Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Puwede bang mapatawad ang ating mga kasalanan?
Ayon sa Bibliya, ang lahat ng tao ay makasalanan. Minana natin sa unang taong si Adan ang tendensiyang magkasala. Kaya kung minsan, nakagagawa tayo ng masama na maaaring pagsisihan natin sa bandang huli. Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay namatay alang-alang sa atin bilang kabayaran sa ating mga kasalanan. Dahil sa kaniyang haing pantubos, naging posible ang kapatawaran. Isa itong regalo ng Diyos.—Basahin ang Roma 3:23, 24.
Ang ilan ay nakagagawa ng malulubhang kasalanan at nag-iisip kung mapatatawad pa kaya sila ng Diyos. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7) Handang patawarin ni Jehova kahit ang malulubhang kasalanan kung tayo ay tunay na nagsisisi.—Basahin ang Isaias 1:18.
Ano ang dapat nating gawin para mapatawad tayo?
Kung gusto nating mapatawad tayo ng Diyos na Jehova, kailangan natin siyang makilala—maunawaan ang kaniyang mga daan, payo, at mga kahilingan. (Juan 17:3) Lubusang pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisisi at nagsisikap magbago.—Basahin ang Gawa 3:19.
Hindi mahirap matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Nauunawaan ni Jehova ang ating mga kahinaan. Siya ay maawain at mabait. Hindi ka ba nauudyukan ng kaniyang maibiging-kabaitan na alamin kung paano mo siya mapasasaya?—Basahin ang Awit 103:13, 14.