Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova

 SIERRA LEONE AT GUINEA

Batang Sundalo na Naging Regular Pioneer

Batang Sundalo na Naging Regular Pioneer

LABING-ANIM na taon ako nang pilitin ako ng mga rebeldeng sundalo na sumali sa kanila. Sinusuplayan nila ako ng droga at alak, at madalas akong makipaglaban nang bangag sa droga. Sumabak ako sa maraming labanan at nakagawa ng kahindik-hindik na mga bagay. Iyan ang lubos kong pinagsisisihan.

Minsan, isang may-edad nang Saksi ang nangaral sa aming baraks. Karamihan ng tao ay takót at umiiwas sa tulad naming mga rebelde, pero ‘eto siya at tinutulungan kami sa espirituwal. Kaya nang imbitahan niya akong dumalo sa pulong, pumayag ako. Hindi ko na maalala ang sinabi sa pulong, pero tandang-tanda ko ang mainit na pagtanggap nila sa akin.

Habang lalong tumitindi ang labanan, nawalan ako ng kontak sa mga Saksi. ‘Tapos, nasugatan ako nang malubha sa isang labanan kaya dinala ako sa isang lugar na kontrolado ng mga rebelde para doon magpagaling. Bago matapos ang digmaan, nakatakas ako patungo sa isang lugar na kontrolado ng gobyerno at sumailalim ako sa isang programa na tumutulong sa mga rebelde na makapagbagong-buhay.

Kailangang-kailangan ko ng espirituwal na tulong. Dumalo ako sa mga miting ng Pentecostal, pero tinawag ako ng mga miyembro nila na Satanas. Kaya hinanap ko ang mga Saksi ni Jehova. Pagkakita ko sa kanila, nag-aral ako at dumalo sa mga pulong. Nang ipagtapat ko ang masasama kong ginawa, binasa ng mga brother sa akin ang nakaaaliw na mga salita ni Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. . . . Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”Mat. 9:12, 13.

Talagang naantig ang puso ko ng mga salitang iyon! Ibinigay ko ang sundang ko sa brother na nagba-Bible study sa akin, at sinabi ko sa kaniya: “Itinatago ko iyan sakaling may gaganti sa  akin. Pero ngayon, alam ko nang mahal ako ni Jehova at ni Jesus kaya hindi ko na iyan kailangan.”

Tinuruan ako ng mga kapatid na bumasa’t sumulat. Nang maglaon, nabautismuhan ako at naging regular pioneer. Ngayon, kapag nangangaral ako sa dating mga rebelde, sinasabi nila na iginagalang daw nila ako dahil naayos kong muli ang buhay ko. Natulungan ko pa ngang mag-aral ng Bibliya ang ayudante ng dati kong kinabibilangang platoon.

Nang sundalo pa ako, nagkaroon ako ng tatlong anak na lalaki. Nang malaman ko ang katotohanan, gusto ko rin silang matulungan sa espirituwal. Tuwang-tuwa ako nang tumugon ang dalawa sa kanila! Ngayon, auxiliary pioneer na ang panganay ko, at di-bautisadong mamamahayag na ang isa pa.