MULA SA AMING ARCHIVE
Nanatili Silang Malakas sa Espirituwal sa Mahirap na Panahon
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, halos wasak na wasak ang buong Europe. Pero ang maganda, nakalaya na mula sa mga concentration camp ng Nazi ang mga Saksi ni Jehova at ang iba pa. Hindi nga lang naging madali ang buhay nila. Gaya ng marami, wala ring sapat na pagkain, damit, tirahan, at iba pang pangangailangan ang mga lingkod ni Jehova. Sinabi ni Sister Karin Hartung, “Dahil kulang na kulang ang matitirhan noon, pinapatuloy na lang ng mga tao ang mga kamag-anak nila sa bahay o pinapaupahan ang kuwarto sa apartment nila.” May panahon pa nga na sa isang toolshed lang nakatira at sa isang upuan lang natutulog si Sister Gertrud Poetzinger, na nakulong nang pito at kalahating taon sa mga concentration camp. a
Paano naibigay ang pangangailangan ng mga kapatid noon sa mga lugar na nawasak ng digmaan? At ano ang matututuhan natin sa mga nabuhay sa mahirap na panahong iyon?
Inasikaso ang Pangangailangan ng mga Kapatid
Agad na inasikaso ng organisasyon ni Jehova ang pangangailangan ng mga kapatid sa Europe. Para malaman kung ano ang kailangan nila, binisita sila nina Nathan Knorr at Milton Henschel na mula sa punong-tanggapan. Noong Nobyembre at Disyembre 1945, pumunta sila sa England, Switzerland, France, Belgium, Netherlands, Denmark, Sweden, Finland, at Norway. Inireport ni Brother Knorr, “Nakita namin sa unang pagkakataon kung gaano napinsala ng digmaan ang kontinente.”
Hindi pinayagang pumasok sa Germany si Brother Knorr noong panahong iyon. Kaya lumabas ng bansa si Erich Frost, ang nangangasiwa sa tanggapang pansangay sa Germany, para makipagkita sa kaniya. b “Nagbigay ng mga payo sa amin si Brother Knorr at nangakong magpapadala ng pagkain at damit,” ang sabi ni Erich. “Di-nagtagal, napakaraming dumating na supply ng harina, mantika, oatmeal, at iba pang pagkain sa Germany. Nagpadala rin ang mga kapatid na nasa ibang bansa ng kahon-kahon na damit—may mga suit, mga panloob, at sapatos.” Naiyak ang mga kapatid na nakatanggap ng mga ito. Sinabi pa ng isang report, “Ang pagpapadala ng mga tulong ay nagpatuloy sa loob ng dalawa’t kalahating taon!” c
Nakapokus Pa Rin Sila sa Espirituwal
Habang unti-unting nagiging maayos ang kalagayan ng mga kapatid, nanatili silang nakapokus sa espirituwal. Ano ang nakatulong sa kanila?
Hindi nila pinabayaan ang kanilang espirituwal na rutin. (Efeso 5:15, 16) Noong may digmaan pa, hirap ang mga kapatid na makakuha ng mga publikasyon at maging regular sa espirituwal na mga gawain. Pero pagkatapos ng digmaan, unti-unti nang bumalik sa normal ang mga pulong at pangangaral. Ikinuwento ni Jürgen Rundel, na nakatira sa Austria: “Pinatibay kami ng publikasyong Informant d at ng mga tagapangasiwa ng sirkito na maging regular sa espirituwal na rutin namin.” Idinagdag pa niya: “Nagpokus kami kay Jehova, kay Jesus, sa pagbabasa namin ng Bibliya, at sa ministeryo. Wala pang mga panggambala noon gaya ng telebisyon.”
Sinabi ni Sister Ulrike Krolop: “Naaalala ko pa n’on, ang saya-saya ko kapag may napag-aralan akong malalim na paksa sa Bibliya. Magandang halimbawa sa akin ang asawa ko. Kapag natanggap namin y’ong isang bagong isyu ng Bantayan, ititigil niya ang ginagawa niya para pag-aralan iyon.” Sinabi naman ni Karin, na binanggit kanina: “Nakita namin no’ng digmaan na puwedeng mawala ang mga materyal na pag-aari sa isang iglap. Pero y’ong espirituwal na pagkain, kahit limitado, tuloy-tuloy pa rin na dumarating. Pinagpala ni Jehova ang mga nanatiling tapat sa kaniya.”
Nangaral ulit sila. (Mateo 28:19, 20) Noong may digmaan, hindi malayang makapangaral at magturo ang mga lingkod ni Jehova. Naalala ng brother na si Friedhelm na pagkatapos ng digmaan, “nangaral agad ang lahat ng kapatid.” Ikinuwento ni Ulrike: “Nakauniporme pa ng pang-concentration camp ang unang Saksi na nagpatotoo sa pamilya ng asawa ko. Talagang nangaral siya kaagad!” Sinabi naman ni Jürgen, “Pagkatapos ng digmaan, sabik na sabik mangaral ang mga kapatid. Maraming kabataan ang pumasok sa buong-panahong paglilingkod.”
“Ang hirap ng kalagayan n’on sa mga lunsod na binomba,” ang sabi ni Ulrike. Maraming tao ang nakatira sa mga wasak na building! Paano sila hinanap ng mga Saksi? “Tinitingnan namin kung may ilaw ng lampara o usok mula sa bubong,” ang naalala ni Ulrike, na naging Saksi kasama ng pamilya niya pagkatapos ng digmaan.
Pinatibay nila ang isa’t isa. (1 Tesalonica 5:11) Maraming Saksi ang minaltrato noong digmaan. Pagkatapos ng digmaan, imbes na magpokus sa mga pinagdaanan nila, pinatibay nila ang isa’t isa. Masayang-masaya sila na ‘subok na ang pananampalataya’ nila. (Santiago 1:2, 3) Sinabi ni Johannes, na nakatira na ngayon sa United States: “Nakulong sa mga concentration camp ang tagapangasiwa ng sirkito namin, at marami siyang ikinuwentong karanasan ng mga kapatid na tinulungan ni Jehova. Talagang napatibay kami sa mga iyon.”
Nang matapos ang digmaan, nanatiling malapít ang mga kapatid kay Jehova dahil inalala nila “kung paano niya sila tinulungan sa kampo at sinagot ang mga panalangin nila,” ang sabi ni Johannes. Ipinagpatuloy nila ang regular na pagbabasa ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral. Naalala ni Elisabeth na noong dumalo siya sa kombensiyon sa Nuremberg noong 1946, “mukha pa ring payat at mahina” ang mga kapatid. “Pero napakasigla nila habang nagkukuwento ng mga karanasan nila.”—Roma 12:11.
Nanatili silang malapít sa mga kapatid. (Roma 1:11, 12) Dahil sa pag-uusig noong panahon ng digmaan, hindi laging nagkakasama-sama ang mga Saksi. Ikinuwento ni Karin, “Bihira lang silang dumalaw sa isa’t isa. Baka kasi mapansin sila ng mga awtoridad at manganib ang mga kapatid.” Pero pagkatapos ng digmaan, ibang-iba na ang sitwasyon. “Lagi nang magkakasama ang mga kapatid,” ang sabi ni Friedhelm. “Ang mga pulong at pangangaral ang pinakaimportante sa kanila.”
Noong panahong iyon na kakatapos lang ng digmaan, “iilang Saksi lang ang may sasakyan,” ang kuwento ni Dietrich, isang elder sa Germany. “Kaya naglalakad kami papunta sa pulong. Grupo-grupo kaming naglalakad. Lagi kaming magkakasama kaya naging mas malapít kami sa isa’t isa. Para na kaming isang pamilya.”
Mga Aral Para sa Atin
Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang naaapektuhan ng mga likas na sakuna, sakit, digmaan, pag-uusig, at pagtaas ng mga bilihin. (2 Timoteo 3:1) Pero huwag tayong masyadong mag-alala. Bakit? Kasi laging nandiyan ang ating Diyos para tulungan tayo sa mahirap na panahong ito. Iyan ang pinatunayan ng karanasan ng mga kapatid natin sa Germany noong panahon ng Nazi. Kaya gaya ng ipinayo ni apostol Pablo, lakasan natin ang ating loob at sabihin natin: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”—Hebreo 13:6.
a Basahin ang kuwento ni Sister Poetzinger, “Pagsasaunahan ng Kaharian sa Alemanya Pagkadigma.”
b Basahin ang kuwento ni Brother Frost, “Deliverance From Totalitarian Inquisition Through Faith in God.”
c Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagtulong sa mga kapatid pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, tingnan ang artikulong “Ibinigay Nila ang Pinakamaganda,” pati na ang mga kahon sa pahina 211, 218, at 219 ng aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
d Ang Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong na ang ginagamit ngayon ng mga kongregasyon.