Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MULA SA AMING ARCHIVE

“Isang Napakahalagang Panahon”

“Isang Napakahalagang Panahon”

NOONG 1870, isang maliit na grupo sa Pittsburgh (Allegheny), Pennsylvania, E.U.A., ang nagsimulang magsaliksik sa Kasulatan. Sa pangunguna ni Charles Taze Russell, pinag-aralan nila ang tungkol sa pantubos ni Kristo at di-nagtagal, naunawaan nila ang mahalagang papel nito sa layunin ni Jehova. Masayang-masaya sila nang malaman nilang dahil sa pantubos ay nabuksan ang daan tungo sa kaligtasan, kahit para sa mga hindi pa nakaaalam tungkol kay Jesus! Bilang pasasalamat, naudyukan silang gunitain taon-taon ang kamatayan ni Jesus bilang pag-alaala sa kaniya.—1 Cor. 11:23-26.

Sinimulang ilathala ni Brother Russell ang Zion’s Watch Tower, na nagtaguyod ng doktrina ng pantubos bilang pangunahing kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos. Tinawag ng Watch Tower na “isang napakahalagang panahon” ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo at hinimok ang mga mambabasa nito na alalahanin iyon sa Pittsburgh o sa iba pang lugar bilang pribadong grupo. “Kahit dalawa o tatlo lang na magkakapananampalataya”—o isa lang—‘mapapasagitna nila ang Panginoon.’

Taon-taon, parami nang parami ang pumupunta sa Pittsburgh para sa Memoryal. “Malugod kayong tatanggapin dito,” ang sabi sa imbitasyon. Totoo naman, pinatuloy at pinakain ng mga Estudyante ng Bibliya sa Pittsburgh ang kanilang espirituwal na mga kapatid. Noong 1886, isang “Malaking Pagtitipon” ang ginanap sa loob ng ilang araw pagkatapos ng Memoryal. “Pumunta kayo,” ang paghimok ng Watch Tower, “taglay ang inyong pusong nag-uumapaw sa pag-ibig sa Panginoon at sa kaniyang mga kapatid at sa kaniyang katotohanan.”

Chart ng pagpapasa ng mga emblema sa Memoryal sa London Tabernacle

Sa loob ng maraming taon, ang mga Estudyante ng Bibliya sa Pittsburgh ay nagsaayos ng mga kombensiyon para sa mga naniniwala sa pantubos na dumadalo ng Memoryal doon. Habang dumarami ang mga Estudyante ng Bibliya, dumarami rin ang dumadalo sa Memoryal pati na ang bilang ng pagdaraos nito sa buong mundo. Naaalala pa ni Ray Bopp ng iglesya (kongregasyon) ng Chicago na noong dekada ng 1910, inabot ng ilang oras ang pagpapasa ng mga emblema sa daan-daang dumalo dahil halos lahat ay nakibahagi.

Anong mga emblema ang ginamit? Bagaman binanggit ng Watch Tower na gumamit ng alak si Jesus noong Hapunan ng Panginoon, sa loob ng ilang panahon ay inirekomenda nito ang paggamit ng katas ng sariwang ubas o nilutong pasas para huwag matukso ang “mahihina sa laman.” Pero may alak ding inilaan para sa mga nakadaramang “pinakasim na alak ang dapat gamitin.” Nang maglaon, naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na purong pulang alak ang angkop na sumagisag sa dugo ni Jesus.

Ang papel at lapis na ito ay ipinasa sa mga selda para irekord kung ilan ang dumalo sa Memoryal sa isang bilangguan sa Nicaragua

Ang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus ay isang pagkakataon para sa pagbubulay-bulay. Pero sa ilang kongregasyon, masyadong nababagbag ang mga kapatid, kaya pagkatapos ng programa, ang lahat ay umuuwing halos walang imik. Sinabi ng 1934 na aklat na Jehovah na ang Memoryal ay dapat idaos, hindi “nang may pagdadalamhati” dahil sa masakit na kamatayan ni Jesus, kundi “nang may kagalakan” dahil namamahala na siya bilang Hari mula noong 1914.

Mga kapatid na nagtipon sa labor camp sa Mordvinia, Russia, para ipagdiwang ang Memoryal noong 1957

Noong 1935, isang malaking pagbabago ang naganap na nakaapekto sa pagdiriwang ng Memoryal. Ang kahulugan ng “lubhang karamihan” (King James), o “malaking pulutong,” sa Apocalipsis 7:9 ay nilinaw. Bago nito, itinuturing ng mga lingkod ni Jehova ang grupong ito bilang nakaalay na mga Kristiyano na di-gaanong masigasig. Ngayon, ang malaking pulutong na ito ay ipinakilala bilang tapat na mga mananamba na umaasang mabubuhay sa paraisong lupa. Pagkatapos ng paglilinaw na ito at ng pagsusuri sa sarili, sinabi ni Russell Poggensee: “Ang makalangit na pag-asa ay hindi pinukaw sa akin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.” Si Brother Poggensee—at ang maraming tapat na gaya niya—ay hindi na nakibahagi sa mga emblema pero patuloy pa ring dumalo sa Memoryal.

Sa “napakahalagang panahon” na iyon, ang espesyal na mga kampanya ng pangangaral ay nagbigay ng pagkakataon sa lahat na maipakita ang pagpapahalaga sa pantubos. Sa isang isyu ng Bulletin noong 1932, hinimok ang mga Kristiyano na huwag maging “mga banal ng Memoryal,” mga nakikibahagi sa emblema pero hindi “aktuwal na mga manggagawa,” na nangangaral ng mensahe ng katotohanan. Noong 1934, ang Bulletin ay nanawagan ng “auxiliaries”: “May 1,000 kayang magpapatala sa panahon ng Memoryal?” Tungkol sa mga pinahiran, sinabi ng Informant: “Malulubos lang ang kagalakan nila kung makikibahagi sila sa pagpapatotoo tungkol sa Kaharian.” Sa kalaunan, magiging totoo rin ito sa mga may makalupang pag-asa. *

Habang nakabartolina, sumulat si Harold King ng mga tula at awitin tungkol sa Memoryal

Para sa lahat ng lingkod ni Jehova, ang Memoryal ang pinakasagradong gabi ng taon. Ipinagdiriwang nila ito kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Noong 1930, si Pearl English at ang kapatid niyang babae na si Ora, ay naglakad ng mga 80 kilometro para makadalo sa Memoryal. Habang nakabartolina naman sa isang bilangguan sa China ang misyonerong si Harold King, sumulat siya ng mga tula at awitin tungkol sa Memoryal at gumawa ng mga emblema mula sa black currant at kanin. Mula sa Silangang Europa hanggang sa Sentral Amerika at maging hanggang sa Aprika, ang matatapang na mga Kristiyano ay hindi nahadlangan ng mga digmaan o mga pagbabawal sa patuloy na pag-alaala sa kamatayan ni Jesus. Nasaan man tayo o anuman ang kalagayan natin, nagtitipon tayo sa napakahalagang panahon ng Memoryal para parangalan ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.

^ par. 10 Ang Bulletin nang maglaon ay tinawag na Informant, at ngayon ay Ating Ministeryo sa Kaharian.