Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Report ng Taunang Miting

Isang Miting na Punô ng Pagkakaisa at Kapana-panabik na mga Plano

Isang Miting na Punô ng Pagkakaisa at Kapana-panabik na mga Plano

LAGING kapana-panabik ang mga taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Ganiyan din ang ika-127 taunang miting na ginanap noong Oktubre 1, 2011! Nagtipon sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Jersey City, New Jersey, E.U.A., ang mga panauhin mula sa buong daigdig.

Malugod na tinanggap ni Gerrit Lösch na miyembro ng Lupong Tagapamahala ang masasayang tagapakinig. Sinabi niya sa mga delegado mula sa humigit-kumulang 85 bansa na pambihira ang kanilang pagkakaisa. Ang pagkakaisang ito ay isang mabuting patotoo at lumuluwalhati kay Jehova. Sa katunayan, inulit-ulit ang temang pagkakaisa sa miting na ito.

MABUTING ULAT MULA SA MEXICO

Ipinakita ng unang bahagi ng programa ang isang halimbawa ng pagkakaisa ng bayan ni Jehova. Kinapanayam ni Baltasar Perla ang tatlong kapuwa miyembro ng pamilyang Bethel sa Mexico tungkol sa pagsasanib ng anim na tanggapang pansangay sa Sentral Amerika at ng sangay sa Mexico. Dahil dito, ang pamilyang Bethel sa Mexico ay binubuo na ngayon ng mas maraming lahi at kultura. Nagkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob dahil sa mga kapananampalatayang nagmula sa iba’t ibang bansa. Para bang kumuha ang Diyos ng isang malaking pambura at binura ang mga hangganan ng mga bansang ito.

May hamon na idinulot ang pagsasanib na ito. Kailangang ipadama sa mga kapatid na hindi sila hiwalay sa organisasyon ni Jehova kahit wala nang tanggapang pansangay sa kanilang bansa. Kaya ang bawat kongregasyon ay binigyan ng secure e-mail connection para kahit ang mga nasa liblib na lugar ay may direktang komunikasyon sa tanggapang pansangay.

PINAKAHULING BALITA MULA SA JAPAN

Ipinaliwanag ni James Linton mula sa sangay sa Japan kung paano naapektuhan ng lindol at tsunami ang mga kapatid doon noong Marso 2011. Maraming Saksi ang nawalan ng mga mahal sa buhay at ari-arian. Mahigit 3,100 tirahan at daan-daang sasakyan ang inilaan ng mga Saksing nakatira sa labas ng apektadong lugar. Ang mga boluntaryo ng mga Regional Building Committee ay puspusang nagtrabaho para kumpunihin ang mga bahay ng mga kapatid. Mahigit 1,700 ang nagboluntaryong maglingkod kung saan may pangangailangan. Isang pangkat ng mga boluntaryo mula sa Estados Unidos ang tumulong sa pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall, at 575 boluntaryo ang nagtrabaho sa proyektong ito.

Inaliw at pinatibay sa espirituwal ang mga nasalanta. Mahigit 400 elder ang naglingkod kung saan kailangan ang pagpapastol. Makikita ang pagmamalasakit ng Lupong Tagapamahala nang dalawang tagapangasiwa ng sona mula sa punong-tanggapan ang naglakbay sa lugar ng sakuna para magbigay ng pampatibay-loob. Malaking kaaliwan ang pagmamalasakit na ipinakita ng mga Saksi mula sa buong daigdig.

MGA TAGUMPAY SA KORTE

Tutok na tutok ang mga tagapakinig habang tinatalakay ni Stephen Hardy mula sa sangay sa Britanya ang mga tagumpay natin sa korte kamakailan. Halimbawa, ang gobyerno ng Pransiya ay humihingi ng $82 milyon (U.S.) bilang buwis sa asosasyong ginagamit natin sa Pransiya. Nalutas ang usaping ito nang magpasiya ang European Court of Human Rights (ECHR) nang pabor sa atin, sa pagsasabing nilabag ng pamahalaan ng Pransiya ang Artikulo 9 ng European Convention, na gumagarantiya ng kalayaan sa relihiyon. Makikita sa pananalita ng desisyon na hindi salapi ang isyu sa kasong ito: “Ang pagtangging kilalanin ang isang relihiyosong asosasyon, ang pagtatangkang buwagin ito, ang paggamit ng mapanghamak na pananalita sa isang relihiyosong kilusan, ay pawang mga halimbawa ng panghihimasok sa karapatang ginagarantiyahan ng Artikulo 9 ng [European] Convention.”

Pabor din sa atin ang hatol ng ECHR sa isang kaso laban sa Armenia. Mula noong 1965, nanghahawakan ang ECHR na hindi pinoprotektahan ng European Convention ang mga indibiduwal mula sa katungkulang maglingkod sa militar. Ipinasiya ng Grand Chamber​—ang pinakamataas na awtoridad sa European Court​—na ang pagtanggi sa paglilingkod militar, kapag udyok ng malubha at matinding pagkakasalungatan sa pagitan ng obligasyong maglingkod sa militar at ng budhi ng tao, ay dapat garantiyahan ng European Convention. Dahil sa desisyong ito, obligado ang Armenia at ang mga bansang gaya ng Azerbaijan at Turkey na kilalanin ang karapatang ito.

MGA PROYEKTO SA PAGTATAYO

Sumunod na nagsalita si Guy Pierce na miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sinabi niyang tiyak na sabik ang mga tagapakinig na makabalita tungkol sa ating mga proyekto sa pagtatayo sa Estado ng New York. Ipinakita niya ang isang video tungkol sa mga nangyayari sa Wallkill, sa Patterson, at sa bago nating mga lupa sa Warwick at Tuxedo, New York. Sa Wallkill, maglalaan ng mahigit 300 karagdagang silid ang isang bagong gusaling tirahan na nakatakdang matapos sa 2014.

May mga plano ring ihanda ang 100-ektaryang lupain sa Warwick para sa pagtatayo. “Bagaman hindi pa namin tiyak ang kalooban ni Jehova tungkol sa Warwick,” ang sabi ni Brother Pierce, “sinisimulan na naming ihanda ang lugar na ito sa layuning ilipat dito ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova.” Pinaplanong gamitin ang isang 20-ektaryang lupain na mga sampung kilometro sa hilaga ng Warwick para paglagyan ng mga makinarya at materyales sa pagtatayo. “Kapag pinahintulutan na ang konstruksiyon, umaasa kaming matatapos ang buong proyekto sa loob ng apat na taon,” ang sabi ni Brother Pierce. “Pagkatapos, maaari nang ibenta ang ating ari-arian sa Brooklyn.”

“Iniisip ba ng Lupong Tagapamahala na matagal pa ang malaking kapighatian?” ang tanong ni Brother Pierce. “Hinding-hindi,” ang sabi niya. “Kung maudlot ang mga plano natin dahil sa malaking kapighatian, aba, napakaganda niyaon, talagang napakaganda!”

MAG-INGAT SA LEONG UMUUNGAL

Sumunod ay tinalakay ni Stephen Lett, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang 1 Pedro 5:8: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” Sinabi ni Brother Lett na may ilang katangian ang mga leon na tugmang-tugma sa paglalarawan ni Pedro tungkol sa Diyablo.

Yamang ang mga leon ay mas malakas at mas mabilis kaysa sa mga tao, hindi natin dapat labanan o takasan si Satanas sa sarili nating lakas. Kailangan natin ang tulong ni Jehova. (Isa. 40:31) Ang leon ay naninila nang patago, kaya dapat nating iwasan ang espirituwal na kadiliman kung saan naghahanap ng bibiktimahin si Satanas. Kung paanong ang leon ay pumapatay ng walang kalaban-labang antilope o tulóg na munting sebra, wala ring awa si Satanas at gusto niya tayong patayin. At kapag niluray na ng leon ang biktima nito, kadalasan ay hindi na makikilala ang mga ito, kung paanong ang “huling mga kalagayan” ng mga biktima ni Satanas ay “naging lalong masama kaysa sa una.” (2 Ped. 2:20) Kaya kailangan tayong manindigan laban kay Satanas at manghawakang mahigpit sa mga simulain ng Bibliya.​—1 Ped. 5:9.

PAHALAGAHAN ANG IYONG DAKO SA BAHAY NI JEHOVA

“Lahat tayo ay may dako sa bahay ni Jehova,” ang sabi ng sumunod na tagapagsalitang si Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ang lahat ng Kristiyano ay may dako sa “bahay” ng Diyos​—ang kaniyang espirituwal na templo​—ang kaayusan para sambahin siya salig sa pantubos ni Jesus. Pakamahalin natin ang dakong ito. Gaya ni David, nais nating “makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng [ating] buhay.”​—Awit 27:4.

Binanggit ni Brother Herd ang Awit 92:12-14 at nagtanong, “Paano tayo pinayayabong ni Jehova?” Sumagot siya: “Sa espirituwal na paraiso, ipinadarama sa atin ng Diyos ang init ng kaniyang pagmamahal, pinoprotektahan niya tayo, at binibigyan tayo ng nakarerepreskong tubig ng katotohanan. Pasalamatan natin siya dahil diyan.” Pagkatapos ay hinimok ni Brother Herd ang mga tagapakinig: “Maging kontento tayong manatili sa bahay ni Jehova​—hindi lang sa loob ng maikling panahon kundi magpakailanman.”

IGINAGALANG NG MGA KRISTIYANO ANG SALITA NG DIYOS

Ipinaliwanag naman ni David Splane, miyembro din ng Lupong Tagapamahala, na mula’t sapol ay iginagalang ng mga tunay na Kristiyano ang Salita ng Diyos. Noong unang siglo, nanalig sila rito para lutasin ang usapin tungkol sa pagtutuli. (Gawa 15:16, 17) Pero noong ikalawang siglo, inuna ng mga naturingang Kristiyano na nag-aral ng pilosopiyang Griego ang pagbibigay-kasiyahan sa kanilang kaisipan kaysa sa Kasulatan. Nang maglaon, ipinagpalit ng iba ang mga turo ng Bibliya sa mga opinyon ng tinatawag na mga Ama ng Simbahan at ng mga Romanong emperador. Dahil dito, lumitaw ang maraming huwad na doktrina.

Ipinaliwanag din ni Brother Splane na sa isang ilustrasyon, ipinahiwatig ni Jesus na laging magkakaroon ng mga tunay na pinahirang Kristiyano sa lupa na magtatanggol sa katotohanan. (Mat. 13:24-30) Hindi natin tiyak kung sinu-sino sila. Pero sa nakalipas na mga siglo, marami ang tumuligsa sa mga paniniwala at gawain na di-makakasulatan. Ang ilan sa mga ito ay sina Archbishop Agobard ng Lyons noong ika-9 na siglo, Peter ng Bruys, Henry ng Lausanne, at Valdès (o, Waldo) noong ika-12 siglo, John Wycliffe noong ika-14 na siglo, William Tyndale noong ika-16 na siglo, at sina Henry Grew at George Storrs noong ika-19 na siglo. Sa ngayon, patuloy na itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamantayan ng Kasulatan at kinikilala ang Bibliya bilang saligan ng katotohanan. Kaya pinili ng Lupong Tagapamahala bilang taunang teksto ng 2012 ang Juan 17:17: “Ang iyong salita ay katotohanan.”

KAPANA-PANABIK NA MGA PAGBABAGO SA PAGSASANAY AT PAGLILINGKOD

Ipinatalastas ni Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang mga pagbabago para sa mga misyonero at special pioneer. Pasimula sa Setyembre 2012, idaraos sa pilíng mga bansa ang Bible School for Christian Couples. Nagbago rin ang pokus ng Paaralang Gilead. Pasimula noong nakaraang Oktubre, lahat ng inaanyayahang mag-aral sa Gilead ay nasa pantanging buong-panahong paglilingkod na​—mga misyonero na hindi pa nakapag-aral sa Gilead, mga special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa, o mga Bethelite. Ang mga magsisipagtapos ay gagamitin para patibayin at patatagin ang bayan ng Diyos. Aatasan sila sa mga tanggapang pansangay, sa gawaing paglalakbay, o sa mga lupaing malaki ang populasyon kung saan mapasisigla nila ang mga kongregasyon sa pangangaral.

Gagamit ng karagdagang mga special pioneer para magbukas ng mga teritoryo sa malayo at liblib na mga lugar. Pasimula noong Enero 1, 2012, ang ilang magtatapos sa Bible School for Single Brothers at sa Bible School for Christian Couples ay aatasan bilang mga temporary special pioneer para magbukas at magpalawak ng gawain sa liblib na mga lugar. Pansamantala silang aatasan bilang special pioneer nang paisa-isang taon, at maaaring umabot nang hanggang sa tatlong taon. Ang mga epektibo sa kanilang gawain ay maaaring tumanggap ng permanenteng mga atas.

Napakasaya ng taunang miting noong 2011. Umaasa tayong pagpapalain ni Jehova ang bagong mga kaayusan para pag-ibayuhin ang ating pangangaral at pagkaisahin ang ating kapatiran​—sa kaniyang kaluwalhatian at kapurihan.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 18]

KILALANIN NATIN SILA

Itinampok din ng programa ang panayam sa lima sa siyam na biyuda ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Inilahad nina Marina Sydlik, Edith Suiter, Melita Jaracz, Melba Barry, at Sydney Barber kung paano nila nalaman ang katotohanan at ang pagpasok nila sa buong-panahong ministeryo. Ikinuwento nila ang kanilang magagandang alaala at mga pagpapalang tinamasa kasama ng kanilang asawa. Bilang nakaaantig na konklusyon sa mga interbyung ito, inawit ng mga dumalo ang awit bilang 86 na pinamagatang “Tapat na mga Kapatid na Babae.”

[Mga larawan]

(Itaas) Sina Daniel at Marina Sydlik; Grant at Edith Suiter; Theodore at Melita Jaracz

(Ibaba) Sina Lloyd at Melba Barry; Carey at Sydney Barber

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Anim na sangay ang pinagsama-sama sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Mexico

MEXICO

GUATEMALA

HONDURAS

EL SALVADOR

NICARAGUA

COSTA RICA

PANAMA

[Larawan sa pahina 17]

Planong disenyo ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York