Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Nangangahulugan ng Buhay na Walang Hanggan”

“Nangangahulugan ng Buhay na Walang Hanggan”

“Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—JUAN 17:3.

ANG kaalaman ay nakapagliligtas-buhay. Nang magkasakit ang sampung-buwan na si Nouhou, agad siyang pinainom ng kaniyang ina, isang community health worker, ng malinis na tubig na may asukal at asin. Ayon sa UNICEF, dahil sa “mabilis na pagkilos [ng kaniyang ina] at kaalaman sa pangangalaga sa kalusugan, gumaling agad [si Nouhou].”

Ang kaalaman mula sa Bibliya ay nakapagliligtas-buhay rin. Sinabi ni Moises: “Hindi ito walang-kabuluhang salita para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay, at sa pamamagitan ng salitang ito ay mapahahaba ninyo ang inyong mga araw.” (Deuteronomio 32:47) Talaga bang mapahahaba ng Bibliya ang buhay mo? Bakit ito nangangahulugan ng ating buhay?

Sa naunang limang artikulo, nakita natin na ang Bibliya ay talagang natatangi dahil natutupad ang mga hula nito, kaayon ito ng kasaysayan at siyensiya, magkakatugma ang mga aklat nito, at praktikal ang mga payo nito. Kaya kung sinasabi ng Bibliya na aakayin ka nito sa mas mahabang buhay​—buhay na walang hanggan​—hindi ba dapat lang na isaalang-alang mo itong mabuti?

Hinihimok ka naming pag-aralan kung paanong ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ay makapagdudulot ng kapayapaan ng isip sa ngayon at kaligayahan sa hinaharap. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang magkaroon ng gayong kaalaman.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Ang Bibliya ay natatangi rin dahil ito lang ang may kasiya-siyang sagot sa mga tanong na:

• Bakit tayo naririto?

• Bakit napakaraming pagdurusa?

• May pag-asa ba ang mga namatay kong mahal sa buhay?

Ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na iyan ay nasa aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.