VIRGILIJUS PUDŽIUVYS | KUWENTO NG BUHAY
Laging Gagawa si Jehova ng Daang Malalabasan
Hindi namin makakalimutan ang pagdalaw sa amin ng tito at tita ko noong 1976. Nakikipag-aral noon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang tito ko. Ikinuwento niya sa mga magulang ko ang bagong mga natutuhan niya, gaya ng sinabi ni Jesus tungkol sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya, na mababasa sa Mateo kabanata 23. Pagkatapos, binanggit din ng tito ko ang pagkakapareho ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus sa mga lider ng relihiyon ngayon. Debotong Katoliko ang nanay ko, at hindi siya makapaniwala na tinuligsa ni Jesus ang mga lider ng relihiyon. Kaya nagdesisyon siyang alamin kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya.
Nakatira kami noon sa Lithuania, na parte pa noon ng dating Soviet Union. At dahil mahigpit noon ang gobyerno pagdating sa relihiyon, kaunti lang ang may Bibliya. Kaya nanghiram si Nanay ng Bibliya sa isang simbahan, at binasa niya ito. Napatunayan niya na talagang tinuligsa ni Jesus ang lider ng mga relihiyon noon dahil sa pagkukunwari ng mga ito. Talagang napaisip si Nanay, at gusto pa niyang matuto tungkol sa Bibliya. Kaya humingi siya ng literatura sa Saksing nagtuturo sa tito ko.
Di-nagtagal, dumalo na ang pamilya namin sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. At dahil may pagbabawal sa gawain ng mga Saksi, sa iba’t ibang lugar kami nagpupulong. May mga pagkakataon pa ngang sa gubat kami nagpupulong. Nabautismuhan si Nanay noong 1978, kasabay ko at ng kambal kong babae na si Danguolė. Noong panahong iyon, 15 taóng gulang pa lang kami. Nabautismuhan naman si Tatay pagkalipas ng ilang taon.
Ang kambal kong babae na si Danguolė, noong apat na taóng gulang kami
Gumawa si Jehova ng Daang Malalabasan Noong Kabataan Ako
Isang buwan matapos ang aming bautismo, pinag-usig kami ni Danguolė sa school. Isang araw, nagkaroon ng meeting sa school auditorium. Napansin ng mga teacher na hindi kami tumayo para sa pambansang awit ng Soviet Union dahil sa Kristiyanong neutralidad namin. Dahil doon, ibinigay nila ang pangalan namin sa principal. Ipinaalam naman ito ng principal sa secret police, o ang KGB. Pagkatapos, agad kaming pinuntahan ng KGB sa bahay namin at pinagtatatanong ang pamilya namin.
Kinailangan din namin ni Danguolė na manindigan kasi pinipilit kami sa school na maniwala sa ideya na walang Diyos. Halimbawa, noong 16 na taóng gulang kami, pinagsulat ang klase namin ng essay tungkol sa paksang “Kung Bakit Hindi Ako Naniniwala sa Diyos.” Dahil hindi iyon ang paniniwala ko, isinulat ko sa isang papel na “Naniniwala ako sa Diyos,” at inilagay iyon sa mesa ko. Nang makita iyon ng teacher ko, nagalit siya at sumigaw, “E di, isulat mo kung bakit ka naniniwala sa Diyos!” Masaya ako kasi pumayag siyang isulat ko ang mga paniniwala ko, at iyan din ang ginawa ng kapatid kong babae. Nang makita ng dalawang kaklase kong babae ang isinusulat namin, isinulat na rin nila kung bakit sila naniniwala sa Diyos. Isa lang iyan sa mga pagkakataon na nakita ko kung paano gumagawa si Jehova ng “daang malalabasan” sa mahihirap na sitwasyon.—1 Corinto 10:13.
Isang buwan na ipinahiram sa amin ng mga brother na nangunguna ang kopya ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Sa pagkakaalam ko, hindi lalampas sa apat o limang kopya ng aklat ang mayroon noon sa Lithuania. Naisip namin ni Danguolė, “Kung puwede lang sana na hindi na natin ito ibalik sa kanila!” Pero dahil hindi puwede, kinopya na lang namin ito! Mano-mano namin itong isinulat. Sumakit ang mga kamay namin, pero masaya kaming magkaroon ng kopya nito kasi mapapatibay nito ang pananampalataya namin.
Noong 1982, kaka-19 ko lang noon nang masentensiyahan akong makulong nang dalawang taon dahil tumanggi akong magsundalo. Nahirapan ako sa bilangguan kasi mga kriminal ang kasama ko. ’Buti na lang, nagkikita kami paminsan-minsan ng isa pang Saksi na nakakulong din doon. Natapos ko rin ang sentensiya ko, pero alam kong hindi ito ang huling pagkakataon na mabibilanggo ako.
Pinagpala ng Isang Tapat na Asawa
Ako at si Lidija sa araw ng kasal namin
Pagkalaya ko noong 1984, nakilala at pinakasalan ko si Lidija, isang magandang sister na taga-Ukraine at mahal na mahal si Jehova. Pagkatapos ng kasal namin, iniwan ni Lidija ang Ukraine at sumama sa akin sa Lithuania. Dahil Saksi ni Jehova ang pamilya niya, nakaranas din siya ng pag-uusig noong nag-aaral siya. Nang mga panahong iyon, napatibay siya ng karanasan ng mga kapatid na nagtiis sa mga kampong piitan ng Nazi o ng mga kapatid na ipinatapon sa Siberia.
Noong mga 1980’s, may pagbabawal pa rin sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Lithuania. Kaya kapag may ikakasal na Saksi, isinasabay ang dalawang-araw na kombensiyon para hindi ito mahalata. Ganiyan ang nangyari sa kasal namin. Binati kami ng mga bisita namin, nakinig kami ng mga pahayag, umawit ng maraming kanta, at nanood ng apat na dramang kumpleto sa costume. Naalala ko, mga 450 ang dumalo, kasama na doon ang mga kamag-anak namin mula sa iba’t ibang bahagi ng Soviet Union. May ilang KGB rin na hindi naman inimbitahan, pero namukhaan ng mga kapatid!
Isinabay sa dalawang-araw na kombensiyon ang kasal namin at ang kasal ng pinsan kong babae. Dalawa kami ng pinsan ko, pati na ang mapapangasawa namin, na nakaupo sa platform
Balik sa Korte
Kapag neutral pa rin ang isang Saksi pagkatapos niyang makulong, minsan, sinisentensiyahan ulit siya ng gobyerno. Kaya isang taon pagkatapos naming ikasal, ipinatawag ulit ako ng korte. Buong araw akong nasa korte. Buntis noon si Lidija at nasa katabing ospital. Habang nililitis ako, hindi ako pinayagang dumalaw sa kaniya. Pero sa panahon ng break, napuntahan ko siya kaso sa labas lang ng bintana niya. Binuksan niya ang bintana niya, nag-usap kami, at pinatibay ang isa’t isa. Nang araw ding iyon, nasentensiyahan akong makulong nang tatlong taon.
Nakakalungkot, pagkatapos ng dalawang araw, nakunan si Lidija. Sinabi niya na sa sobrang sakit ng nararamdaman niya parang dinudurog ang puso niya. Bukod pa sa nangyaring iyan, nag-a-adjust pa lang si Lidija sa bago niyang buhay sa Lithuania kasama ng mga magulang ko, na hindi masyadong marunong magsalita ng Ukrainian o Russian—ang wika ni Lidija. Pero talagang nagtiwala siya kay Jehova. At talagang inalagaan at inalalayan siya ng mga magulang ko sa mahihirap na panahong iyon.
Patuloy na Gumawa si Jehova ng Daang Malalabasan
Nang makulong ulit ako, mas handa na ako dahil sa mga natutuhan ko noong una akong mabilanggo. Ang isa sa nakatulong sa akin na makapagtiis ay ang pangangaral. Halimbawa, noong papunta kami sa bilangguan, pinagkasya kami sa mga sasakyan at tren. Lima o anim na tao lang dapat ang kasya sa sasakyan pero 15 hanggang 20 lalaki ang nagsiksikan doon. Ginamit ko ang pagkakataong iyon para ipakipag-usap sa mga kapuwa ko bilanggo ang mensahe ng Bibliya. Ipinaliwanag ko sa kanila kung bakit ako neutral pagdating sa digmaan at politika, kaya inaresto ako at ibinilanggo. Sinabi ko rin sa kanila kung bakit makatuwirang maniwalang may Diyos.
Nabilanggo ako sa Marijampolė. a Ang alam ko, ako lang ang Saksi sa 2,000 itinuring na mapanganib na kriminal. Normal lang doon na pagbantaan, bugbugin, at patayin pa nga, pero isang beses lang akong nabugbog. Kahit mahirap ang sitwasyon doon, sinikap kong patibayin ang iba at magpakita ng kabutihan—isang katangian na bihirang makita sa bilangguan.
Sinubukan ng KGB na lituhin ang isip ng mga Saksi para magduda kami. Nalalaman ng mga KGB ang mga pinag-uusapan ng pamilya ko sa bahay namin, at sinasabi nila iyon sa akin. Pero binabago nila iyon! Pinagmumukha nilang nag-aaway ang mga kapamilya ko. Hindi ako naniwala sa kanila. At nang makalaya ako, napatunayan kong mali ang sinabi ng mga KGB sa talagang sinabi ng pamilya ko.—Mateo 10:16.
Minsan, pinadalhan ako ng isang sister ng maliit na Bibliya sa wikang Russian sa isang kakilala niyang guwardiya. Tuwing gabi, kinokopya ko sa isang maliit na papel ang ilang talata mula sa Sermon sa Bundok ni Jesus. Kaya kinabukasan, habang nagtatrabaho ako sa factory ng bilangguan, paulit-ulit kong binabasa ang mga talata kapag walang nakakakita sa akin. Dahil diyan, nakabisado ko ang Sermon sa Bundok ni Jesus sa wikang Russian, kahit hindi ito ang talagang wika ko. Pero nakita at kinumpiska ng mga guwardiya ang Bibliya ko. ’Buti na lang, bago mangyari iyon, kabisado ko na ang mga salita ni Jesus.
Talagang sinuportahan ako ni Lidija. Halos araw-araw, sinusulatan niya ako. Pero dalawang beses sa isang buwan lang akong pinayagan na sumulat sa kaniya. Kahit ganoon, sinabi niya na kapag natatanggap niya ang mga sulat ko, alam niyang buhay pa ako, nananatili akong tapat kay Jehova, at na mahal na mahal ko pa rin siya.
Laging Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Ko
May isang grupo ng mga bilanggo na nagreklamo sa mga awtoridad. Gusto nilang gumanda ang kalagayan nila sa trabaho. At hangga’t hindi ibinibigay ang hinihiling nila, hindi sila nagtrabaho. Kaya binigyan sila ng mabigat na parusa. Pagkatapos, kinausap ako at ang ibang bilanggo ng mga awtoridad. Sinabi nila na kami ang ipapalit sa mga nagrebelde.
Kapag tumanggi ako, siguradong mapaparusahan ako. Kung tatanggapin ko naman, magmumukha akong traidor sa mga rebelde at maghihiganti sila sa akin. Puwede nila akong bugbugin o patayin pa nga. Para akong naiipit sa nag-uumpugang pader! Hindi ko alam ang gagawin ko. (2 Cronica 20:12) Kaya lagi akong nananalangin kay Jehova na tulungan niya ako.
Pagkatapos, ipinatawag ako ng isang bilanggong kasama ko sa una kong trabaho, at pumunta kami sa manager. Hindi ko siya kaibigan; kasama ko lang siya sa trabaho. Pero hiniling niya na manatili ako sa grupo niya. Nagkasagutan sila ng manager. Kahit kailan, hindi nagpapatalo ang manager na ito. Pero nagulat ako na pinalabas lang niya kami ng opisina niya at pinayagan akong manatili sa dati kong trabaho. (2 Pedro 2:9) Sa buong pagkakabilanggo ko, noon lang ako nakakita ng isang bilanggo na talagang sumuporta sa kapuwa niya bilanggo. Sa karanasang ito, natutuhan ko na kahit sino, puwedeng gamitin ni Jehova para sagutin ang mga panalangin natin.
Gumawa si Jehova ng Daang Malalabasan Para kay Lidija
Alam ba ninyo ang nangyari kay Lidija noong nakakulong ako? Kinailangan niyang humanap ng trabaho. Pero dahil nakakulong ako, ayaw siyang tanggapin ng karamihan sa mga employer kasi natatakot sila sa KGB. Di-nagtagal, nakakuha rin siya ng trabaho. Labindalawang oras siyang nag-aalaga ng 30 bata at nakakapagod iyon! Pero binigyan siya ni Jehova ng lakas para makapagtrabaho. Isa pa, naglakbay nang daan-daang kilometro ang mga kapatid mula sa iba’t ibang bahagi ng Lithuania para patibayin, makasama, at bigyan si Lidija ng mga publikasyon sa wikang Russian. Hindi niya kailanman naramdamang nag-iisa siya.
Naglilingkod kay Jehova Bilang Pamilya
Pagkalaya ko, tumulong ako sa pag-oorganisa ng gawaing pagsasalin ng mga publikasyon natin sa wikang Lithuanian. Ginawa namin ito nang patago. Matapos ang ilang taon, bumagsak ang Soviet Union, at legal nang nairehistro ang gawain natin sa Lithuania. Di-nagtagal, nagkaroon na ng translation office para sa wikang Lithuania. Kahit isa’t kalahating oras ang layo namin, masaya akong naglalakbay papunta rito para tumulong sa pagsasalin. Ginawa ko ito sa loob ng limang taon.
Noong Agosto 1997, inimbitahan kami ni Lidija para maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Lithuania, na tinatawag ding Bethel. Talagang napakasaya namin! May dalawa na kaming anak na babae noon, si Oksana na siyam na taóng gulang at si Svajūnė na limang taóng gulang. Binigyan kami ng tatlong araw para makalipat sa isang apartment na malapit sa Bethel at ma-enroll si Oksana sa isang school doon.
Ginawa naming nakakapagturo at nakaka-enjoy ang family worship namin. Isinadula namin ang isang eksena tungkol kina Ahasuero, Esther, at Mardokeo
Paano namin naaalagaan ang mga anak namin habang naglilingkod kami sa Bethel? Maaga akong pumapasok ng Bethel, at sumusunod naman si Lidija pagkatapos niyang ihatid ang mga bata sa school. Nauuna ring umuwi si Lidija para mag-asikaso sa bahay bago makauwi ang mga bata.
Nagsuot kami ng tradisyonal na damit ng Lithuania nang ialay ang sangay dito noong 2003
Excited kaming pamilya tuwing Biyernes ng gabi. Masayang-masaya kami kasi nagluluto kami, naglilinis, at nagpa-family worship. Pumupunta rin kami sa mga bundok, sa dagat, o sa iba pang Bethel sa Europe para makita ng mga anak namin ang mga nilalang ni Jehova at makilala ang mga kapatid sa iba’t ibang bansa. Proud kami ni Lidija sa mga anak namin kasi pareho silang nag-regular pioneer sa edad na 15. Ngayon, naglilingkod na sa remote translation office sa Lithuania si Oksana at ang asawa niyang si Jean-Benoit, habang naglilingkod naman sa Bethel sa France si Svajūnė at ang asawa niyang si Nicolas.
Bilang mag-asawa, talagang naging “isang laman” kami ni Lidija at naging pangunahin sa buhay namin ang paglilingkod kay Jehova. (Efeso 5:31; Eclesiastes 4:12) Kahit “kabi-kabila ang panggigipit sa amin” sa nakalipas na maraming taon, hindi namin kailanman naramdamang pinabayaan kami o ‘nasukol’ kami. (2 Corinto 4:8, 9) Paulit-ulit naming nakita kung paano gumawa si Jehova ng daang malalabasan, at sigurado kami na lagi niya iyong gagawin.
Kasama ang mahal kong asawa, si Lidija
a Tinawag itong Kapsukas noong 1955 hanggang 1990.

