Tagalog
Warwick Photo Gallery 7 (Setyembre 2016 Hanggang Pebrero 2017)
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/502017516/univ/art/502017516_univ_sqr_xl.jpg

Warwick Photo Gallery 7 (Setyembre 2016 Hanggang Pebrero 2017)

Warwick Photo Gallery 7 (Setyembre 2016 Hanggang Pebrero 2017)

Makikita sa photo gallery kung paano natapos ang paggawa sa bagong punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova at ang paggamit ng mga boluntaryo sa mga pasilidad nito mula Setyembre 2016 hanggang Pebrero 2017.

Larawan ng natapos na pasilidad ng Warwick. Paikot mula sa itaas sa kaliwa:

  1. Vehicle Maintenance Building

  2. Visitor Parking

  3. Maintenance Building/Resident Parking

  4. Residence B

  5. Residence D

  6. Residence C

  7. Residence A

  8. Offices/Services Building

Setyembre 8, 2016—Warwick site

Ginagamit na ang lahat ng gusali sa pasilidad ng Warwick. Sa pasimula ng Setyembre, mga 500 na ang nakatira sa Warwick. Kasama roon ang mga boluntaryo sa konstruksiyon at ang full-time personnel mula sa Brooklyn na lumipat doon.

Setyembre 20, 2016—Offices/Services Building

Iniinspeksiyon ng isang artist ang pampakintab sa mirror tiles na gagamitin sa pader sa pasukan ng exhibit na “A People for Jehovah’s Name.” Ang finishing ng tiles ay makaluma, na bagay sa tema ng exhibit tungkol sa kasaysayan.

Setyembre 28, 2016—Offices/Services Building

Si Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang chairman sa unang Morning Worship na nakabrodkast mula sa Warwick. Nang umagang iyon, binasa ni Brother Lett ang isang sulat ng pasasalamat para sa mahigit 27,000 boluntaryo na tumulong sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad at sa marami pang iba na sumuporta sa proyekto sa iba’t ibang paraan.

Oktubre 3, 2016—Offices/Services Building

Ikinakabit ng isang karpintero ang mga letra sa displey sa pasukan ng isa sa tatlong self-guided exhibit. Ipinapakita sa exhibit na ito na “A People for Jehovah’s Name” ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova mula dekada ng 1870 hanggang sa kasalukuyan.

Oktubre 5, 2016—Offices/Services Building

Nakikipagmiting ang Writing Committee sa mga katulong ng komiteng ito at sa mga miyembro ng Writing Department. Makikita sa malalaking monitor ang mga artwork na iminumungkahing gamitin sa mga susunod na publikasyon. Gamit ang mga monitor, ang komite ay nakakausap din ng mga departamento na nasa iba’t ibang pasilidad sa panahon ng miting. Ang mesa, na ibinigay bilang donasyon ilang taon na ang nakalilipas, ay inilipat sa Warwick mula Brooklyn.

Oktubre 20, 2016—Offices/Services Building

Nakikipag-usap ang isang katulong ng Coordinators’ Committee sa iba pang personnel na pinangangasiwaan ng komite kung paano tutulungan ang mga naapektuhan ng Super Typhoon Haima (Lawin), na tumama sa Pilipinas isang araw pa lang ang nakalilipas. Nakakatulong ang video-conferencing sa mga departamento sa pandaigdig na punong-tanggapan para maharap agad ang mga sitwasyon na kailangan ng dagliang aksiyon at makausap ang mga tanggapang pansangay sa iba’t ibang bansa.

Oktubre 28, 2016—Maintenance Building/Resident Parking

May bioretention pond sa pagitan ng Maintenance Building at ng main entrance road. Ang pond na ito at iba pang pond sa Warwick ay gumagamit ng natural na paraan para maipon at masala ang mga dumi mula sa tubig-ulan. Dahil dito, hanggang 50 porsiyento ang natitipid sa gastusin kaugnay ng paggamit ng karaniwang drainage system. Bukod diyan, nililinis at sinasala ang tubig bago ito padaluyin sa mga sapa roon. Nakakatulong ito para maging mas ligtas ang kapaligiran para sa mga halaman at hayop.

Nobyembre 4, 2016—Offices/Services Building

Ibinababa ng mga tagabuhat ang mga nasa receiving dock. Mga 80 boluntaryo ang tumulong sa mga nagtatrabaho sa punong-tanggapan para makalipat sila mula Brooklyn papunta sa bago nilang tahanan sa Warwick.

Disyembre 14, 2016—Offices/Services Building

Iniuusog ng mga panadero ang isang malaking masa na galing sa mixing bowl. Dahil ang masang ito ay maaaring tumitimbang ng mahigit 45 kilo (100 lbs), mas madali at mas ligtas ang paggawa gamit ang nakasabit na bowl. Ang bakery sa Warwick ay mayroon ding retarder/proofer, kagamitan na puwedeng magpabilis o magpabagal sa pagkasim sa pamamagitan ng pagkontrol nito sa temperatura at halumigmig. Gamit ang makinang ito, nabawasan ang trabahong kailangan sa pagluluto ng daan-daang tinapay linggo-linggo.

Disyembre 14, 2016—Maintenance Building/Resident Parking

Hinahakot ng mga nagtatrabaho sa Building Services ang mga basura mula sa Maintenance Building. Di-gaya ng mga pasilidad natin sa Brooklyn, karamihan ng mga gusali sa Warwick ay magkakarugtong, kaya mas kaunting personnel at sasakyan ang kailangan sa pag-aalis ng basura at ng mga bagay na mare-recycle.

Disyembre 14, 2016—Offices/Services Building

Winiwisikan ng tubig ang isang shirt para palambutin ang lukot nito bago i-press sa universal form finisher. Ang Laundry Department sa Warwick ay naglalaba ng average na mahigit 5,000 kilo (11,000 lbs) ng damit at linen linggo-linggo. Para ma-monitor ang mga ito, naglalagay ang mga taga-laundry ng bar code sa mga ito. Ang mga bar code ay inii-scan sa iba’t ibang seksiyon sa laundry para matiyak na ang lahat ng labahin ay dumaan sa tamang proseso at naihatid sa tamang departamento o kuwarto.

Disyembre 20, 2016—Maintenance Building/Resident Parking

Iniinspeksiyon at minamantini ng isang mekaniko ang isang boom lift na ginagamit sa powerhouse. Sa paggawa nito, mas matagal itong magagamit at napananatili itong ligtas gamitin.

Enero 10, 2017—Offices/Services Building

Inaayos ng isang technician ang isang computer application na ginagamit sa pagpapalabas ng unang displey sa exhibit na “Faith in Action.”

Enero 11, 2017—Offices/Services Building

Inihahanda ng mga karpintero ang isang bisikleta, na ginawa noong 1903, para maidispley sa exhibit na “A People for Jehovah’s Name.” Ang bisikletang ito, na ibinigay bilang donasyon at maingat na ibinalik sa dating kondisyon nito ng mga manggagawa sa Warwick, ay idinidispley para ipakita ang pagsisikap at sakripisyo ng mga Estudyante ng Bibliya (nang maglaon, tinawag na mga Saksi ni Jehova) na gumamit ng ganitong sasakyan sa pagpapalaganap ng mensahe ng Bibliya.

Enero 12, 2017—Offices/Services Building

Ang mga karpintero ay naglalagay ng salamin sa palibot ng mga displey na may kaugnayan sa “Photo-Drama of Creation,” salig-sa-Bibliyang pelikula at slide presentation na inilabas noong 1914 at napanood ng mga siyam na milyong tao ng taóng iyon.

Enero 12, 2017—Offices/Services Building

Inihahanda ng mga archivist at isang graphic artist ang 1544 na edisyon ng Zurich Latin Bible para maidispley ito sa exhibit na “The Bible and the Divine Name.” Ang pulang arrow sa Bibliya na nasa bungad ay nakaturo sa personal na pangalan ng Diyos, na Jehova. Iniingatang mabuti ng mga archivist ang napakalumang mga Bibliya. Halimbawa, nilalagyan nila ng polyester film ang mga pahina para hindi ito gumalaw, kinokontrol ang temperatura at halumigmig sa gallery, at maingat na ina-adjust ang mga ilaw na fiber-optic sa mga displey para hindi agad masira ang napakalumang mga papel.

Enero 16, 2017—Offices/Services Building

Nakikita ng mga bisita na may escort ang buong pasilidad ng Warwick mula sa tower na 23 metro (75 ft) ang taas. Nagsimula ang mga reserved tour para sa mga self-guided exhibit at sa mga pasilidad ng Warwick noong Abril 3, 2017. Ang mga gustong mag-tour dito ay kailangang magpa-reserve ng iskedyul online sa website na ito sa seksiyong TUNGKOL SA AMIN > TANGGAPAN AT TOUR.

Enero 19, 2017—Offices/Services Building

Ipinupuwesto ng isang archivist ang isa sa kakaunting kopya ng unang edisyon ng 1611 King James Version sa lagayan nito sa displey. Ang mga lagayang ito ay dinisenyo at ginawa ng mga staff sa Warwick.

Enero 19, 2017—Offices/Services Building

Ipinupuwesto ng isang graphic artist ang isang sombrero sa lagayan nito sa displey. Ang sombrerong ito ay kay Joseph F. Rutherford, na nagsimulang manguna sa mga Saksi ni Jehova isang siglo na ang nakalilipas. Ang gallery na ito, na kasama sa exhibit na “A People for Jehovah’s Name,” ay nagpapakita ng pagsisikap ng mga Saksi noon na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian.

Enero 20, 2017—Offices/Services Building

Sa tulong ng audio recording team, inilalahad ng isang tagabasa ang self-guided exhibit na “The Bible and the Divine Name.” Mahigit isang linggo lang matapos baklasin ang recording booth at ibang kagamitan sa Brooklyn at ilipat sa Warwick, nagamit na agad ang recording studio. Ang studio na ito (ekstensiyon ng mga recording studio sa Watchtower Educational Center sa Patterson) ay ginagamit din sa pagrerekord ng New World Translation, The Watchtower at Awake!, mga artikulo para sa jw.org, at iba pang audio publication.

Enero 27, 2017—Offices/Services Building

Pinipintahan ng isang katulong ng karpintero ang mga gilid ng isang 3-D na displey ng mga larawan. Ang displey, na kasama sa exhibit na “A People for Jehovah’s Name,” ay nagtatampok ng mga larawan ng mga Estudyante ng Bibliya noong dulo ng ika-19 na siglo.

Pebrero 15, 2017—Offices/Services Building

Pinipintahan ng isang artist ang estatuwa ni Caleb, isang karakter sa animated series na Maging Kaibigan ni Jehova. Ang estatuwang ito ay makikita sa gallery na nagtatampok ng mga pantulong at programa na ginawa ng mga Saksi ni Jehova para sa mga bata.

Pebrero 15, 2017—Offices/Services Building

Pinuputol ng isang karpintero ang mga larawan at mga vinyl sign para sa exhibit na “A People for Jehovah’s Name.” Mahigit 250 boluntaryo, kabilang na ang mga gumagawa ng mga kabinet, computer programmer, designer, electrician, tagalagay ng tiles, videographer, at mga manunulat, ang nagtulong-tulong para sa tatlong exhibit sa museum mula sa pasimula ng proyekto hanggang sa matapos ito.