Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Kasaysayan ay Hindi Nagsisinungaling”

“Ang Kasaysayan ay Hindi Nagsisinungaling”

Noong Hunyo 14, 2007, naglabas ang Estonian National Post Office ng isang espesyal na selyo na makikita sa kanan. Kasabay nito ang isang anunsiyo: “Ang subenir na ito ay inilabas bilang pag-alaala sa mga biktima ng paglipol ni Stalin sa mga taga-Estonia.” Sa pagitan ng 1941 at 1951, sampu-sampung libong taga-Estonia ang sapilitang ipinatapon.

“ANG kasaysayan ay hindi nagsisinungaling.” Iyan ay isang kilalang kasabihan sa Estonia, at may ganiyan ding mga kasabihan sa ibang mga lupain. Totoo, hindi natin mababago ang nakaraan, pero matututo tayo mula rito. Sinabi ng matalinong si Haring Solomon ng Israel: “Lahat ng ito’y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa daigdig, sa daigdig na itong ang iba’y may kapangyarihan, malulupit at ang maliliit ay api-apihan.”​—Mangangaral [o, Eclesiastes] 8:9, Magandang Balita Biblia.

Ang isang napakatibay na ebidensiya ng pananalitang iyan sa Bibliya ay nangyari sa Estonia at sa maraming iba pang bahagi ng Silangang Europa, mga ilang dekada na ang nakalilipas. Ang pamamahala ng tao ay nagdulot ng pagdurusa sa di-mabilang na inosenteng mga tao na sapilitang ipinatapon sa malalayong lugar o ibinilanggo sa mga labor camp.

Ayon sa mga lokal na istoryador, mahigit 46,000 sibilyan ang ipinatapon mula sa maliit na bansang iyan sa pagitan ng 1941 at 1951. Karamihan sa kanila ay pinuntirya dahil sa pulitika, nasyonalidad, o estado sa lipunan. Pero ang mga Saksi ni Jehova ay ipinatapon dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala.

Pag-atake sa mga Taong May Takot sa Diyos

Sa isang pag-aaral na inilathala ng Tartu University Press noong 2004, sinabi ng istoryador na si Aigi Rahi-Tamm: “Mula 1948 hanggang 1951, 72 Saksi ni Jehova, kasama na ang mga taong may kaugnayan sa kanila, ang inaresto. Pero isang mas malawakang pagpapatapon ang pinlano at isinagawa noong gabi ng Abril 1, 1951, hindi lang sa mga Estadong Baltic, kundi pati sa Moldova, kanlurang Ukraine, at Belorussia.”

Bago ang 1951, ang mga Saksi ni Jehova sa Estonia ay inaaresto, isinasailalim sa interogasyon at psychological pressure, at ibinibilanggo. Ang bagong kampanyang ito ng pagpapatapon ay lumilitaw na isang pagsisikap para tuluyan nang mawala ang mga Saksi ni Jehova sa Estonia.

Ang petsang Abril 1, 1951 ay makikita sa nabanggit na selyo. Ang bilang na 382 sa selyo ay tumutukoy sa bilang ng mga Saksi at mga anak nila na ipinatapon noong araw na iyon. Kasama rin sa bilang na iyan ang ilang kamag-anak at kapitbahay na hindi naman mga Saksi. Sa araw ginawa ang mga pag-aresto sa lahat ng lugar sa bansa. At nang gabing iyon, lahat ng inaresto​—bata at matanda​—ay isinakay sa mga panghayop na bagon ng mga tren na papuntang Siberia.

Si Ella Toom, * 25 taóng gulang noon, ay isang Saksi ni Jehova. Habang inaalaala ang isang tipikal na interogasyon, sinabi niya: “Sinubukan akong takutin ng isang opisyal at inutusang tumigil sa pangangaral. Minsan ay itinanong niya: ‘Gusto mo bang mabuhay? O gusto mong mamatay kasama ng Diyos mo sa mga parang ng Siberia?’ ” Pero nagpatuloy pa rin si Ella sa pangangaral ng mabuting balita. Ipinatapon siya sa Siberia at inilipat sa iba’t ibang labor camp sa loob ng halos anim na taon.

Ang isa sa daan-daang ipinatapon nang walang pagdinig sa korte ay ang Saksing si Hiisi Lember. Habang inaalaala ang mga pangyayari noong Abril 1, 1951, sinabi niya: “Bigla silang dumating noong gabi at inutusan kami: ‘Mayroon lang kayong kalahating oras para mag-impake!’ ” Sa kadiliman ng gabi, si Hiisi at ang kaniyang anim-na-taóng-gulang na anak na babae ay dinala sa istasyon ng tren. Ang kakarag-karag na tren ay tumitigil sa bawat istasyon para isakay ang mga Saksi. “Inilalagay kami sa panghayop na bagon. Buti na lang, nagyelo ang mga dumi ng hayop; kung hindi, tiyak na mahirap ang magiging kalagayan namin. Para kaming mga hayop.”

Nakaka-trauma ang dalawang-linggong biyaheng iyon. Punung-puno at marumi ang mga bagon. Bata at matanda ay inalisan ng dignidad. Ang ilan ay umiiyak at ayaw kumain. Pero ang mga Saksi ay nagtutulungan at kumakanta ng mga awitin ng papuri, at pinaghahati-hatian nila ang kanilang pagkain. Dinala sila sa kanilang destinasyon at sinabihang “one-way trip” lang ito.

Naalaala ni Hiisi ang nakaaantig na suporta ng kaniyang mga kapananampalataya: “Sa isang istasyon, tumigil ang tren namin sa tabi ng isa pang tren na mula sa Moldova. Isang lalaki ang narinig naming nagtanong kung sino kami at kung saan kami papunta. Sinabi naming hindi namin alam kung saan kami papunta at na kami ay mga Saksi ni Jehova mula sa Estonia. Narinig iyon ng mga Saksi sa tren na mula sa Moldova. Sa butas ng bagon, hinagisan nila kami ng isang malaking tinapay at ilang prunes.” Idinagdag pa niya: “Noon namin naisip na ang ipinatatapong mga Saksi ni Jehova ay mula pala sa lahat ng republika ng Unyong Sobyet!”

Ang magkapatid na sina Corinna at Ene ay dalawang kabataang Saksi na napawalay sa kanilang nanay nang mahigit anim na taon. Ang kanilang ina, na isa ring Saksi ni Jehova, ay mas naunang inaresto at dinala sa labor camp. At noong gabing iyon ng Abril, dinukot ang dalawang kabataang ito at isinakay sa bagon. Naalaala ni Corinna, “Sa tren, isang Saksi na may dalawang anak ang nagsabi na aalagaan kami at magsasama-sama kami bilang isang pamilya.”

Ano ang nangyari pagdating nila sa malamig na ilang ng Siberia? Makalipas lang ang isang araw, nagsimula na ang “bentahan ng mga alipin.” May dumating na mga lalaki mula sa kalapit na mga bukid para pumili ng mga trabahador. Naalaala ni Corinna: “Narinig namin na nagtatalu-talo sila: ‘May drayber ka na para sa traktora mo. Akin naman ’to,’ o, ‘Dalawa na ang kinuha kong matanda. Dapat kumuha ka rin ng matanda.’ ”

Matatapang na kabataan sina Corinna at Ene. Sinabi nila nang maglaon: “Miss na miss namin si Inay, lalo na ang mga yakap niya!” Sa kabila niyan, masayahin pa rin sila at nanatiling malapít sa Diyos. Sinabi pa ni Corinna: “Mabuti na rin ang nangyari dahil hindi nakita ni Inay na kung minsan ay kailangan naming magtrabaho sa labas kahit sobrang lamig at walang suot na makakapal na damit.”

Tiyak na maraming inosenteng tao mula sa Estonia at sa ibang lugar ang nakaranas ng sobrang kawalang-katarungan, at kabilang diyan ang mga Saksi ni Jehova. (Tingnan ang kahong “Binalot ng Takot.”) Sa kabila ng kanilang mga naranasan, ang mga Saksi ni Jehova sa Estonia ay aktibo pa rin at masaya.

Isang Magandang Kinabukasan

Tinitiyak ng Bibliya na kinapopootan ng Diyos na Jehova ang kawalang-katarungan. Sinasabi nito: “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito, ang bawat gumagawa ng kawalang-katarungan, ay karima-rimarim kay Jehova na iyong Diyos.” (Deuteronomio 25:16) Kahit na pinalampas noon ng Diyos ang sobrang kasamaan, darating ang panahon na tutuldukan niya ito, pati na ang kawalang-katarungan. “Kaunting panahon na lamang,” ang sabi ng salmista, “at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:10, 11.

Oo, isang magandang kinabukasan ang naghihintay sa atin! Hindi natin mababago ang nakaraan, pero may magagawa naman tayo sa ngayon para magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap. Maging malapít sa Diyos at tingnan kung paano ka magiging bahagi ng isang kamangha-manghang kinabukasan kapag nanaig na ang tunay na katuwiran.​—Isaias 11:9.

^ par. 10 Ang talambuhay ni Ella Toom ay mababasa sa magasing Gumising!, isyu ng Abril 2006, pahina 20-24.