa kayo ng mas maraming video na Maging Kaibigan ni Jehova. Ang ganda po siguro kung magkakaroon ng  kapatid si Caleb, tapos malulungkot siya kasi hindi na siya napapansin. Paborito namin ang video ni Caleb!”

Kabisado ng maraming bata ang buong video, pati ang kanta at sinasabi ng narrator. Isinulat ng isang sister na sa kanilang kongregasyon na may 100 mamamahayag, may 40 bata na karamihan ay wala pang sampung taóng gulang. Nakaupo siya sa ikatlong hanay ng mga upuan nang kantahin ang awit bilang 120 sa pagtatapos ng pulong. Naiyak siya nang marinig niya ang lahat ng bata na masiglang-masiglang umaawit ng “kanta nila.”

Ikinuwento ng isang lola na matapos mapanood nang dalawang beses ng kaniyang apo ang video, sinabi nito: “Kailangan kong linisin ang kuwarto ko para walang madulas at masaktan dahil sa mga laruan ko.” Talagang desidido siyang tuparin ang sinabi niya kaya hindi siya kumain hangga’t hindi tapos ang kaniyang paglilinis.

Sa isang liblib na nayon sa Timog Aprika, maraming bata ang labas-masok sa bahay ng Saksi araw-araw. Iniisip ng ilan na baka dahil iyon sa ibinebentang kendi ng pamilya. Pero ang totoo, ang mga bata sa nayon ay niyayaya ng ibang mga bata para manood ng video na Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka sa wika nilang Xhosa. Minsan, 11 bata ang nanood at nakabisa nilang lahat ang buong kanta.

Sa Ecuador, may dalawang di-Saksing nagsasalita ng Quichua, ang walong-taóng-gulang na si Isaac at limang-taóng-gulang na si Saul. Tinitipid nila ang kanilang pangmeryenda araw-araw para bumili ng baril-barilan, espada, at mararahas na tau-tauhan. Isang araw, inutusan  sila ng nanay nila na linisin ang kanilang kuwarto at ilagay ang lahat ng laruan nila sa kahong nasa ilalim ng kama. Minsan, may nagregalo sa magkapatid ng DVD na Maging Kaibigan ni Jehova, at pinanood nila ito nang magkasama. Pagkalipas ng isang linggo, habang naglilinis ang nanay, nakita niya na isang kotse-kotsehan na lang ang laman ng kahon. Tinanong niya ang dalawa, “Nasa’n ang mga laruan n’yo?” Ang sagot nila, “Ayaw po ni Jehova sa mga laruang ‘yon, kaya itinapon namin sa basurahan.” Ngayon, kapag naglalaro ng mararahas na laruan ang mga kapitbahay nilang bata, sinasabi ni Isaac: “Huwag n’yong paglaruan iyan. Ayaw ‘yan ni Jehova!”

Croatia: Napapakilos ng mga awiting pang-Kaharian ang puso ng mga bata