Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 SIERRA LEONE AT GUINEA

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 4)

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 4)

Pagtuturo ng Pagbasa at Pagsulat

Noong unang bahagi ng 1963, dumalaw si Milton Henschel sa Sierra Leone sa ikalawang pagkakataon. Binigyang-pansin niya ang isang matagal-tagal na ring pinoproblema ng sangay. Hinimok niya ang mga kapatid na paigtingin ang kanilang pagsisikap na maturuang bumasa at sumulat ang mga tao.

May mga klase sa pagbasa at pagsulat sa wikang Ingles sa ilang kongregasyon. Pero pagkadalaw ni Brother Henschel, nagturo na rin sila sa kanilang katutubong wika. Sa ilang kongregasyon, may mga klase sa dalawa o tatlong wika. Naging popular ang mga klaseng ito kaya sangkatlo ng bilang ng mga mamamahayag sa bansa ay nagpatala rito.

Noong 1966, ang mga kapatid sa Liberia ay gumawa ng buklet na may mga larawan para magamit sa pagtuturong bumasa sa wikang Kisi. Nang ipakita nila ito sa mga opisyal ng gobyerno ng Liberia, humanga ang mga ito at nagpasiyang ilimbag ang buklet at ipamahagi nang walang bayad. Ang buklet ay ipinamahagi sa Guinea, Liberia, at Sierra Leone, at daan-daang Kisi ang natulungang bumasa’t sumulat. Nang maglaon, ang mga buklet ay ginaya  o pinaganda para sa ibang mga wika kaya mas marami pa ang natutong bumasa at sumulat.

Gumagamit si Sia ng itim at pulang tali para mairekord ang kaniyang gawaing pagpapatotoo

Dahil sa mga klaseng ito, hindi lang natutong bumasa’t sumulat ang mga tao, natulungan din silang sumulong sa espirituwal. Kuning halimbawa si Sia Ngallah, isang di-bautisadong mamamahayag na 50 anyos at hindi marunong bumasa’t sumulat. Gumagamit siya ng itim at pulang tali para mairekord ang kaniyang gawaing pagpapatotoo. Kada isang oras na pangangaral, ibinubuhol niya ang itim na tali. Kada isang pagdalaw-muli, ibinubuhol naman niya ang pulang tali. Naging estudyante si Sia sa klase kaya mas madali na sa kaniya ngayon na irekord ang kaniyang ministeryo. Bautisado na siya ngayon at mas epektibong mangangaral at guro.

Marami pa ring kongregasyon sa Sierra Leone at Guinea ang nagsasaayos ng mga klase. Isang matagal nang opisyal sa gobyerno ng Sierra Leone ang nagsabi sa mga kapatid sa tanggapang pansangay: “Bukod sa pagtuturo ninyo ng Bibliya, kahanga-hanga ang pagtulong ninyo sa mga tao sa lugar na ito na matutong bumasa’t sumulat.”

Sisigaw ang mga “Bato”

Dahil marami na ang natututong bumasa sa kani-kanilang wika, lumaki ang pangangailangan sa gawaing pagsasalin. Kaunti lang, kung mayroon man, ang babasahin sa mga wika ng karamihan sa mga tribo. Ang mga edukado sa Sierra Leone ay nagbabasa ng Ingles, samantalang Pranses naman sa Guinea. Paano kaya sila magkakaroon ng literatura sa Bibliya sa kanilang sariling wika?

Noong 1959, dalawang nagtapos sa Gilead ang nagsalin sa Mende ng isang tract at buklet, pero kaunti lang ang naipamahagi. Pagkalipas ng sampung taon, naisalin sa Kisi  ang mga buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian” at Living in Hope of a Righteous New World. Mga 30,000 buklet ang naipamahagi at ginamit sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.

Noong 1975, ang tanggapang pansangay ay naglathala ng mga araling artikulo ng Bantayan sa wikang Kisi. Tuwang-tuwa ang mga mamamahayag na Kisi! Isinulat ng isang brother: “Talagang napakabait ni Jehova sa amin. Walang isa man sa amin ang nakatuntong sa paaralan. Para kaming mga bato—hindi makapagsalita. Ganiyan kami dati, pero ngayong may Bantayan na kami sa Kisi, masasabi na namin ang dakilang mga gawa ni Jehova.” (Luc. 19:40) May iba pang mga publikasyong naisalin sa Kisi.

Sa ngayon, marami pa rin sa Sierra Leone at Guinea ang nagbabasa ng ating mga publikasyon sa wikang Ingles o Pranses, ang mga wikang ginagamit sa mga pulong ng kongregasyon. Pero kamakailan, mabilis na dumami ang mga publikasyong naisalin sa kanilang sariling mga wika. Makukuha na ang mga literatura sa Bibliya sa Guerze, Kisi, Krio, Maninkakan, Mende, Pular, at Susu. Ang mga brosyur na Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman at Listen to God ay makukuha sa mga wikang iyon. Ang simpleng mga pantulong na ito sa pagtuturo ay nakatutulong sa maraming taong hiráp bumasa na maunawaan at mapahalagahan ang kamangha-manghang mensahe ng Bibliya.

Pagtatayo ng Tanggapang Pansangay

Noong unang mga taon ng dekada ’60, ang mga kapatid sa Freetown ay naghahanap na ng lote para sa itatayong tanggapang pansangay. At noong 1965, nakabili sila ng lote sa Wilkinson Road. Malapit ito sa dagat at nasa isa sa pinakamagagandang residential area sa lunsod.

Sa pinal na disenyo, ang napakagandang gusaling ito ay may Kingdom Hall, missionary home, at mga opisina. Noong itinatayo na ang gusali, lalong tumindi ang trapik sa  Wilkinson Road dahil gusto itong makita ng mga drayber at pasahero. Ang gusali ay inialay noong Agosto 19, 1967. Halos 300 ang dumalo sa programa, kasama na ang lokal na mga dignitaryo at ilang matatagal nang kapatid na binautismuhan pa ni “Bible” Brown noong 1923.

Tanggapang pansangay at missionary home sa Freetown (1965-1997)

Dahil sa bagong gusali ng sangay, tumaas ang tingin ng mga tao sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nagsilbi rin itong sagot sa sinabi ng ilang kritiko mula sa ibang relihiyon na hindi raw magtatagal ang mga Saksi sa Sierra Leone. Ang bagong gusali ay malinaw na patotoo na hindi matitinag ang mga Saksi ni Jehova.

Lalo Pang Sumulong Dahil sa Masisigasig na Misyonero

Isang grupong naglilingkod sa larangan habang dumaraan sa maputik na bukid

Mula kalagitnaan ng dekada ’70, patuloy ang pagdating ng mga misyonerong nagtapos sa Gilead. Dahil dito, lalong sumulong ang gawain sa Sierra Leone at Guinea. Ang  ilan ay nakapaglingkod na rin sa ibang bansa sa Aprika kaya hindi na sila nahirapang makibagay sa bago nilang teritoryo. Ang iba naman ay ngayon lang nakarating sa Aprika. Paano kaya sila nakatagal sa “libingan ng mga puti”? Pansinin ang mga komento nila:

“Mapagpakumbaba ang mga tao at gutóm sa espirituwal. Kapag nakikita kong napapabuti ang buhay nila dahil sa katotohanan, masayang-masaya ako.”Hannelore Altmeyer.

“Isang hamon ang klima at sakit sa tropiko. Pero sulit naman kapag may natutulungan kang tapat-pusong tao na maglingkod kay Jehova.”Cheryl Ferguson.

“Natuto akong maging pasensiyosa. Minsan tinanong ko ang isang sister kung kailan darating ang mga bisita niya, sabi niya: ‘Baka ngayon. Baka bukas. O baka sa makalawa.’ Siguro nahalata niyang nagulat ako kasi sinabi niya, ‘Pero tiyak na darating sila!’ ”Christine Jones.

“Labing-apat na misyonerong may iba’t ibang etniko at kulturang pinagmulan ang nakatira sa missionary home sa Freetown. Pero mayroon lang kaming dalawang palikuran, isang shower, isang washing machine, at isang kusina. Limitado ang suplay ng pagkain at hindi pa maganda ang kalidad. Bigla na lang nawawalan ng kuryente—kung minsan ay sa loob ng ilang araw. Karamihan sa amin ay nagkaroon ng malaria at iba pang sakit sa tropiko. Sa kabila ng mga hamong ito, natuto kaming mamuhay nang magkakasama, magpatawad, at tumawa kahit may mga problema. Masaya kami sa pangangaral, at naging malapít na magkakaibigan ang mga misyonero.”Robert at Pauline Landis.

Nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya si Pauline Landis

“Ang panahong ginugol namin sa Sierra Leone ay isa sa pinakamasasayang araw ng aming buhay. Wala kaming  pinagsisisihan at reklamo. Miss na miss na namin ang panahong iyon.”Benjamin at Monica Martin.

“Isang gabi, nakituloy kami sa bahay ng isang interesadong babae na naghanda ng kakaibang pagkain para sa amin. ‘Ulupong iyan,’ ang sabi niya. ‘Tinanggalan ko na ng mga pangil. Tikman n’yo.’ Kahit tumanggi na kami, mapilit pa rin siya. Kahit may gano’n kaming mga karanasan, napahalagahan namin ang mainit na pagkamapagpatuloy ng aming mga tinutuluyan kaya napamahal sila nang husto sa amin.”Frederick at Barbara Morrisey.

“Sa loob ng 43 taon ko sa pagmimisyonero, mahigit 100 misyonero na ang nakasama ko. Isang pribilehiyo talagang makakilala ng gano’n karaming tao na kahit iba-iba ang personalidad, iisa lang ang tunguhin! At nakakagalak talagang maging kamanggagawa ng Diyos at makitang niyayakap ng mga tao ang katotohanang nasa Bibliya!”Lynette Peters.

“Nakakagalak talagang maging kamanggagawa ng Diyos at makitang niyayakap ng mga tao ang katotohanang nasa Bibliya!”

Mula 1947, 154 na misyonero na ang naglingkod sa Sierra Leone, at 88 sa Guinea. Marami pang ibang Saksi ang dumating para maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. Sa ngayon, may 44 na misyonero sa Sierra Leone at 31 sa Guinea. Ang kanilang walang-kapagurang pagsisikap at mapagsakripisyong debosyon ay nakaantig sa buhay ng napakaraming tao. Sinabi ni Alfred Gunn, matagal nang miyembro ng Komite ng Sangay, “Tuwang-tuwa kami kapag naaalala namin sila.”