SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Pagbibigay ng Tulong sa Panahon ng “mga Digmaan at mga Ulat ng Digmaan”
MAYO 27, 2022
Sa panahong ito ng mga huling araw, inaasahan natin na magkakaroon ng “mga digmaan at mga ulat ng digmaan.” (Mateo 24:6) Pero kapag apektado ng mga digmaang ito ang mga kapatid natin, natatanggap nila ang tulong na kailangan nila. Tiniyak sa atin ng 2022 Ikatlong Update ng Lupong Tagapamahala na nagpapatuloy ang relief work sa Eastern Europe para sa mga kapatid natin sa Ukraine. Paano nailalaan ang tulong para sa mga kapatid kahit nagpapatuloy ang digmaan? Paano nakatulong ang relief work sa mga kapatid natin sa Ukraine?
Ano ang Kailangan? At Paano ito Nailalaan?
Noong Pebrero 24, 2022, nagsimula ang digmaan sa Ukraine. Nang mismong araw na iyon, inaprobahan ng Coordinators’ Committee na magkaroon ng budget bilang tulong sa mga kapatid natin sa Ukraine. Isinaayos agad ng sangay sa Ukraine na makabili at maipamahagi ang mga relief sa pamamagitan ng 27 Disaster Relief Committee.
Bukod dito, agad ding tumulong ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova para malaman kung anong praktikal na tulong ang kailangang ilaan. Inatasan ng Coordinators’ at Publishing Committee ng Lupong Tagapamahala ang Global Purchasing Department na makipagtulungan sa mga kapatid mula sa sangay ng Ukraine at Poland para malaman ang pangangailangan at makapagplano. Kaya araw-araw nag-uusap ang mga kapatid sa Purchasing, Shipping, at Legal department ng bawat sangay, isa sa mga miyembro ng Komite ng Sangay sa Ukraine, at mga miyembro ng Global Purchasing Department.
“Una, dapat alamin namin kung ano talaga ang kailangan,” ang sabi ni Jay Swinney ng Global Purchasing Department. “Gusto naming makapagbigay ng mga pagkain at panlinis ng katawan na nakasanayan ng mga kapatid doon. Pero ang pag-alam sa kung ano ang kailangan ay isa lang sa mga problema. Kailangan din naming alamin kung paano iyon maihahatid sa Ukraine sa panahon ng digmaan sa ligtas at pinakamabilis na paraan.”
Noong Marso 9, 2022, napagdesisyunan na kung ano talaga ang kailangan ng mga kapatid sa Ukraine. Kahon-kahon ng pagkain, gaya ng de-latang karne at isda, grains, bigas, beans, at mga panlinis ng katawan gaya ng sabon at toilet paper ang ipapamigay. Nang panahong iyon, tinatayang nasa $65 (U.S.) ang magagastos kada isang tao para sa apat na linggong suplay. Dahil libo-libong kapatid ang nangangailangan ng ganitong tulong, malaki-laking budget ang inaprobahan ng Coordinators’ Committee para mailaan ito. Pero paano ito maihahatid ng mga kapatid nang hindi sila napapahamak?
Noong Marso 13, sinubukan ng dalawang brother mula sa Poland na mag-deliver mula sa sangay ng Poland papunta sa isang bodega malapit sa Lviv, Ukraine. Ilang araw bago sila umalis, tinulungan sila ng mga kapatid sa sangay ng Poland at Ukraine para makapaghanda sa biyahe. Inasikaso ng sangay ang mga papeles na kailangan para makatawid sila sa border at maghatid ng tulong. Tiniyak din nila na may malinaw na sign ang sasakyan ng mga brother na magde-deliver para madaling makita na maghahatid ito ng mga relief. Nakipag-ugnayan din sila sa mga kapatid sa Ukraine para malaman ang pinakamabilis na ruta kapag nakatawid na ang mga brother sa border. Dahil sa mahusay na paghahanda at sa pagpapala ni Jehova, naibigay agad ang mga relief sa mga Disaster Relief Committee sa loob lang ng 24 na oras mula nang makarating ito sa Lviv. Nakauwi rin nang ligtas sa Poland ang mga brother.
Naging maayos ang unang paghahatid na ginawa. Pero wala pang isang tonelada ang naihatid. Tinatayang 200 tonelada pa ang kailangang ihatid. Paano kaya maipapadala at maipapamahagi nang mabilis ang ganoon karaming relief?
“Kusang-loob na Ihahandog ng Bayan Mo ang Kanilang Sarili”
Nang mabasa nila ang report sa jw.org kung paano naaapektuhan ang mga kapatid sa nangyayari sa Ukraine, gustong tumulong ng mga tao sa iba’t ibang lugar sa mundo. Marami sa mga nasa malalayong lugar ang nag-donate ng pera sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova kasi alam nilang gagamitin ang pera nila sa pinakamabuting paraan. Ang ilan naman na nasa kalapit na mga bansa ay naglaan ng panahon nila at lakas, pati na ng personal na mga ari-arian nila para tumulong. Tingnan ang ilang halimbawa.
Sa Poland, libo-libo ang nagboluntaryo para maglagay ng mga relief sa kahon, at may mga bata ring gumawa ng mga card. “Maraming beses ko nang nabasa y’ong sinasabi sa Awit 110:3, na ‘kusang-loob na ihahandog ng bayan ni Jehova ang kanilang sarili,’” ang sabi ni Bartosz Kościelniak, miyembro ng Purchasing Department sa sangay ng Poland. “Pero ngayon, kitang-kita ko na totoo ang mga salitang ito. Bumuhos ang suporta, daan-daang boluntaryo ang agad na dumating para tumulong.”
Isang Saksi ni Jehova na may-ari ng international na logistics company ang nagpagamit ng mga truck niya at nag-donate ng kailangan nitong gasolina. Sinabi niya: “Para sa akin, pagkakataon ito para maipakita ko ang pag-ibig ko sa mga kapatid at kay Jehova. Masayang-masaya akong makatulong.” Tinatayang mahigit 7,700 litro ng gasolina ang nai-donate. At gamit ang panahon at lakas nila, nagmaneho ng halos 48,000 kilometro ang mga kapatid para maihatid ang mga relief.
Dahil sa pagkukusa at pag-ibig ng mga kapatid, noong Marso 28—15 araw lang matapos ang unang delivery—100 tonelada ng pagkain, gamit na panlinis ng katawan, at mga medical supply ang naipadala sa Ukraine! At dahil sa napakaraming donasyon ng mga kapatid at mga supplier, napakalaki ng nabawas sa mga gastusin para sa mga relief. Sa ngayon, nakapagpadala na ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit 190 tonelada ng relief sa Ukraine. Ano ang naging epekto ng relief work na ito sa mga kapatid natin?
“May Laman Din Itong Pag-ibig Ninyo!”
Kapag nakarating na ang mga relief sa Lviv, ipinapamahagi naman ito ng mga Disaster Relief Committee sa mga nangangailangan sa iba’t ibang lugar sa Ukraine. Idine-deliver ito sa iba’t ibang lunsod, na ang ilan ay mahigit 1,300 kilometro ang layo mula sa Lviv. Kahit nakaplano nang mabuti ang gawaing ito, maraming panahon pa rin ang kailangan para dito. a
Sinabi ni Markus Reinhardt, miyembro ng Komite ng Sangay sa Ukraine: “Sa panahong ito ng krisis, naranasan ng maraming kapatid ang pag-ibig ni Jehova at nakita nilang nakikinabang sila kapag sinusunod nilang mabuti ang mga tagubilin ng organisasyon niya—kahit wala pang sakuna. Halimbawa, pinayuhan ang lahat na magkaroon ng suplay ng pagkain at tubig sa bahay nila na tatagal nang ilang linggo. Tungkol sa tagubiling ito, sinabi ni Anton, isang elder sa Kyiv: ‘Inihanda kami ng organisasyon ni Jehova sa kritikal na mga sitwasyong ito, at talagang nagpapasalamat kami doon. Dahil may suplay kami ng tubig at mga pagkain, pati na rin ng radyo, literal na iniligtas nito ang buhay namin.’ Mabuti na lang talaga sinunod ng mga kapatid ang tagubiling ito. Dahil diyan, nagkaroon ng panahon ang tanggapang pansangay na mag-organisa ng relief work.”
Ano ang naramdaman ng mga kapatid nang makarating sa kanila ang mga relief? Sinabi nina Mykola at Zinaida, na nakatira sa Kharkiv: “Na-touch talaga kami sa pagmamalasakit ninyo. Maraming salamat sa mga pagkain at gamot. Dahil dito, kitang-kita namin ang kamay ni Jehova.” Sinabi ni Valentyna, na nakatira rin sa lugar na iyon: “Mula nang magsimula ang digmaan, laging napakahaba ng pila sa mga grocery. Minsan, ‘di namin mabili y’ong talagang kailangan namin. Pero alam at nakita ni Jehova ang problema namin. At ginamit niya ang mga kapatid para ihatid sa mga bahay namin ang mga relief na talagang kailangan namin. Sa mahihirap na sitwasyong iyon, kapag nawawalan ka na ng pag-asa, talagang mararamdaman mong nagmamalasakit sa iyo si Jehova at ang organisasyon niya. . . . Napakasarap maramdaman na ibinibigay ni Jehova ang tulong at suportang kailangan namin sa tamang panahon.”
Sinabi nina Yevhen, Iryna, at Mykyta, na lumikas mula sa Mariupol: “Sobra-sobra ang pasasalamat namin sa pagmamalasakit at suporta ninyo sa pamilya namin. Sa maniwala kayo’t sa hindi, eksaktong-eksakto y’ong dating ng tulong. N’ong una akala namin mga relief lang ang laman ng mga kahon, pero nang buksan namin ang mga ito, na-realize namin, may laman din itong pag-ibig ninyo!”
Talagang kitang-kitang ginabayan ng espiritu ni Jehova ang paghahatid na ito ng mga relief sa panahon ng “digmaan at mga ulat ng digmaan.” Malaking papel din ang ginampanan dito ng mga donasyon ninyo sa worldwide work, na karamihan ay ipinadala sa donate.jw.org. Maraming-maraming salamat sa pagkabukas-palad ninyo!
Paghahatid ng mga Relief sa Pinakamabilis at Pinakaligtas na Paraang Posible
Pebrero 24, 2022: Inaprobahan ng Coordinators’ Committee ang budget bilang tulong sa Ukraine. Dahil dito, nakapag-umpisang mamigay ng relief ang sangay doon
Pebrero 24–Marso 8, 2022: Nagsimulang bumili ng mga pang-relief ang sangay sa Ukraine at ipinamahagi ito sa tulong ng mga Disaster Relief Committee. Pinaghandaan din ng sangay ang pagdating ng mga relief mula sa Poland at ang pamamahagi ng mga ito
Marso 9, 2022: Inaprobahan ng Coordinators’ Committee ang paghahatid ng mga relief sa Ukraine
Marso 10–12, 2022: Pinlano ang unang paghahatid ng mga pagkain at iba pang suplay mula Poland papuntang Lviv, Ukraine
Marso 13, 2022: Ginawa ang unang paghahatid ng pagkain at suplay mula Poland papuntang Lviv, Ukraine
Marso 14–16, 2022: Sa isang Assembly Hall malapit sa Poznan, Poland, inorganisa ang mga boluntaryo ng Local Design/Construction para maglagay ng mga pagkain at mga panlinis ng katawan sa mga kahon
Marso 17, 2022: Apat na araw matapos ang matagumpay na unang paghahatid ng mga relief, 13 tonelada ng relief ang sinimulang itawid sa border ng Ukraine
Marso 21–27, 2022: Gamit ang ganoon ding paraan, inipon muna sa Poland ang mga natitirang relief, ipinadala sa Ukraine, at ipinamahagi sa mga lugar na may nangangailangan sa loob lang ng 24 na oras
Marso 28, 2022: Sa loob ng 20 araw matapos aprobahan, 100 tonelada ng pagkain, gamit na panlinis ng katawan, at medical supply ang naihatid papunta sa Ukraine
Sa ngayon, nakapagpadala na ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit 190 tonelada ng relief sa Ukraine.
a Para sa higit pang impormasyon kung paano naihatid ang mga relief, basahin ang artikulong “Mga Brother, Lakas-Loob na Naghatid ng Panustos at Nagligtas ng Iba Pa sa Ukraine.”