Nakita ni Eliseo ang Maaapoy na Karo—Nakikita Mo Rin Ba?
Tinutugis ng hari ng Sirya ang propeta ng Diyos na si Eliseo at natunton niya ito sa maburol at napapaderang lunsod ng Dotan. Kinagabihan, nagpadala ang Siryanong tagapamahala ng mga kabayo, karong pandigma, at mga kawal sa Dotan. Pagsapit ng bukang-liwayway, ang lunsod ay napalibutan na ng kaniyang hukbo.—2 Hari 6:13, 14.
Nang bumangon ang tagapaglingkod ni Eliseo at lumabas, nakita niya ang mga gustong dumakip sa propeta. “Ay, panginoon ko! Ano ang gagawin natin?” ang sigaw niya. “Huwag kang matakot,” ang sabi ni Eliseo, “sapagkat mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” Saka nanalangin ang propeta: “O Jehova, idilat mo ang kaniyang mga mata, pakisuyo, upang makakita siya.” Sinabi pa ng ulat: “Kaagad na idinilat ni Jehova ang mga mata ng tagapaglingkod, anupat siya ay nakakita; at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” (2 Hari 6:15-17) Ano ang matututuhan natin dito at sa iba pang pangyayari sa buhay ni Eliseo?
Kahit napalilibutan ng hukbo ng Sirya, kalmado pa rin si Eliseo dahil nagtitiwala siya sa Diyos na Jehova at nakikita niya kung paano sila pinoprotektahan ng Diyos. Sa ngayon, wala nang mga himala, pero alam natin na pinoprotektahan ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang grupo. Para din tayong napalilibutan ng maaapoy na mga kabayo at karo. Kapag ‘nakikita’ natin ang mga ito sa pamamagitan ng ating pananampalataya at lagi tayong umaasa sa Diyos, ‘tatahan tayo nang tiwasay’ at pagpapalain ni Jehova. (Awit 4:8) Tingnan natin kung paano makatutulong sa atin ang iba pang pangyayari sa buhay ni Eliseo.
NAGLINGKOD SI ELISEO KAY ELIAS
Minsan, habang nag-aararo si Eliseo, dumating si propeta Elias. Inihagis ng propeta ang kaniyang opisyal na kasuutan kay Eliseo. Alam ni Eliseo ang ibig sabihin nito. Kaya naghanda siya ng isang piging, nagpaalam sa mga magulang niya, at iniwan ang tahanan nila para maglingkod kay Elias. (1 Hari 19:16, 19-21) Dahil handa si Eliseo na maglingkod nang lubusan sa Diyos, ginamit siya ni Jehova at nang maglaon ay naging propeta na kahalili ni Elias.
Marahil ay mga anim na taóng naglingkod si Eliseo kay Elias. Noong panahong iyon, si Eliseo ang ‘nagbubuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.’ (2 Hari 3:11) Kaugalian noon ang pagkain nang nakakamay. Pagkatapos kumain, binubuhusan ng tubig ng isang lingkod ang kamay ng kaniyang panginoon para makapaghugas ito. Kaya ang ilan sa mga atas ni Eliseo ay maituturing na mababa. Pero para sa kaniya, isang pribilehiyo ang maging tagapaglingkod ni Elias.
Sa ngayon, marami ring Kristiyano ang pumapasok sa iba’t ibang uri ng buong-panahong paglilingkod. Ginagawa nila ito dahil sa kanilang pananampalataya at kagustuhang gamitin nang lubusan ang kanilang lakas sa paglilingkod kay Jehova. Para magampanan ang kanilang atas, kinailangang iwan ng ilan ang kanilang tahanan at magtrabaho sa Bethel, sa mga konstruksiyon, at iba pa, na baka sa paningin ng marami ay mababa. Hindi dapat ituring ng sinumang Kristiyano na walang halaga o hamak ang gayong paglilingkod, dahil lubos itong pinahahalagahan ni Jehova.—Heb. 6:10.
NANATILI SI ELISEO SA ATAS NIYA
Bago ‘kunin ni Jehova si Elias sa pamamagitan ng isang buhawi patungo sa langit,’ pinaglakbay niya ang propeta mula Gilgal patungong Bethel. Sinabihan ni Elias si Eliseo na huwag nang sumama sa kaniya, pero sumagot ito: “Hindi kita iiwan.” Habang naglalakbay, dalawang beses pang sinabihan ni Elias si Eliseo na magpaiwan na lang, pero hindi ito pumayag. (2 Hari 2:1-6) Kung paanong hindi iniwan ni Ruth si Noemi, hindi rin iniwan ni Eliseo si Elias. (Ruth 1:8, 16, 17) Bakit? Maliwanag na pinahahalagahan ni Eliseo ang kaniyang bigay-Diyos na pribilehiyong paglingkuran si Elias.
Magandang halimbawa si Eliseo sa atin. Kapag tumanggap tayo ng pribilehiyo sa organisasyon ng Diyos, mapahahalagahan natin ito kapag inisip nating si Jehova ang pinaglilingkuran natin. Isa ngang napakalaking karangalan!—Awit 65:4; 84:10.
“HILINGIN MO KUNG ANO ANG GAGAWIN KO PARA SA IYO”
Habang naglalakbay, sinabi ni Elias kay Eliseo: “Hilingin mo kung ano ang gagawin ko para sa iyo bago ako kunin mula sa iyo.” Kung paanong isang masunuring puso ang hiniling noon ni Solomon sa Diyos, hiniling ni Eliseo na ‘mapasakaniya ang dalawang bahagi ng espiritu ni Elias.’ (1 Hari 3:5, 9; 2 Hari 2:9) Sa Israel, ang panganay na anak na lalaki ay tumatanggap ng dalawang bahagi ng mana. (Deut. 21:15-17) Kaya ipinakikita nito na hinihiling ni Eliseo na siya ang maging tagapagmana ni Elias, o maging kahalili nito bilang propeta. Lumilitaw na gusto rin ni Eliseo na magkaroon ng lakas ng loob na gaya ng kay Elias, na ‘lubos na naging mapanibughuin para kay Jehova.’—1 Hari 19:13, 14.
Ano ang isinagot ni Elias kay Eliseo? “Mahirap na bagay ang iyong hiniling,” ang sabi ng propeta. “Kung makikita mo akong kinukuha mula sa iyo, gayon ang mangyayari sa iyo; ngunit kung hindi, hindi iyon mangyayari.” (2 Hari 2:10) May dalawang mahalagang punto na makukuha sa sagot ni Elias. Una, Diyos lang ang makapagpapasiya kung ibibigay niya kay Eliseo ang hiniling nito. Ikalawa, para matanggap iyon ni Eliseo, kailangan niyang manatiling kasama ni Elias, anuman ang mangyari.
NAKITA NI ELISEO
Ano ang naging sagot ng Diyos sa kahilingan ni Eliseo? Sinasabi ng ulat: “At nangyari, habang naglalakad sila, na nag-uusap habang sila ay naglalakad, aba, narito! isang maapoy na karong pandigma at maaapoy na kabayo, at silang dalawa ay pinaghiwalay ng mga iyon; at si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng buhawi. Samantala, nakikita iyon ni Eliseo.” * Iyon ang sagot ni Jehova sa kahilingan ni Eliseo. Nakita ni Eliseo na kinuha sa kaniya si Elias, tumanggap siya ng dalawang bahagi ng espiritu ni Elias, at naging tagapagmana ng espiritu ng propeta.—2 Hari 2:11-14.
Pinulot ni Eliseo ang opisyal na kasuutang nahulog mula kay Elias at isinuot iyon. Ang kasuutang iyon ay patotoo na isa nang propeta ng Diyos si Eliseo. Higit pa itong napatunayan nang makahimala niyang hatiin ang tubig ng Ilog Jordan.
Tiyak na tumatak sa isipan ni Eliseo ang mga nakita niya nang pumailanlang si Elias sa pamamagitan ng buhawi. Aba, hindi pangkaraniwan ang makakita ng maapoy na karong pandigma at maaapoy na kabayo! Patunay lang iyon na ibinigay ni Jehova ang hiniling ni Eliseo. Kapag sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin, hindi tayo nakakakita ng nag-aapoy na karong pandigma at maaapoy na kabayo. Pero nauunawaan nating ginagamit ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan para mangyari ang kalooban niya. At kapag naoobserbahan nating pinagpapala ni Jehova ang makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon, para na rin nating nakikita ang pagtakbo ng kaniyang makalangit na karo.—Ezek. 10:9-13.
Maraming naging karanasan si Eliseo na nakakumbinsi sa kaniya na napakalakas ng kapangyarihan ni Jehova. Sa katunayan, dahil sa banal na espiritu ng Diyos, nakagawa ang propeta ng 16 na himala—doble ng sinasabing nagawa ni Elias. * Muling nakakita si Eliseo ng nag-aapoy na mga kabayo at mga karong pandigma noong kubkubin ang Dotan gaya ng binanggit sa pasimula ng artikulong ito.
NAGTIWALA KAY JEHOVA SI ELISEO
Kahit napalilibutan na ng mga kaaway ang Dotan, nanatiling kalmado si Eliseo. Bakit? Dahil nakapaglinang siya ng matibay na pananampalataya kay Jehova. Kailangan din natin ang gayong pananampalataya. Kaya hilingin natin sa panalangin ang banal na espiritu ng Diyos para makapagpakita tayo ng pananampalataya at ng iba pang aspekto ng bunga ng espiritu.—Luc. 11:13; Gal. 5:22, 23.
Dahil sa nasaksihan ni Eliseo sa Dotan, lalo siyang nagtiwala kay Jehova at sa Kaniyang di-nakikitang mga hukbo. Natanto ng propeta na nagpadala ang Diyos ng napakaraming anghel para palibutan ang lunsod at ang mga kumukubkob dito. Binulag ng Diyos ang mga kaaway at makahimalang iniligtas si Eliseo at ang tagapaglingkod nito. (2 Hari 6:17-23) Sa mapanganib na panahong iyon, at sa iba pang mga sitwasyon, nanampalataya si Eliseo at lubusang nagtiwala kay Jehova.
Gaya ni Eliseo, magtiwala tayo sa Diyos na Jehova. (Kaw. 3:5, 6) Sa paggawa nito, “pagpapakitaan tayo ng lingap ng Diyos at pagpapalain niya tayo.” (Awit 67:1) Totoo, hindi tayo literal na napalilibutan ng maaapoy na karo at mga kabayo. Pero sa “malaking kapighatian,” poprotektahan ni Jehova ang ating pambuong-daigdig na kapatiran. (Mat. 24:21; Apoc. 7:9, 14) Sa ngayon, lagi nating tandaan na “ang Diyos ay kanlungan para sa atin.”—Awit 62:8.
^ par. 16 Si Elias ay hindi umakyat sa langit kung saan nakatira si Jehova at ang kaniyang mga anghel. Tingnan ang Bantayan, isyu ng Setyembre 15, 1997, pahina 15.
^ par. 19 Basahin ang Bantayan, isyu ng Agosto 1, 2005, pahina 10.