Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isaalang-alang ang Uri ng Pagkatao na Nararapat sa Iyo

Isaalang-alang ang Uri ng Pagkatao na Nararapat sa Iyo

“Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon!”—2 PED. 3:11.

1, 2. Ano ang kailangan nating gawin para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos?

PARA sa marami, mahalaga kung ano ang tingin sa kanila ng ibang tao. Pero bilang mga Kristiyano, hindi ba’t mas mahalagang isipin kung ano ang tingin ni Jehova sa atin? Tutal, siya ang pinakadakilang Persona sa uniberso, at nasa kaniya “ang bukal ng buhay.”—Awit 36:9.

2 Ipinaliwanag ni apostol Pedro na para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan nating magpakita ng “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (Basahin ang 2 Pedro 3:11.) Para maging banal ang ating paggawi, dapat tayong mamuhay nang malinis sa moral, mental, at espirituwal. Bukod diyan, dapat tayong magpakita ng “mga gawa ng makadiyos na debosyon” na udyok ng matinding pag-ibig at paggalang sa Diyos. Kaya mahalaga sa Diyos hindi lang ang ating paggawi, kundi pati ang ating saloobin tungkol sa kaniya. Yamang si Jehova ang “tagasuri ng puso,” alam niya kung banal ang ating mga paggawi at kung siya lang ang pinag-uukulan natin ng debosyon.—1 Cro. 29:17.

3. May kinalaman sa kaugnayan natin sa Diyos, ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?

3 Ayaw ni Satanas na Diyablo na makamit natin ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa katunayan, ginagawa niya ang lahat para masira ang kaugnayan natin kay Jehova. Hindi siya nangingiming magsinungaling at manlinlang para pahintuin tayo sa pagsamba sa Diyos. (Juan 8:44; 2 Cor. 11:13-15) Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Paano dinadaya ni Satanas ang mga tao? Paano ko maiingatan ang kaugnayan ko kay Jehova?’

PAANO DINADAYA NI SATANAS ANG MGA TAO?

4. Ano ang pinupuntirya ni Satanas para sirain ang ating kaugnayan sa Diyos, at bakit?

4 “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at  naaakit ng sarili niyang pagnanasa,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. “Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (Sant. 1:14, 15) Para sirain ang ating kaugnayan sa Diyos, pinupuntirya ni Satanas ang pinagmumulan ng ating mga pagnanasa—ang puso.

5, 6. (a) Paano pinupuntirya ni Satanas ang ating puso? (b) Anong mga pang-akit ang ginagamit ni Satanas para tubuan ng maling hangarin ang ating puso? Gaano na siya kahusay sa paggamit ng mga ito?

5 Paano pinupuntirya ni Satanas ang ating puso? “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 5:19) Kabilang sa mga ginagamit ni Satanas “ang mga bagay . . . na nasa sanlibutan.” (Basahin ang 1 Juan 2:15, 16.) Sa loob ng libu-libong taon, may-katusuhang dinisenyo ng Diyablo ang ating kapaligiran para dayain ang tao. Yamang nabubuhay tayo sa sanlibutang ito, kailangan nating magbantay laban sa kaniyang mga tusong pakana.—Juan 17:15.

6 Gumagawa si Satanas ng mga paraan para tubuan ng maling hangarin ang puso. Tinukoy ni apostol Juan ang tatlong ‘bagay sa sanlibutan’ na ginagamit ni Satanas: (1) “pagnanasa ng laman,” (2) “pagnanasa ng mga mata,” at (3) “pagpaparangya ng kabuhayan.” Ginamit ni Satanas ang mga ito para tuksuhin si Jesus sa ilang. Dahil sa sobrang tagal na niyang ginagamit ang mga pang-akit na ito, alam na alam ni Satanas kung alin ang epektibong gamitin sa bawat indibiduwal. Bago natin talakayin kung paano natin maiingatan ang ating sarili mula sa mga ito, tingnan muna natin kung paanong ang mga pang-akit na ito ng Diyablo ay nagtagumpay kay Eva pero hindi sa Anak ng Diyos.

“PAGNANASA NG LAMAN”

“Pagnanasa ng laman” ang nagpahamak kay Eva (Tingnan ang parapo 7)

7. Paano ginamit ni Satanas ang “pagnanasa ng laman” para tuksuhin si Eva?

7 Lahat ng tao ay kailangang kumain para mabuhay. Dinisenyo ng Maylalang ang lupa para maglaan ng saganang pagkain. Pero posibleng gamitin ni Satanas ang ating likas na hangaring kumain para suwayin natin ang kalooban ng Diyos. Pansinin kung paano niya ito ginawa kay Eva. (Basahin ang Genesis 3:1-6.) Sinabi ni Satanas kay Eva na hindi siya mamamatay kahit kumain siya ng bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” at na sa araw na kainin niya ito, siya ay magiging tulad ng Diyos. (Gen. 2:9) Pinapaniwala ng Diyablo si Eva na hindi siya kailangang maging masunurin sa Diyos para mabuhay. Napakalaking kasinungalingan! Nang maitanim na sa isip ni Eva ang ideyang iyon, dalawa ang puwede niyang pagpilian: tanggihan ang ideyang iyon, o isip-isipin ito at hayaang sumidhi ang paghahangad niya sa bunga. Kahit puwede namang kumain si Eva ng bunga ng lahat ng iba pang puno, pinili niyang isip-isipin ang sinabi ni Satanas may kinalaman sa puno na nasa gitna ng hardin, at  siya ay “nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon.” Kaya naipasok ni Satanas sa puso ni Eva ang pagnanasa sa isang bagay na ipinagbabawal ng Maylalang.

Nanatiling nakapokus si Jesus sa kabila ng mga tuksong iniharap sa kaniya (Tingnan ang parapo 8)

8. Paano ginamit ni Satanas ang “pagnanasa ng laman” para tuksuhin si Jesus? Bakit hindi ito nagtagumpay?

8 Ginamit din ni Satanas kay Jesus ang ganitong pang-akit. Noong nasa ilang si Jesus at 40 araw at 40 gabi nang hindi kumakain, sinamantala ni Satanas ang sitwasyon para tuksuhin siya. “Kung ikaw ay anak ng Diyos,” ang sabi ni Satanas, “sabihin mo sa batong ito na maging tinapay.” (Luc. 4:1-3) May dalawang pagpipilian si Jesus: Gamitin ang kaniyang kapangyarihan para masapatan ang pangangailangan niyang kumain, o huwag gamitin iyon. Alam ni Jesus na hindi niya dapat gamitin ang kaniyang kapangyarihan para sa makasariling layunin. Bagaman nagugutom siya, hindi niya inuna ang pagkain dahil mas mahalaga sa kaniya ang kaugnayan niya sa Diyos. “Nasusulat,” ang sagot ni Jesus, “‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’”—Mat. 4:4.

“PAGNANASA NG MGA MATA”

9. Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang ang “pagnanasa ng mga mata”? Paano ito ginamit ni Satanas kay Eva?

9 Ang isa pang pang-akit ni Satanas na binanggit ni Juan ay ang “pagnanasa ng mga mata.” Ipinahihiwatig ng pananalitang ito na nagsisimula ang pagnanasa sa isang bagay habang tinitingnan natin ito. Ginamit ito ni Satanas kay Eva, sa pagsasabi: “Madidilat nga ang inyong mga mata.” Habang tinititigan ni Eva ang ipinagbabawal na bunga, lalo itong nagiging kaakit-akit sa kaniya. Nakita ni Eva na ang puno ay “kapana-panabik sa mga mata.”

10. Paano ginamit ni Satanas ang “pagnanasa ng mga mata” para tuksuhin si Jesus? Paano tumugon si Jesus?

10 Paano ginamit ni Satanas ang “pagnanasa ng mga mata” para tuksuhin si Jesus? “Ipinakita [ni Satanas kay Jesus] ang lahat ng mga kaharian ng tinatahanang lupa sa isang saglit ng panahon; at sinabi sa kaniya ng Diyablo: ‘Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila.’” (Luc. 4:5, 6) Hindi aktuwal na nakita ni Jesus ang lahat ng kaharian sa lupa, pero malamang na inisip ni Satanas na kung makikita ni Jesus sa pangitain ang kaluwalhatian ng mga ito, maaakit si Jesus sa kaniyang nakita. Tahasang sinabi ni Satanas: “Kung gagawa ka ng isang gawang pagsamba sa harap ko ay magiging iyong lahat ito.” (Luc. 4:7) Hinding-hindi papayag si Jesus na magpaimpluwensiya kay Satanas. Mabilis na tumugon si Jesus: “Nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’”—Luc. 4:8.

“PAGPAPARANGYA NG KABUHAYAN”

11. Paano nilinlang ni Satanas si Eva?

11 Binanggit din ni Juan ang “pagpaparangya ng kabuhayan.” Noong sina Adan  at Eva pa lang ang tao sa lupa, hindi sila posibleng ‘magparangya ng kabuhayan,’ o magyabang, sa ibang tao. Pero kinakitaan sila ng pagiging mapagmataas. Nang tuksuhin ni Satanas si Eva, pinapaniwala niya ito na may magandang bagay na ipinagkakait ang Diyos sa kaniya. Sinabi ng Diyablo na sa araw na kumain si Eva mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” siya ay “magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Gen. 2:17; 3:5) Pinalabas ni Satanas na puwedeng mabuhay si Eva nang hiwalay kay Jehova. Lumilitaw na pagiging mapagmataas ang isang dahilan kung kaya naniwala si Eva sa kasinungalingang iyon. Kinain niya ang ipinagbabawal na bunga sa pag-aakalang hindi siya mamamatay. Maling-mali siya!

12. Ano ang isa pang ginamit ni Satanas para tuksuhin si Jesus? Paano tumugon si Jesus?

12 Di-gaya ni Eva, napakahusay na halimbawa ni Jesus sa pagiging mapagpakumbaba! Tinukso siya ni Satanas na gumawa ng isang bagay na kahanga-hanga pero maglalagay sa Diyos sa pagsubok. Matatag na tumanggi si Jesus dahil ang gayong pagkilos ay pagmamataas! Kaya malinaw at tuwiran ang sagot ni Jesus: “Sinasabi, ‘Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova na iyong Diyos.’”—Basahin ang Lucas 4:9-12.

PAANO NATIN MAIINGATAN ANG ATING KAUGNAYAN KAY JEHOVA?

13, 14. Ipaliwanag kung paano gumagamit si Satanas ng mga pang-akit sa ngayon.

13 Sa ngayon, gumagamit si Satanas ng mga pang-akit na katulad ng ginamit niya kay Eva at kay Jesus. Pinupukaw ng Diyablo ang “pagnanasa ng laman” para tuksuhin ang mga tao na gumawa ng imoralidad at magmalabis sa pagkain at pag-inom. Ginagamit niya ang pornograpya, lalo na sa Internet, para pukawin ang “pagnanasa ng mga mata.” At ginagamit niya ang hilig na ‘magparangya ng kabuhayan’ para maging mapagmalaki ang mga tao at maghangad ng kapangyarihan, katanyagan, at maraming materyal na pag-aari.

Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat mong maalala sa ganitong mga sitwasyon? (Tingnan ang parapo 13, 14)

14 ‘Ang mga bagay na nasa sanlibutan’ ay parang mga pain ng mangingisda. Nakakaakit sa isda ang pain, pero isang kawil ang nasa loob nito. Ginagamit ni Satanas ang itinuturing ng mga tao na normal at pang-araw-araw na pangangailangan para gumawa sila ng labag sa mga kautusan ng Diyos. Ang gayong mga tusong pakana ay dinisenyo para impluwensiyahan tayo at pasamain ang ating puso. Gusto tayong papaniwalain ni Satanas na mas mahalaga ang ating personal na pangangailangan at kaalwanan kaysa sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Magpapalinlang ka ba kay Satanas?

15. Paano natin matutularan si Jesus sa paglaban sa mga tukso ni Satanas?

 15 Nagpadala si Eva sa mga tukso ni Satanas, pero hindi si Jesus. Sa bawat pagkakataon, nagbibigay si Jesus ng sagot mula sa Kasulatan, sa pagsasabi: “Nasusulat” o, “Sinasabi.” Kung masipag tayong mag-aral ng Bibliya, magiging pamilyar tayo sa Kasulatan at madali nating maaalala ang mga tekstong tutulong sa atin na labanan ang tukso. (Awit 1:1, 2) Ang pagbubulay-bulay at pagtulad sa mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong tapat sa Diyos ay makakatulong sa atin na manatiling tapat. (Roma 15:4) Ang matinding paggalang kay Jehova, na nangangahulugan ng pag-ibig sa iniibig niya at pagkapoot sa kinapopootan niya, ay magsisilbing proteksiyon sa atin.—Awit 97:10.

16, 17. Ano ang epekto sa pagkatao natin ng ating “kakayahan sa pangangatuwiran”?

16 Hinihimok tayo ni apostol Pablo na gamitin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran” para mahubog ang pagkatao natin ayon sa kaisipan ng Diyos at hindi ayon sa sanlibutan. (Roma 12:1, 2) Para idiin na kailangan nating kontrolin ang ating iniisip, sinabi ni Pablo: “Itinitiwarik namin ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ibinangon laban sa kaalaman sa Diyos; at dinadala namin sa pagkabihag ang bawat kaisipan upang gawin itong masunurin sa Kristo.” (2 Cor. 10:5) May malaking epekto sa ating pagkatao ang mga iniisip natin, kaya kailangan nating “patuloy na isaalang-alang” ang mga bagay na nakapagpapatibay.—Fil. 4:8.

17 Hindi tayo magiging banal kung nag-iisip tayo at naghahangad ng mga bagay na mali. Dapat nating ibigin si Jehova nang may “malinis na puso.” (1 Tim. 1:5) Pero mapandaya ang puso, at baka hindi natin namamalayan na masyado na pala tayong naaapektuhan ng ‘mga bagay na nasa sanlibutan.’ (Jer. 17:9) Kaya mahalagang sundin natin ang payo ni Pablo: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Habang pinag-aaralan natin ang Bibliya, tanungin ang sarili, ‘Natutuwa ba ang Diyos sa aking mga iniisip at hinahangad?’

18, 19. Bakit dapat tayong maging determinado na linangin ang uri ng pagkatao na sinasang-ayunan ni Jehova?

18 Ang isa pang makakatulong sa atin para tanggihan ‘ang mga bagay na nasa sanlibutan’ ay ang pagsasaisip sa kinasihang pananalita ni Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ang sanlibutan ni Satanas ay mukha lang permanente at totoo. Pero magwawakas ito. Walang anumang permanente sa sanlibutan ni Satanas. Kung tatandaan natin ang bagay na iyan, makakatulong ito para hindi tayo magpadala sa mga pang-akit ng Diyablo.

19 Pinapayuhan tayo ni apostol Pedro na linangin ang uri ng pagkatao na sinasang-ayunan ng Diyos habang “hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay matutunaw!” (2 Ped. 3:12) Di-magtatagal, darating ang araw na iyon, at pupuksain ni Jehova ang lahat ng bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Samantala, patuloy na gagamitin ni Satanas ‘ang mga bagay na nasa sanlibutan’ para tuksuhin tayo, gaya ng ginawa niya kay Eva at kay Jesus. Huwag tayong tumulad kay Eva at magpadala sa sarili nating mga pagnanasa. Kung gagawin natin iyan, parang si Satanas ang ginagawa nating diyos. Dapat nating tularan si Jesus at tanggihan ang gayong mga tukso, anuman ang gawin ni Satanas para magmukhang kaakit-akit ang mga ito. Maging determinado nawa ang bawat isa sa atin na linangin ang uri ng pagkatao na sinasang-ayunan ni Jehova.