Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 SIERRA LEONE AT GUINEA

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 3)

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 3)

Pagharap sa mga Poro

Ang unang atake ay sa isang nayon malapit sa Koindu kung saan isang grupo ng mga lalaki ang nag-aaral ng Bibliya at regular na dumadalo sa mga pulong. Gaya ng karamihan ng mga lalaki sa Kisi, kabilang sila sa Poro, isang lihim na samahang nagsasagawa ng espiritismo. “Nang tumanggi ang mga estudyante sa Bibliya na makibahagi sa makademonyong mga ritwal, nagalit ang pinuno ng mga Poro,” ang sabi ni James Mensah, isang misyonerong nagtapos sa Gilead na naglingkod din sa Sierra Leone. “Binugbog ng pinuno at kaniyang mga tagasuporta ang mga lalaking iyon, ninakaw ang kanilang mga pag-aari, sinunog ang kanilang mga bahay, itinanikala, at iniwan sa gubat para mamatay sa gutom. Sinulsulan ng pinakamataas na pinuno ang mga miyembro ng Poro. Sa kabila nito, nanindigan ang mga estudyante sa Bibliya.”

 Nang magsuplong sa mga pulis ang mga kapatid sa Koindu, inaresto ang pinuno ng Poro, mga tagasuporta niya, at ang pinakamataas na pinuno. Nilitis sila at sinaway. Sinuspende nang halos isang taon ang pinakamataas na pinuno. Kumalat ang balita tungkol sa tagumpay na ito kaya maraming baguhan ang lumakas ang loob na dumalo sa mga pulong. Nang maglaon, naging interesado sa katotohanan ang pinakamataas na pinuno. Nang ganapin ang isang pansirkitong asamblea sa kaniyang lugar, nagpatulóy siya ng mga delegado at nagbigay pa nga ng isang malaking baka.

Sinubukan naman ng ibang mga lider ng Poro ang ibang pag-atake—may katusuhan silang ‘nagpanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas.’ (Awit 94:20) Ang mga pulitikong Poro ay naghain ng mosyon sa Parlamento para ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. “Pero ipinagtanggol tayo ng pinakamataas na pinuno at sinabi sa kalipunan na dalawang taon na siyang nakikipag-aral sa atin,” ang sabi ni Charles Chappell. “Sinabi niya na ang ating organisasyon ay wala talagang kinalaman sa pulitika at na tinuturuan natin ang mga tao at pinahuhusay ang kanilang moral. Sinabi pa niya na gusto niyang maging isang miyembro balang araw. Nang sang-ayunan siya ng isa pang miyembro ng Parlamento na nakipag-aral din sa atin, ibinasura ang mosyon.”

“Hayaan mong Diyos mo ang magpakain sa ’yo!” ang panunuya nila

Napaharap sa matinding pagsalansang mula sa pamilya ang mga tumiwalag sa mga lihim na samahan. Si Jonathan Sellu, isang tin-edyer sa Koindu, ay galing sa apat na henerasyon ng mga paring espiritista. Sinasanay na siya para sa ganiyang gawain. Nang mag-aral siya ng Bibliya, tumigil siya sa pagsasagawa ng espiritistikong mga ritwal at paghahain. Sinalansang siya ng kaniyang pamilya. Pinatigil siya sa pag-aaral at hindi pinakakain kapag dumadalo siya sa mga pulong. “Hayaan mong Diyos mo ang magpakain sa ‘yo!” ang panunuya nila. Pero nanindigan  si Jonathan. Hindi siya nagutom, at natuto pa siyang bumasa’t sumulat. Nang maglaon, naging regular pioneer siya. Masaya rin siya nang tanggapin ng kaniyang ina ang katotohanan.

Pagsulong sa Ibang mga Bahagi ng Bansa

Noong 1960, may mga kongregasyon at mga grupo sa liblib na mga lugar sa Bo, Freetown, Kissy, Koindu, Lunsar, Magburaka, Makeni, Moyamba, Port Loko, Waterloo, at hanggang sa Kabala sa hilaga. Nang taóng iyon, naging 282 ang bilang ng mamamahayag mula sa dating 182. Maraming special pioneer mula sa Ghana at Nigeria ang dumating para patibayin ang sumusulong na mga kongregasyon.

Karamihan sa mga baguhan ay kabilang sa dalawang grupo: Ang Krio na nakatira sa Freetown at sa palibot nito, at ang Kisi na nakatira sa Silanganing Probinsiya. Pero habang patuloy na lumalaganap ang mabuting balita, ang ibang mga tribo ay tumutugon din. Kasama riyan ang Kuranko, Limba, at Temne sa hilaga; Mende sa timog; at iba pang mga etnikong grupo.

Noong 1961, inialay ng Freetown East Congregation ang kanilang Kingdom Hall. Pagkatapos, inialay naman ng Koindu Congregation ang isang Kingdom Hall na yari sa laryong putik na may upuan para sa 300 katao at puwede ring gawing Assembly Hall. Di-nagtagal, sa kauna-unahang pagkakataon sa Sierra Leone, 40 elder ang dumalo sa Kingdom Ministry School. Hindi lang iyan ang nangyari nang taóng iyon. Ang mga kapatid ay nakibahagi sa isang matagumpay na kampanya ng pag-aalok sa publiko ng New World Translation of the Holy Scriptures.

Kingdom Ministry School sa Sierra Leone, 1961. William Nushy (huling hanay, gitna), Charles Chappell (gitnang hanay, pangalawa mula sa kanan), at Reva Chappell (harap, pangatlo mula sa kanan)

Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan. Noong Hulyo 28, 1962, ang International Bible  Students Association, isang legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa, ay opisyal na nairehistro sa gobyerno ng Sierra Leone.

Nabuksan ang Gawain sa Guinea

Ibaling naman natin ang ating pansin sa kalapít na Guinea (dating French Guinea). Bago 1958, may ilang kapatid na sandaling nakapagpatotoo sa ilang tagaroon nang mapadaan sila sa bansang ito, pero salansang sa ating gawain ang Pransiya na may sakop sa kanila. Gayunman noong 1958, nabuksan ang gawain sa Guinea nang talikuran nito ang pamamahala ng Pransiya at maging isang malayang republika.

Sa huling bahagi ng taóng iyon, si Manuel Diogo, isang brother na nagsasalita ng Pranses mula sa Dahomey (ngayo’y  Benin) na mga 33 anyos, ay nagtrabaho sa isang minahan ng bauxite sa Fria, isang bayan na mga 80 kilometro sa hilaga ng kabisera, ang Conakry. Sa kasabikang mapangaralan ang bagong teritoryong ito, sumulat si Manuel sa sangay sa Pransiya para humiling ng literatura at tulong mula sa mga special pioneer. Ganito nagtapos ang liham niya: “Dalangin ko na pagpalain ni Jehova ang gawain dahil maraming interesado rito.”

Sumulat kay Manuel ang sangay sa Pransiya para patibayin siya at himuking manatili sa Guinea hangga’t posible. Isinaayos din ng sangay na madalaw siya ng isang special pioneer para sanayin sa ministeryo. Dahil sa mga tulong na iyon, napatibay si Manuel at masigasig na nangaral sa Fria hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1968.

Nang dalawin ng tagapangasiwa ng sona na si Wilfred Gooch ang Conakry noong 1960, nakilala niya ang dalawa pang brother na Aprikano na nangangaral doon. Inirekomenda ni Brother Gooch na ang sangay sa Sierra Leone ang mangasiwa sa Guinea sa halip na ang tanggapang pansangay sa Pransiya. Nailipat ang pangangasiwa noong Marso 1, 1961. Pagkalipas ng isang buwan, naitatag sa Conakry ang unang kongregasyon sa Guinea.

Suminag ang Liwanag ng Katotohanan sa Kagubatan

Ang mabuting balita ay lumaganap din sa timugang Guinea. Si Falla Gbondo, isang Kisi na naninirahan sa Liberia, ay bumalik sa kanilang nayon, ang Fodédou, mga 13 kilometro sa kanluran ng Guékédou. May dala siyang aklat na From Paradise Lost to Paradise Regained. Hindi marunong magbasa si Falla, pero kaya niyang ipaliwanag sa kaniyang mga katribo ang mga larawan sa aklat. “Naging usap-usapan ang aklat,” ang sabi niya. “Tinawag ito ng mga tao na aklat nina Adan at Eva.”

Bumalik si Falla sa Liberia. Nabautismuhan siya at naging special pioneer. Dalawang beses sa isang buwan, bumabalik siya sa Fodédou para makipag-aral sa isang grupo  ng mga 30 tao. Di-nagtagal, sinamahan siya ni Borbor Seysey, isa pang Kisi na special pioneer mula sa Liberia. Bumuo sila ng isa pang grupo sa Guékédou. Parehong naging kongregasyon ang dalawang grupong ito.

Habang parami nang paraming Kisi ang nagiging Saksi, napapansin ng mga pinuno ang kanilang mainam na paggawi. Ang mga Saksi ay masisipag, tapat, at mapayapa. Kaya nang humingi ng permiso ang mga kapatid para makapagtayo ng Kingdom Hall sa Fodédou, agad silang binigyan ng mga pinuno ng tatlong ektaryang lupa. Ang unang Kingdom Hall na iyan sa Guinea ay natapos noong unang bahagi ng 1964.

Mga Kaguluhan sa Conakry

Samantala, may nagbabantang kaguluhan sa Conakry. Dahil sa mga kaguluhan sa pulitika, nagsuspetsa ang mga opisyal ng gobyerno sa mga dayuhan. Apat na misyonerong nagtapos sa Gilead ang hindi binigyan ng permanenteng bisa at pinalabas ng bansa. Dalawang brother mula sa Ghana ang inaresto dahil sa maling bintang at ibinilanggo nang halos dalawang buwan.

Pagkalaya, ang isa sa mga brother, si Emmanuel Awusu-Ansah, ay muling inaresto at ibinilanggo. Ganito ang isinulat niya habang nakakulong sa nakakadiring selda: “Malusog ako sa espirituwal, pero hindi mawala-wala ang lagnat ko. Gayunman, nakakapangaral pa rin ako. Nitong nakaraang buwan, gumugol ako ng 67 oras sa paglilingkod sa larangan, at dalawang estudyante sa Bibliya ang nagsimulang mangaral kasama ko.” Ang isa sa kaniyang mga estudyante ay nabautismuhan. Pagkalipas ng limang buwan, pinalaya si Brother Awusu-Ansah at ipina-deport sa Sierra Leone. Isang mamamahayag na lang ang naiwan sa Conakry.

Noong 1969, nang humupa ang tensiyon sa pulitika, dumating sa Conakry ang mga special pioneer. Sa pahintulot ng mga awtoridad, nakapagtayo sila ng Kingdom Hall na  may karatula. Di-nagtagal, mga 30 interesado ang regular nang dumadalo sa mga pulong.

Dahil sa panganib na maaresto, ang mga kapatid ay ingat na ingat sa pangangaral noong una. Pero habang lumalakas ang loob nila, lalo nilang pinag-ibayo ang kanilang pagsisikap. Noong 1973, nakapamahagi ng 6,000 tract ang maliit na kongregasyong iyon. Nang maglaon, nag-alok din sila ng mga magasin sa mga opisina at lugar ng mga negosyo. Unti-unti, napahalagahan ng mga opisyal ng gobyerno at ng publiko ang ating gawain. Noong Disyembre 15, 1993, nagbunga ang lahat ng kanilang pagsisikap at pagtitiyaga nang legal na mairehistro ang Christian Association of Jehovah’s Witnesses of Guinea.