MULA SA AMING ARCHIVE
Ika-100 Taon ng Obra Maestra ng Pananampalataya
“Mas mukhang Brother Russell iyan kaysa kay Brother Russell mismo!”
—Isang manonood ng “Photo-Drama” noong 1914.
ANG taóng ito ang ika-100 anibersaryo ng “Photo-Drama of Creation,” isang obra maestrang panoorin na dinisenyo para magpatibay ng pananampalataya sa Bibliya bilang Salita ng Diyos. Sa panahong gumuho na ang pananampalataya ng marami dahil sa ebolusyon, mapanuring kritisismo, at pag-aalinlangan, itinampok ng “Photo-Drama” si Jehova bilang ang Maylalang.
Si Charles T. Russell, na nangunguna noon sa mga Estudyante ng Bibliya, ay patuloy na humahanap ng pinakamabisa at pinakamabilis na mga paraan para maipalaganap ang mga katotohanan sa Bibliya. Mahigit tatlong dekada na silang gumagamit noon ng mga nakaimprentang literatura. Pero isang bagong paraan ang nakatawag ng kanilang pansin
PAG-EEBANGHELYO GAMIT ANG PELIKULA
Ipinakilala sa publiko ang mga silent motion picture noong dekada ng 1890. Pagsapit ng 1903, nakapagpalabas na ng isang relihiyosong pelikula sa isang kapilya sa New York City. Kaya hindi pa gaanong nagtatagal ang industriya ng pelikula noong 1912 nang lakas-loob na simulan ni Russell ang paghahanda ng “Photo-Drama.” Naisip niyang maihahatid nito ang mga katotohanan sa Bibliya sa paraang hindi magagawa ng inimprentang literatura.
Ang walong-oras na “Photo-Drama,” na karaniwang ipinapalabas sa apat na bahagi, ay may 96 na maiikling nakarekord na lektyur sa Bibliya na binigkas ng isang tagapagsalita na kilalang-kilala noon ang boses. Maraming eksena ang nilapatan ng klasikong musika. Gamit ang ponograpo, ang mga rekording ng boses at musika ay pinatutugtog at isinasabay ng bihasang mga opereytor sa makukulay na slide at isinadulang mga kuwento sa Bibliya.
“Ipinakita nito ang mga pangyayari mula sa paglalang ng mga bituin hanggang sa maluwalhating pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.”
—F. Stuart Barnes, 14 anyos noong 1914
Marami sa mga film footage at glass slide ay mula sa mga commercial studio. Ang mga slide at film ay isa-isa at manu-manong pinintahan ng propesyonal na mga artist sa Philadelphia, New York, Paris, at London. Ang mga nagtatrabaho sa Art Room ng Bethel ay tumulong din sa pagpipinta at kadalasa’y gumagawa ng kapalit ng mga nasirang slide. Bukod sa mga biniling film footage, may mga Bethelite din na kinunan sa kalapit na Yonkers, New York, habang gumaganap sa papel nina Abraham, Isaac, at ng anghel na pumigil kay Abraham sa paghahandog sa kaniyang anak.
Isang kasamahan ni Brother Russell ang nagsabi sa press na sa paraang ito, ‘libu-libo ang magiging interesado sa Kasulatan, higit sa anumang nagawa na para sa relihiyosong pagsulong.’ Natuwa ba ang mga klero sa pagsisikap na ito na maabot ang mga nagugutom sa espirituwal? Sa kabaligtaran, tinuligsa ng karamihan sa mga ministro ng Sangkakristiyanuhan ang “Photo-Drama,” at ang iba ay gumamit pa nga ng tuso o lantarang pakana para hindi ito mapanood ng mga tao. Sa isang venue, ipinaputol ng samahan ng mga ministro ang kuryente.
Pero dinagsa pa rin ng mga manonood ang mga teatro kung saan ipinapalabas nang libre ang “Photo-Drama.” Sa Estados Unidos, hanggang 80 lunsod araw-araw ang nagpapalabas nito. Marami ang namangha dahil noon lang sila nakapanood ng ‘pelikulang may nagsasalita.’ Sa pamamagitan ng time-lapse photography, napanood nila ang unti-unting paglabas ng sisiw mula sa shell at ang magandang pagbuka ng bulaklak. Itinampok ng mga impormasyon tungkol sa siyensiya ang kahanga-hangang karunungan ni Jehova. Gaya ng binanggit sa pasimula, nang lumabas si Brother Russell sa screen para ipakilala ang “Photo-Drama,” inisip ng isang manonood na ang nagsasalita ay ‘mas mukhang Brother Russell kaysa kay Brother Russell mismo!’
MAHALAGANG PANGYAYARI SA KASAYSAYAN NG PAGTUTURO NG BIBLIYA
Inilarawan ng awtor at film historian na si Tim Dirks ang “Photo-Drama” bilang “ang unang malaking screenplay kung saan pinagsama-sama ang sound (nakarekord na boses), film, at makukulay na magic lantern slide.” Bago nito, ang mga pelikula ay gumagamit na rin ng ilan sa mga teknik na ito pero hindi sama-sama sa iisang palabas, partikular na kung tungkol sa Bibliya. At di-hamak na mas marami ang nanood ng “Photo-Drama”
Unang ipinalabas ang “Photo-Drama” noong Enero 11, 1914, sa New York City. Pagkaraan ng pitong buwan, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Pero patuloy pa ring pinanood ng mga tao sa buong daigdig ang “Photo-Drama,” na nagbigay sa kanila ng kaaliwan dahil sa ipinakikita nitong mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap. Para sa taóng 1914, ang “Photo-Drama” ay talagang isang kahanga-hangang palabas.