Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MULA SA AMING ARCHIVE

Nagustuhan Iyon ng Hari!

Nagustuhan Iyon ng Hari!

AGOSTO 1936 noon, sa Swaziland Royal Kraal. Mula sa sound car, katatapos lang magpatugtog nina Robert at George Nisbet ng mga rekording ng musika at mga pahayag ni Brother J. F. Rutherford. Nagustuhan iyon ni Haring Sobhuza II. Sinabi ni George: “Gusto niyang bilhin ang transcription machine, mga rekording, at ang loudspeaker!”

Nahihiyang sinabi ni Robert na hindi ipinagbibili ang mga iyon. Bakit? Dahil pag-aari na ito ng iba. Nagtanong ang Hari kung kanino ang mga iyon.

Sumagot si Robert, “Sa isa ring Hari.” Itinanong ni Sobhuza kung sinong Hari. “Si Jesu-Kristo, ang Hari ng Kaharian ng Diyos,” ang sabi ni Robert.

“Ah, isa siyang dakilang Hari,” ang sabi ni Sobhuza. “Ayokong agawin ang anumang pag-aari niya.”

Isinulat ni Robert: ‘Hangang-hanga ako sa ugali ng Pinakamataas na Pinuno, si Haring Sobhuza. Mahusay siyang mag-Ingles pero hindi mayabang; prangka siya pero hindi ka mahihiyang lumapit sa kaniya. Mga 45 minuto kaming nag-usap sa opisina niya, habang si George naman ay nagpapatugtog ng musika sa labas.

‘Nang araw ding iyon,’ ang sabi ni Robert, ‘nagpunta kami sa The Swazi National School at napakaganda ng naging karanasan namin. Nagpatotoo kami sa prinsipal, at nakinig naman siya. Nang banggitin namin ang tungkol sa transcription machine at ang pagpapatugtog ng mga rekording para mapakinggan ng buong paaralan, natuwa siya at ipinatawag ang halos isang daang estudyante para umupo sa damuhan at makinig. Sinabi sa amin na ang paaralan ay nagtuturo sa mga batang lalaki ng agrikultura, paghahalaman, pagkakarpintero, pagtatayo, Ingles, at aritmetika; ang mga batang babae naman ay tinuturuan ng pag-aalaga sa maysakit, mga gawaing-bahay, at iba pang kapaki-pakinabang na gawain.’ Ang lola ng hari ang nagtatag ng paaralan. *

Mga estudyante ng high school na nakinig sa isang pahayag sa Swaziland noong 1936

Noong 1933 pa lang, nakikinig na si Haring Sobhuza sa mga payunir na dumadalaw sa Royal Kraal. Minsan, ipinatawag pa  nga niya ang kaniyang 100 mandirigmang bodyguard para makinig sa mga rekording ng mensahe ng Kaharian. Kumuha siya ng suskripsiyon ng ating mga magasin at tumanggap ng iba pang literatura. Kaya nagkaroon siya ng halos lahat ng literatura ng mga Saksi! At iningatan niya ito kahit ipinagbawal ng gobyerno sa ilalim ng Britanya ang ating mga literatura noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Patuloy na tinanggap ni Haring Sobhuza II ang mga Saksi sa Royal Kraal sa Lobamba; nag-iimbita pa nga siya ng mga klerigo para makinig ng mga pahayag mula sa Bibliya. Minsan, habang tinatalakay ng Saksing si Helvie Mashazi ang Mateo kabanata 23, isang grupo ng klerigo ang galít na nagtayuan at pilit siyang pinauupo. Pero nakialam ang Hari, at sinabi kay Brother Mashazi na magpatuloy. Sinabi pa ng Hari sa mga nakikinig na isulat ang lahat ng teksto sa pahayag!

Minsan naman, matapos makinig sa pahayag ng isang payunir na brother, apat na klerigo ang nagsabi: “Hindi na kami mga klerigo; mga Saksi ni Jehova na kami.” Pagkatapos, tinanong nila ang payunir kung mayroon itong mga aklat na gaya ng kay Haring Sobhuza.

Mula noong dekada ng 1930 hanggang sa mamatay si Haring Sobhuza noong 1982, iginalang niya ang mga Saksi ni Jehova at hindi hinayaang pag-usigin sila dahil sa pagtangging magsagawa ng mga ritwal ng mga Swazi. Kaya malaki ang pasasalamat ng mga Saksi sa kaniya, at talagang ikinalungkot nila ang pagkamatay niya.

Pagsapit ng 2013, mahigit 3,000 na ang tagapaghayag ng Kaharian sa Swaziland. Dahil mahigit isang milyon lang ang populasyon ng bansa, ito ay may ratio na isang mamamahayag sa bawat 384 na residente. Mahigit 260 payunir ang abalang naglilingkod sa 90 kongregasyon, at 7,496 ang dumalo sa Memoryal noong 2012. Kaya malaki ang potensiyal ng pagsulong sa bansa. Talagang isang matibay na pundasyon ang nailatag ng mga pagdalaw sa Swaziland noong dekada ng 1930.—Mula sa aming archive sa Timog Aprika.

^ par. 8 The Golden Age, June 30, 1937, pahina 629.