Tagalog
Pinasimpleng Pag-iimprenta Para Matulungan ang “Lahat ng Uri ng Tao”
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/502500229/univ/art/502500229_univ_sqr_xl.jpg
hdu artikulo 34

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Pinasimpleng Pag-iimprenta Para Matulungan ang “Lahat ng Uri ng Tao”

Pinasimpleng Pag-iimprenta Para Matulungan ang “Lahat ng Uri ng Tao”

OKTUBRE 1, 2025

 Gusto ng Diyos na Jehova na “lahat ng uri ng tao” ay ‘magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.’ (1 Timoteo 2:3, 4) Pero daan-daan ang wika ng mga kapatid at ng mga pinapangaralan natin. Taon-taon, halos dalawang bilyong literatura ang iniimprenta sa mga wikang iyon. Anong mga hakbang ang ginawa para mailaan ang espirituwal na mga pagkain sa napakaraming wika, pero nagagamit pa rin sa matalinong paraan ang mga donasyon?

Mas Kaunting Palimbagan, Mas Magagandang Makina

 Noong mga 1980’s, may mga palimbagan tayo para sa mga magasin sa mahigit 40 lupain. Mula noon, unti-unti tayong nagbawas ng mga palimbagan. At ngayon, nasa siyam na lupain na lang ang mga palimbagan natin. Pero kasabay nito, dumami nang halos anim na beses ang wikang kailangang gawan ng mga literatura. Paano tayo nakakapag-imprenta sa mas maraming wika kahit mas kaunti ang palimbagan natin? Nakatulong ang pagkakaroon ng mas magagandang makina.

 Dahil sa mga bagong makina, nakakagawa tayo ng mas maraming literatura sa mas kaunting panahon. Sa mga lumang makina, malaking panahon ang nauubos kapag nagpapalit ng iimprentahing publikasyon. Ngayon, apat na beses na mas mabilis itong nagagawa dahil sa mas magagandang makina. Mas maraming trabaho ang natatapos agad, kasama na ang pag-iimprenta ng kaunting publikasyon para sa maliliit na wika. Siyempre, sa bawat publikasyon, kailangan ng bagong plate. Kamakailan, sa loob ng 12 buwan, gumastos tayo nang halos dalawang milyong dolyar para lang sa mga plate. a Kaya para sa maliliit na trabaho, gumagamit tayo ng digital printing na hindi nangangailangan ng mga plate. Ang mga digital printer, kasama na ang may laser technology, ay nakakapag-imprenta ng mas kaunting literatura sa mas murang halaga at walang masyadong nasasayang.

Pagpapalit ng plate

 Sa nakalipas na tatlong taon, gumastos tayo nang mahigit 10 milyong dolyar para sa pag-a-upgrade ng mga makinang ginagamit sa pag-iimprenta at pagba-bind sa buong mundo. Tingnan kung paano natin ginagamit ang ilan sa mga makinang iyon para makagawa ng mga Bibliya. Noon, pagkatapos makapag-imprenta, mahigit 40 proseso pa ang kailangang gawin para mabuo ang isang Bibliya, gaya ng pagtatahi, pagputol, at iba pa. Ngayon, 10 na lang ang prosesong kailangang gawin kasi kaya nang gawin ng mga bagong makina ang karamihan sa mga ito. Bukod pa diyan, kailangang mano-manong ilipat at pagpatong-patungin noon ang mga Bibliya sa bawat proseso. Ngayon, may mga conveyor nang naglilipat sa mga Bibliya sa bawat proseso. Dahil dito, mahigit 55 porsiyento ng gawain ng mga kapatid ang nabawas. Sa sangay sa Japan, 2,000 Bibliya ang nagagawa noon kada walong oras. Ngayon, mga 35,000 Bibliya na ang nagagawa sa kaparehong haba ng oras!

Ginagamit ang mga barcode para matukoy at mapagsama-sama ang bawat seksiyon ng isang Bibliya

Nakatipid Dahil Mas Kaunti ang Iniimbak na mga Papel at Publikasyon

 Nakatipid tayo dahil sa mga pagbabagong nabanggit. Halimbawa, dahil nakakapag-imprenta na tayo ngayon nang mas kaunti pero mas madalas, nabawasan ang bilang ng mga literatura na kailangang iimbak sa bawat palimbagan. “Noong una, hindi namin maintindihan kung bakit magandang ideya ang pag-iimprenta nang kaunti pero mas madalas,” sabi ni Gary na naglilingkod sa sangay sa United States. “Parang mas okey na mag-imprenta nang maramihan at minsanan.” Sinabi pa niya: “Sa unang taon, nang magsimula kaming mag-imprenta nang kaunti pero mas madalas, lumaki ang gastos nang 60,000 dolyar para sa mga plate at papel. Pero sa taon ding iyon, nakatipid tayo nang mahigit 1.5 milyong dolyar dahil nabawasan ang gastos natin sa pag-iimbak ng papel at mga aklat!” Ang mga natipid na pondong ito ay puwedeng gamitin sa mahahalagang bagay gaya ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall at sa disaster relief.

 Dahil kaunti na lang ang iniimbak na mga publikasyon at papel, nabakante ang ilang lugar sa ilang tanggapang pansangay at ginamit ito para sa ibang pangangailangan sa Bethel. Bukod diyan, dahil nagbawas tayo ng mga palimbagan, nabawasan din ang laki ng mga bagong sangay na itatayo. Halimbawa, noong 2018, ang gawaing pag-iimprenta sa sangay sa Britain ay inilipat sa sangay sa Central Europe at sa iba pang palimbagan. Dahil dito, milyon-milyong dolyar ang natipid sa pagtatayo ng bagong sangay sa Chelmsford, England.

“Naalala Mo Ako!”

 Dahil sa pinasimpleng paraan ng pag-iimprenta, natutulungan natin ang mas maraming tao na mapalapít kay Jehova. Nakakapag-imprenta na tayo sa mas maraming wika, kahit sa mga wikang ilang daang kopya lang ng publikasyon ang kailangan. Halimbawa, mga 35,000 lang ang nagsasalita ng wikang Wallisian sa New Caledonia, Wallis, at Futuna. Pero noong Agosto 2024, inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Wallisian. Sinabi ng isang Saksi na nagsasalita ng wikang Wallisian na si Selafina: “May mga salita sa Bibliya sa wikang French na hindi ko maintindihan. Kaya nang matanggap namin ang Bibliya sa Wallisian, napaiyak ako. Nasabi ko sa panalangin ko, ‘Diyos na Jehova, naalala mo ako! Hindi ka talaga nagtatangi.’”

Ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ay available na sa wikang Wallisian

 Hindi pa aabot sa 500,000 ang nagsasalita ng wikang Sanga sa Democratic Republic of the Congo. Pero naglabas tayo ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman sa wikang iyon. “Dati, kailangan ko pang ipaliwanag o isalin ang ilang salita sa mga tinuturuan ko sa Bibliya,” sabi ni Josué na nasa kongregasyon na nagsasalita ng wikang Sanga. “Pero minsan, hindi pa rin nila maintindihan ang sinasabi sa aklat. ’Buti na lang available na ang aklat na ito sa wikang Sanga! Mas nauunawaan na ngayon ng mga estudyante ko ang mga itinuturo ng Bibliya at hindi ko na kailangang magbigay ng mahabang paliwanag.”

Isang pag-aaral sa Bibliya sa Honduras gamit ang Masayang Buhay Magpakailanman sa wikang Garifuna na sinasalita lang ng mga 120,000 tao

 Mas marami na tayo ngayong nagagawa at naipapamahaging publikasyon sa mas maraming tao, at sa mas maraming wika. Dahil iyan sa mga donasyong ibinibigay ninyo, kasama na ang mga ibinigay gamit ang donate.jw.org. Maraming salamat sa pagkabukas-palad ninyo!

a Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.