Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Mga Pasilidad na Nagpaparangal sa Ating Dakilang Tagapagturo

Mga Pasilidad na Nagpaparangal sa Ating Dakilang Tagapagturo

HULYO 1, 2023

 Gustong-gusto ni Jehova na turuan ang mga lingkod niya. Kaya nagsaayos ang organisasyon niya ng iba’t ibang paaralan para sanayin ang mga estudyante sa mga atas nila. Isa na diyan ang School for Kingdom Evangelizers (SKE). Nitong mga nakaraang taon, hindi lang mga curriculum ang pinaganda ng organisasyon kundi pati mga pasilidad na ginagamit para sa teokratikong mga paaralan. Ang isa sa pangunahing tunguhin ng mga pagbabagong ito ay para gawing mas madali ang pagtuturo at pag-aaral. Paano nakakatulong ang mga donasyon mo para maabot ang tunguhing iyon?

Mas Maraming Estudyante at Mas Magandang Lugar

 Sa loob ng maraming taon, sa mga Kingdom Hall at Assembly Hall ginaganap ang iba’t ibang teokratikong paaralan. Kaya bakit tayo nagtatayo o nagre-renovate ng karagdagang mga pasilidad para lang sa teokratikong mga paaralan? May tatlong dahilan.

 Mas malaking pangangailangan. “Sinasabi ng mga tanggapang pansangay na kailangan nila ng mas maraming tutulong sa gawain,” ang sabi ni Christopher Mavor, isang katulong ng Service Committee ng Lupong Tagapamahala. “Halimbawa, noong 2019, sinabi ng sangay sa Brazil na kailangan nila ng mga 7,600 na graduate sa SKE para tumulong sa teritoryo ng sangay nila.” Sinabi naman ng sangay sa United States na kailangan nila ng maraming kuwalipikadong pioneer na magsasanay sa iba para sa special metropolitan public witnessing, harbor witnessing, at prison witnessing. Kailangan din ng mga kapatid na tutulong sa Local Design/Construction Department at sa mga Hospital Liaison Committee. Makakatulong dito ang mga nag-graduate sa SKE.

 Napakaraming nagpapa-enrol. Maraming sangay ang nagsabi na mas malaki ang bilang ng mga nagpapa-enrol kaysa sa kaya nilang tanggapin. Halimbawa, sa sangay sa Brazil, mga 2,500 ang nagpa-enrol sa SKE sa loob lang ng isang taon. Pero limitado lang ang nagagamit na mga pasilidad kaya 950 na estudyante lang ang kayang tanggapin ng sangay.

 Magagandang tuluyan. Kapag sa Kingdom Hall o sa Assembly Hall nag-aaral ang mga estudyante, karaniwan nang pinapatuloy sila sa bahay ng mga kapatid na malapit doon. Posible ang gayong mga kaayusan sa mga lugar kung saan kaunti lang ang mga klase sa bawat taon. Pero kung marami nang klase, baka mahirapan na ang mga kapatid na patuluyin ang mga estudyante nang maraming buwan sa loob ng isang taon. Kaya gumawa ng mga tuluyan ng mga estudyante na malapit sa classroom.

 Ang pasilidad na may isang classroom, tuluyan ng mga instructor at mga 30 estudyante, kusina, at iba pa ay nagkakahalaga ng ilang milyong dolyar (U.S.), depende sa lokasyon at iba pang kalagayan.

Ang mga Pasilidad

 Kadalasan nang nagtatayo ng mga pasilidad ng paaralan sa tahimik na mga lugar sa labas ng malaking lunsod pero malapit sa mga sakayan. Mas pinipili ang mga lugar kung saan maraming kapatid na puwedeng tumulong sa mga gawain at pagmamantini sa pasilidad at iba pang mga kagamitan.

 Sa mga pasilidad ng paaralan, may mga library, mga lugar kung saan puwedeng mag-aral, computer, printer, at iba pang mga kagamitan. Madalas na mayroon itong dining room kung saan puwedeng kumain nang sama-sama ang mga estudyante at mga instructor. May mga lugar din para sa ehersisyo at iba pang libangan.

 Pinag-isipan ding mabuti ang disenyo ng classroom. “Nagtanong kami sa Theocratic Schools Department para makapagdisenyo kami ng mga classroom na tutulong sa mga estudyante sa pag-aaral nila,” ang sabi ni Troy, na tumutulong sa Worldwide Design/Construction Department sa Warwick, New York. “Binigyan nila kami ng mga guideline para sa sukat at disenyo ng classroom, pati na sa lighting at mga equipment na gagamitin sa audio at video.” Tungkol sa mga audio equipment, sinabi ni Zoltán, isang instructor ng SKE sa Hungary: “Noong una, wala kaming mga mikropono, kaya kadalasan nang sinasabihan namin ang mga estudyante na lakasan ang boses nila. Pero wala nang ganoong problema ngayon kasi may mikropono na sa bawat desk!”

“Espesyal na mga Bisita ni Jehova”

 Nakatulong ba sa mga instructor at estudyante ang pinagandang mga pasilidad? “Tahimik ang kapaligiran,” ang sabi ni Angela, na nag-aral sa SKE sa Palm Coast, Florida, U.S.A. “Ang ganda ng pagkakaplano sa pasilidad pati na sa classroom at sa mga kuwarto namin, kaya nakakapagpokus kami sa pag-aaral.” Nagustuhan naman ni Csaba, isang instructor sa Hungary, na nakakasama nilang kumakain ang mga estudyante. Sinabi niya na kapag kumakain sila, “kadalasan nang nagkukuwento ang mga estudyante ng mga karanasan nila. Nakatulong iyon para mas makilala namin sila. Kaya mas nagiging epektibo ang pagtuturo namin.”

 Para sa mga estudyante at instructor, isang pagpapala mula kay Jehova, ang “Dakilang Tagapagturo” natin, ang mga pinagandang pasilidad. (Isaias 30:20, 21) Sinabi ng isang sister sa Pilipinas na nakapag-aral sa SKE sa isang pasilidad na ginawang paaralan: “Pakiramdam namin nang nag-aaral kami, hindi lang kami basta mga estudyante kundi mga espesyal na bisita ni Jehova. Gusto niya kaming maging masaya habang pinag-aaralan naming mabuti ang Salita niya.”

 Nakakapagtayo tayo, nakakapag-renovate, at nakakapagmantini ng mga pasilidad ng paaralan dahil sa mga donasyon ninyo na karamihan ay sa pamamagitan ng donate.jw.org. Maraming-maraming salamat sa pagiging bukas-palad ninyo.

Entrance ng pasilidad sa Palm Coast, Florida, U.S.A.

Modelo ng templo noong panahon ni Jesus sa lobby ng pasilidad sa Palm Coast, Florida, U.S.A.

Bagong datíng na mga estudyante ng School for Kingdom Evangelizers, Brazil

Mga estudyante ng School for Kingdom Evangelizers, Brazil

Bagong datíng na mga estudyante ng School for Kingdom Evangelizers, Pilipinas

Magkakasamang kumakain ng tanghalian sa dining room ng pasilidad, Pilipinas