BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Natutuhan Ko na Maawain at Mapagpatawad si Jehova
-
ISINILANG: 1954
-
BANSANG PINAGMULAN: CANADA
-
DATING MANDARAYA AT SUGAROL
ANG AKING NAKARAAN:
Lumaki ako sa isang lugar ng mahihirap sa lunsod ng Montreal. Noong anim na buwan ako, namatay ang tatay ko, kaya naiwan kay Inay ang lahat ng responsibilidad. Ako ang bunso sa walong magkakapatid.
Habang lumalaki ako, umikot ang buhay ko sa droga, sugal, karahasan, at pakikisama sa mga kriminal. Sa edad na 10, naging “runner” ako ng mga babaeng bayaran at mga ilegal na nagpapautang. Madalas akong magsinungaling at natutuwa akong mandaya ng mga tao. Parang droga ito sa akin.
Pagtuntong ko ng 14, eksperto na ako sa pandaraya. Halimbawa, bumibili ako ng maraming tubog-sa-gintong mga relo, pulseras, at singsing. Tinatatakan ko ito na 14 carat at saka ibebenta sa mga lansangan at paradahan ng mga shopping center. Gustong-gusto kong kumita nang walang kahirap-hirap. Minsan, kumita ako ng $10,000 sa isang araw!
Nang mapatalsik ako sa reform school noong 15 anyos ako, nagpalaboy-laboy na ako. Natutulog ako sa kalye, sa parke, o sa bahay ng mga kakilala ko na nagpapatulóy sa akin.
Dahil sa mga ginagawa kong pandaraya, madalas akong kuwestiyunin ng mga pulis. Pero dahil hindi naman nakaw ang mga ibinebenta ko, hindi ako nakukulong. Kaso, maraming beses akong nagmulta nang malaki dahil sa pandaraya, pamemeke, at pagbebenta nang walang permit. Palibhasa’y walang kinatatakutan, nangolekta pa nga ako ng pera para sa mga ilegal na nagpapautang. Delikado iyon, kaya kung minsan, nagdadala ako ng baril. May mga panahon ding sumama ako sa sindikato.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Nalaman ko ang tungkol sa Bibliya noong 17 anyos ako. Nagli-live in kami ng girlfriend ko nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pero hindi ako sang-ayon sa mga pagbabawal ng Bibliya pagdating sa moral, kaya iniwan ko siya at nakisama sa ibang babaeng idine-date ko.
Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Malugod akong tinanggap ng mga taong disente at mababait. Ibang-iba ito sa mundong kinalakhan ko! Ngayon ko lang nadama ang pagmamahal ng pamilya na hindi ko naranasan noong kabataan ko. Ang pagmamahal na nadama ko sa mga Saksi ni Jehova ang pinakahahangad ko. Kaya nang alukin nila akong mag-aral ng Bibliya, tinanggap ko iyon.
Malaking pagbabago ang nangyari sa akin nang makipag-aral din sa mga Saksi ang bago kong kinakasama! Binago niya ang kaniyang buhay. Humanga ako dahil naging mas mahinahon at matiisin siya. Pumayag akong dumalo ng pulong saMarahil nailigtas ang buhay ko ng mga natututuhan ko sa Bibliya. Ako at ang dalawa ko pang kasama ay nagplanong magnakaw para mabayaran ang mga utang ko sa sugal, na umabot ng mahigit $50,000. Mabuti na lang at hindi ako sumama! Itinuloy nila ang plano namin—naaresto ang isa sa kanila at napatay naman ang isa.
Sa patuloy na pag-aaral ng Bibliya, nakita ko kung gaano karaming pagbabago ang kailangan kong gawin. Halimbawa, nalaman ko ang sinasabi sa 1 Corinto 6:10: “[Hindi] ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Nang mabasa ko ang tekstong ito, napaiyak ako. Natanto kong kailangan kong magbago nang lubusan. (Roma 12:2) Marahas ako at mapusok, at namumuhay sa kasinungalingan.
Pero natutuhan ko rin sa Bibliya na si Jehova ay maawain at mapagpatawad. (Isaias 1:18) Marubdob akong nanalangin at nagsumamo sa kaniya para tulungan akong iwan ang dati kong pamumuhay. Sa tulong niya, unti-unti kong nabago ang aking personalidad. Ang isang malaking hakbang na ginawa namin ng kinakasama ko ay nang magpakasal kami.
Buháy ako ngayon dahil sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya
Sa edad na 24, may asawa na ako at tatlong anak. Ngayon, kailangan kong maghanap ng marangal na trabaho. Pero hindi ako gaanong nakapag-aral at walang makapagbibigay ng magandang rekomendasyon sa akin. Muli akong nanalangin nang marubdob kay Jehova, at naghanap ng trabaho. Sinabi ko sa mga inaaplayan ko na gusto kong magbago at magtrabaho nang tapat. Kung minsan, ipinaliliwanag ko na nag-aaral ako ng Bibliya at na hangad kong maging mas mabuting tao. Tinanggihan ako ng marami. Sa isa pang interbyu, ipinagtapat ko ang aking dating magulong buhay, at sinabi ng nag-iinterbyu: “Ewan ko, pero parang may nagsasabi sa akin na tanggapin kita sa trabaho.” Naniniwala akong ito na ang sagot sa aking mga panalangin. Nang maglaon, kami ng asawa ko ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Buháy ako ngayon dahil sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya at sa Kristiyanong pamumuhay. Mayroon akong masayang pamilya. Taglay ko ang malinis na budhi dahil kumbinsido akong pinatawad na ako ni Jehova.
Sa nakalipas na 14 na taon, naglilingkod ako nang buong panahon sa ministeryo. Tinutulungan ko ang iba na matutuhan ang itinuturo ng Bibliya. Kamakailan, sumama na rin ang misis ko sa buong-panahong paglilingkod. Sa nakalipas na 30 taon, masaya akong nakatulong sa 22 katrabaho na sumamba kay Jehova. Pumupunta pa rin ako sa mga shopping center, pero hindi na para mandaya ng mga tao, gaya ng dati kong ginagawa. Ngayon, kapag pumupunta ako roon, madalas kong ibinabahagi sa iba ang aking paniniwala. May gusto akong ibigay sa kanila: ang pag-asang mabuhay sa isang bagong sanlibutan na wala nang mandaraya.—Awit 37:10, 11.