Timgad—Ang Lihim ng Lunsod na Nabaón sa Limot
HINDI makapaniwala ang walang-takot na manggagalugad sa kaniyang nakita. Isang arko ng tagumpay ng mga Romano na nasa Algeria ang natabunan ng buhangin at lupa! Nang matuklasan ito ni James Bruce ng Scotland noong 1765, hindi niya akalaing nakatayo siya sa ibabaw ng mga guho ng pinakamalaking pamayanang Romano na itinayo sa Hilagang Aprika—ang sinaunang lunsod ng Thamugadi, na tinatawag ngayong Timgad.
Mahigit sandaang taon ang nakalipas, noong 1881, ang nakabaóng lunsod ng Timgad ay sinimulang hukayin ng mga arkeologong Pranses. Nasabi nila na bagaman nasa isang tigang na disyerto, maluho at napakakomportable ng buhay ng mga nakatira dito. Pero bakit nga ba nagtayo ang mga Romano ng isang maunlad na kolonya sa gayong lugar? At ano ang matututuhan natin sa sinaunang lunsod na ito at sa mga nakatira dito?
PATAGONG POLITIKAL NA LAYUNIN
Nang sakupin ng mga Romano ang Hilagang Aprika noong unang siglo B.C.E., nanlaban ang ilang pagala-galang tribo roon. Paano makikipagpayapaan sa kanila ang mga Romano? Sa umpisa, ang mga sundalo ng Third Augustan Legion ay nagtayo ng maraming nakukutaang kampo sa mga bulubunduking rehiyon ng hilagang Algeria ngayon. Nang maglaon, itinayo nila ang lunsod ng Timgad, pero para sa ibang layunin.
Sinabi ng mga Romano na itinayo nila ang Timgad para sa mga beteranong nagretiro, pero ang totoo, itinayo nila ito para makuha ang loob ng mga tagaroon at huwag nang manlaban. Nagtagumpay sila. Di-nagtagal, ang mga bumababa sa bayan para magbenta ng kanilang mga produkto ay naakit sa komportableng buhay sa Timgad. Dahil mamamayang Romano lang ang puwedeng tumira sa Timgad, maraming katutubo kasama ng kanilang mga anak na lalaki ang kusang sumama nang 25 taon sa Hukbong Romano para maging mamamayang Romano sila.
Ang ilang Aprikano, na hindi pa nakontento sa pagiging mamamayang Romano, ay nakakuha pa nga ng prominenteng posisyon sa Timgad o sa iba pang kolonyang lunsod. Nagtagumpay ang tusong pakana ng mga Romano para makuha ang loob ng mga tagaroon. Makalipas lang ang mga 50 taon, halos puro mga taga-Hilagang Aprika na ang mga nakatira dito.
KUNG PAANO NANG-AKIT ANG ROMA
Pamilihan na may eleganteng mga kolonada
Bakit ganoon na lang kabilis nakaakit ng mga katutubo ang mga Romano? Itinaguyod kasi nila ang pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan
—isang prinsipyong itinuro ng estadistang Romano na si Cicero. Ang mga lupain ay hinati nang pantay-pantay sa mga Romanong beterano at sa mga katutubong Aprikano. Maayos ang pagkakaplano ng lunsod, ang mga lote ay 20 metro ang haba at 20 metro ang lapad na may mga iskinita sa pagitan. Tiyak na ang gayong pagkakapantay-pantay ang nakaakit nang husto sa mga tagaroon.Gaya ng sa maraming lunsod ng Roma, may mga plasa rito kung saan puwede silang magkita-kita tuwing araw ng palengke para makinig ng pinakabagong balita o maglaro. Tiyak na naguguniguni ng mga katutubo mula sa kalapít na tigang na kabundukan na sila ay naglalakad sa malililim na kolonada sa maalinsangang araw o nagrerelaks sa lagaslas ng tubig sa isa sa mga libreng paliguang pampubliko. Marahil naiisip na nilang nakaupo sila sa paligid ng mga bukál ng nakarerepreskong tubig habang nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan. Ang lahat ng ito ay parang panaginip lang sa kanila.
Isang stela sa libing na napapalamutian ng tatluhang diyos
Isa ring nakaakit sa mga tao ang teatro. Kasya rito ang mahigit 3,500 maiingay na tagapanood mula sa Timgad at sa kalapít na mga bayan. Sa entablado, iminulat ng mga aktor ang mga manonood na ito sa hilig ng mga Romano sa mahahalay na libangan. Ang mga dula ay kadalasan nang nagtatampok ng imoralidad o karahasan.
Nakaimpluwensiya rin ang relihiyong Romano. Ang mga sahig at dingding ng mga bahay-paliguan ay punong-puno ng makukulay na moseyk ng mitolohiyang pagano. Dahil araw-araw silang naliligo, unti-unting nakilala ng mga tagaroon ang mga diyos at relihiyon ng Roma. Napakaepektibo ng pagsisikap nila para tanggapin ng mga Aprikano ang kulturang Romano, anupat ang mga stela sa libing ay kadalasan nang napapalamutian ng tatluhang diyos ng mga katutubo at ng mga Romano.
NABAÓN SA LIMOT ANG MAGANDANG LUNSOD
Nang itatag ni Emperador Trajan ang lunsod noong 100 C.E., sinuportahan ng mga Romano ang produksiyon ng butil, langis ng olibo, at alak sa buong Hilagang Aprika. Di-nagtagal, ang rehiyon ay naging pangunahing tagasuplay nito sa buong imperyo. Tulad ng iba pang kolonya, umunlad ang Timgad sa ilalim ng pamamahala ng Roma. Sa kalaunan, dumami ang populasyon ng Timgad, at patuloy pang lumawak ang lunsod.
Yumaman ang mga nasa lunsod at ang mga may-ari ng lupain dahil sa pakikipagkalakalan sa Roma, pero hindi gaanong nakinabang ang lokal na mga magsasaka. Noong ikatlong siglo C.E., naghimagsik ang maliliit na magsasaka dahil sa kawalang-katarungan at napakabigat na buwis. Ang ilan sa kanila na naging Katoliko ay umanib sa mga Donatista—isang grupo ng nag-aangking mga Kristiyano na nag-alsa laban sa katiwalian sa loob ng Simbahang Katoliko.—Tingnan ang kahong “ Mga Donatista—Hindi ‘Tunay na Simbahan.’”
Matapos ang daan-daang taon ng relihiyosong alitan, gera sibil, at mararahas na pagsalakay, nawala ang impluwensiya ng sibilisasyong Romano sa Hilagang Aprika. Pagdating ng ikaanim na siglo C.E.,
sinunog ng mga tribong Arabe ang Timgad at nang maglaon, nabaón ito sa limot sa loob ng mahigit 1,000 taon.“IYAN ANG BUHAY!”
Isang inskripsiyong Latin na nasa plasa: “Pangangaso, paliligo, paglalaro, pagtawa—iyan ang buhay!”
Ang mga arkeologong humukay sa Timgad ay natuwa sa isang inskripsiyong Latin na nasa plasa: “Pangangaso, paliligo, paglalaro, pagtawa—iyan ang buhay!” Sinabi ng isang Pranses na istoryador na ito ay “nagpapahiwatig ng isang pilosopiya na mukhang kulang sa ambisyon, pero maituturing naman ng ilan na sekreto ng karunungan.”
Ang totoo, matagal nang gayon ang paraan ng pamumuhay ng mga Romano. May binanggit ang unang-siglong Kristiyano na si apostol Pablo na mga taong ang pilosopiya sa buhay ay “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” Bagaman relihiyoso sila, ang mga Romano ay mahilig sa kaluguran, na hindi iniintindi ang tunay na kahulugan at layunin ng buhay. Binabalaan ni Pablo ang kaniyang kapuwa mga Kristiyano na mag-ingat sa gayong mga tao sa pagsasabi: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:32, 33.
Bagaman nabuhay ang mga taga-Timgad mga 1,500 taon na ang nakalipas, hindi pa rin nagbago ang pananaw ng mga tao. Marami sa ngayon ang nabubuhay lang para sa kasalukuyan. Para sa kanila, makatuwiran ang pananaw ng mga Romano, anuman ang maging bunga nito. Gayunman, malinaw at makatotohanan ang sinasabi ng Bibliya: “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” Kaya hinihimok tayo nito na ‘huwag gamitin nang lubusan ang sanlibutan.’—1 Corinto 7:31.
Pinatutunayan ng mga guho ng Timgad na ang lihim ng isang maligaya at makabuluhang buhay ay hindi nakasalalay sa pagsunod sa inskripsiyong iyon na matagal nang nakabaón sa disyerto ng Hilagang Aprika. Sa halip, nakasalalay ito sa pagsunod sa paalaala ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.