SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Paglalathala ng Pinakamahalagang Aklat
ENERO 1, 2021
“Labinsiyam na taon ko ’tong hinintay!” ang sabi ng isang brother. Ang alin? Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa sarili niyang wika, ang Bengali. Ganiyan din ang reaksiyon ng marami nang magkaroon ng Bagong Sanlibutang Salin sa wika nila. Pero naisip mo na ba kung paano isinasalin at inilalathala ang mga Bibliyang ito?
Una, mag-aatas ng isang translation team sa pangangasiwa ng Writing Committee ng Lupong Tagapamahala. Gaano katagal nila isasalin ang Bibliya? Sinabi ni Nicholas Ahladis, na nasa Translation Services sa Warwick, New York: “Nakadepende iyan sa maraming bagay, gaya ng dami ng translator, kung gaano kakomplikado ang wika, at kung gaano kapamilyar ang mga mambabasa sa buhay noong panahon ng Bibliya, pati na rin sa pagkakaiba ng wika depende sa rehiyon. Kadalasan, isa hanggang tatlong taon ang pagsasalin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at mga apat na taon o higit pa para sa buong Bibliya. Mas matagal pa kung sa sign language ito isasalin.”
Hindi lang mga translator ang kailangan sa proyektong ito. Kailangan din ang tulong ng mga kapatid na may iba’t ibang pinagmulan—at kung minsan, mula sa iba’t ibang bansa—para i-review ang salin. Ginagawa nila ito nang walang bayad. Nakakatulong sa mga translator ang komento ng mga kapatid para maging tama, malinaw, at madaling maintindihan ang salin ng Bibliya. Ganito ang sinabi ng isang trainer sa pagsasalin ng Bibliya sa South Africa: “Para sa mga translator, isang mabigat na pananagutan ito kay Jehova at sa mga nagbabasa ng kaniyang Salita.”
Pagkatapos maisalin, kailangang iimprenta at i-bind ang mga Bibliya. Para magawa iyan, gumagamit ang mga palimbagan ng 10 o higit pang materyales: papel, tinta, pabalat, pandikit, liner para sa pabalat, silver leaf, ribbon, headband, spine stiffener, at isang capping material para ma-bind ang buong Bibliya. Noong 2019, mahigit 20 milyong dolyar (U.S.) ang nagamit para lang sa mga materyales na ito. Mahigit 300,000 oras na nagtrabaho ang mga kapatid natin sa Printery nang taóng iyon para mailathala at maipadala ang mga Bibliya.
“Ang Bibliya ang pinakamahalagang publikasyon na inilalathala natin”
Bakit tayo naglalaan ng ganoon kalaking panahon at pera para dito? “Ang Bibliya ang pinakamahalagang publikasyon na inilalathala natin,” ang sabi ni Joel Blue ng International Printing Department. “Kaya pinaganda natin ang hitsura nito para mapapurihan ang Diyos na sinasamba natin at ang mensaheng ipinapangaral natin.”
Bukod sa mga regular na edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin, naglalathala rin tayo ng mga espesyal na edisyon. Halimbawa, ang braille na Bagong Sanlibutang Salin ay available sa 10 wika. Inaabot nang halos walong oras ang paggawa sa isang kumpletong braille na Bibliya. Dahil marami itong tomo, kailangan mo ng 2.3 metro o higit pa na espasyo para paglagyan nito. Gumagawa rin tayo ng espesyal na edisyon ng Bibliya para sa mga nasa bilangguan na ang puwede lang ipasok ay mga aklat na papel ang pabalat.
Malaking tulong ang Bagong Sanlibutang Salin sa mga mambabasa nito. Ganiyan ang nangyari sa kongregasyong nagsasalita ng Kiluba sa lugar ng Tombe, na nasa Democratic Republic of the Congo. Para marating ang Tombe, kailangang magbiyahe nang mahigit 1,700 kilometro mula sa kabisera ng bansa. Isang Bibliya lang ang nagagamit ng mga Saksi doon, at sinaunang Kiluba pa ang saling ito. Pinagpapasa-pasahan ng mga brother ang nag-iisang Bibliyang iyon para makapaghanda sila ng kanilang bahagi sa mga pulong. Pero mula noong Agosto 2018, ang lahat ng nasa kongregasyon ay nagkaroon na ng kumpleto at makabagong-wikang Bagong Sanlibutang Salin sa Kiluba.
Isang sister na nagsasalita ng German ang nagsabi tungkol sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa wika nila: “Hindi ko na sinasabing kailangan kong magbasa ng Bibliya. Ang naiisip ko, ‘Kailan ulit ako makakapagbasa?’” Isinulat naman ng isang bilanggo: “Nabigyan ako ng Bagong Sanlibutang Salin, at binago nito ang buhay ko. Ngayon ko lang naintindihan ang Salita ng Diyos nang basahin ko ang saling ito. Gusto ko pang makilala ang mga Saksi ni Jehova at malaman kung paano ako magiging isa sa kanila.”
Nagpapasalamat ang lahat ng mambabasa ng Bagong Sanlibutang Salin sa mga donasyong nakatulong para mailathala ang Bibliyang ito. Ang mga donasyong ito para sa worldwide work ay ibinigay gamit ang mga paraang makikita sa donate.jw.org. Maraming salamat sa inyong pagkabukas-palad.