Si Jehova ang ‘Araw-araw na Nagdadala ng Pasan Para sa Akin’
Sa kabila ng mabibigat na problema sa kalusugan na parang hindi ko makakayanan, nadama ko ang maibiging pag-alalay ng ating Ama sa langit. At sa loob ng mahigit 20 taon, maligaya akong naglilingkod kay Jehova bilang payunir.
Isinilang ako noong 1956 na may spina bifida, ibig sabihin, hindi lubusang nagsara ang neural tube sa gulugod ko. Dahil dito, hindi ako makalakad nang maayos at nagkaroon ako ng iba pang malulubhang problema sa kalusugan.
Hindi pa ako naisisilang nang maging Bible study ng mga misyonerong Saksi ni Jehova ang mga magulang ko. Noong bata pa ako, iilan lang ang mamamahayag sa bayan namin, sa Usakos, Namibia. Kaya naman pinag-aaralan na lang namin bilang pamilya ang mga materyal para sa pulong. Sa edad na pito, kinailangan kong magpa-urostomy—gumawa ng artipisyal na butas sa katawan ko para makaihi ako. Pagtuntong ko sa edad na 14, nagka-epilepsy naman ako. Mas kinailangan ko ang espesyal na pangangalaga ng mga magulang ko at dahil malayo ang pinakamalapit na high school, hindi ako nakatapos sa pag-aaral.
Pero pinatibay ko ang aking kaugnayan sa Diyos na Jehova. Dahil marami sa mga publikasyon natin ang wala sa wikang Afrikaans, natuto akong magbasa ng Ingles para mapag-aralan ang ibang mga aklat natin. Naging mamamahayag ako at nabautismuhan sa edad na 19. Noong sumunod na apat na taon, patung-patong ang naging problema ko sa kalusugan at sa emosyon. Isa pa, dahil halos magkakakilala kami sa bayan namin, nahihiya akong mangaral kaya hindi ako naging masigasig sa ministeryo.
Noong mahigit 20 anyos na ako, lumipat kami sa South Africa. Sa wakas, naging bahagi na ako ng isang kongregasyon! Kaya lang, kinailangan ko uling magpaopera—colostomy naman ngayon.
Minsan, isang tagapangasiwa ng sirkito ang nagpahayag tungkol sa pagpapayunir. Tumagos sa puso ko ang mga sinabi niya. Alam ko namang mahina ang aking kalusugan, pero nakita ko kung paano ako inalalayan ni Jehova sa mga pinagdaanan ko. Kaya nag-aplay ako bilang regular pioneer. Pero dahil sa kalagayan ko, nagdalawang-isip ang mga elder na aprobahan ang aplikasyon ko.
Nagpursigi pa rin ako sa pangangaral. Sa tulong ni Inay at ng iba pa, naabot ko ang kahilingang oras para sa mga payunir sa loob ng anim na buwan. Nakita rito ang determinasyon kong magpayunir at na hindi naman sagabal ang kalusugan ko. Nag-aplay ako uli, at sa wakas, naaprobahan ito! Noong Setyembre 1, 1988, naging regular pioneer ako.
Bilang payunir, damang-dama ko na lagi akong inaalalayan ni Jehova. Ang pagtuturo ng katotohanan sa iba, sa halip na magpokus sa sitwasyon ko, ay nagsilbing proteksiyon sa akin at nagpatibay sa kaugnayan ko kay Jehova. Napakasaya ko dahil may mga natulungan akong mag-alay at magpabautismo.
Sakitin pa rin ako. Pero si Jehova ang ‘araw-araw na nagdadala ng pasan para sa akin.’ (Awit 68:19) Hindi lang niya ako tinutulungang makayanan ang mga pinagdaraanan ko; ipinadarama din niya sa akin na masarap mabuhay!