Mula sa Aming Archive
“Medyo Naging Takaw-Pansin Ako”
Nang dumating sa Louisville, Kentucky, E.U.A., ang buong-panahong mangangaral na si Charlotte White dala ang isang maletang de-gulong, naging usap-usapan siya ng mga tao.
TAÓNG 1908 noon, at talaga namang nakuha ni Sister White ang atensiyon ng taong-bayan dahil sa isang bagong imbensiyon—ang Dawn-Mobile. “Pinag-usapan ito ng mga tao,” ang sabi niya, “at medyo naging takaw-pansin ako.”
Nakita ng mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon) ang pangangailangang ibahagi sa iba ang mahahalagang katotohanang natutuhan nila mula sa masikap na pag-aaral ng Kasulatan. Marami ang nagtamo ng kaalaman tungkol sa Bibliya sa tulong ng isang serye ng mga aklat na pinamagatang Millennial Dawn (tinawag ding Studies in the Scriptures nang maglaon). Ang mga Kristiyanong iyon na nagnanais at nasa kalagayang maglakbay ay nagtutungo sa mga bayan, nayon, at lalawigan, para ialok sa masusugid na mambabasa ang mga pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya.
Noong 1908, iniaalok ni Sister White at ng iba pang masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian ang anim na tomong may pabalat na tela sa halagang $1.65 (U.S.). Sa halip na iwan agad ang mga aklat na Dawn, kumukuha muna sila ng order at saka bumabalik—karaniwan na sa araw ng suweldo—para ihatid ang mga aklat. Maliit na halaga lang ang hinihingi nila kapalit ng gastos sa pag-iimprenta. Isang mananalansang ang nagreklamo dahil nakakakuha ang mga tao ng mga aklat na ito sa napakamurang halaga!
Naaalaala pa ni Malinda Keefer na nakakakuha siya ng order na dalawang daan hanggang tatlong daang aklat linggu-linggo. Pero lumikha ng problema ang malaking interes na ito sa Millennial Dawn. Ang ikaanim na tomo lang ay mayroon nang 740 pahina!
Inamin ng The Watch Tower: “Ang 50 aklat ay tumitimbang nang 40 libra,” o 18 kilo. Kaya naman ang paghahatid ng mga aklat na ito ay isang “napakabigat na gawain,” lalo na para sa mga sister.Para malutas ang problemang ito, nag-imbento si Brother James Cole ng isang de-tiklop na aparatong may dalawang gulong kung saan maikakabit ang isang maleta gamit ang mga screw. Palibhasa’y hindi na niya kailangang magbuhat ng mabibigat na kahong punô ng mga aklat, ganito ang sabi ng imbentor: “Hindi na ako magkakandakuba.” Ipinakita niya ang bagong aparatong ito sa mga dumalo sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cincinnati, Ohio, noong 1908. Sa magkabilang dulo ng baras na pahalang, nakaukit ang pangalang Dawn-Mobile, yamang ang pangunahing kargada nito ay mga tomo ng Millennial Dawn. Madaling matutuhang ibiyahe ang isang maletang punô ng dose-dosenang aklat. Maitutulak ito ng kahit isang kamay lang. Puwedeng i-adjust ang taas nito, at ang mga gulong ay makadaraan sa baku-bakong kalsada. Pagkatapos ng maghapong paglilingkod, ang mga gulong na goma ay maaaring itiklop sa gilid ng maleta at puwede itong bitbitin habang naglalakad pauwi o nakasakay sa trambiya.
Ang mga sister na nasa buong-panahong paglilingkod ay makakakuha noon ng Dawn-Mobile nang libre. Pero ang talagang halaga nito ay $2.50 (U.S.). Gamay na gamay ni Sister Keefer (ipinakikita sa larawan) ang Dawn-Mobile anupat kayang-kaya niyang itulak ng isang kamay ang isang maletang punung-punô ng aklat habang bitbit naman niya sa kabila ang isang bag ng mga aklat. Dahil marami siyang natagpuang interesado sa isang bayan na may minahan sa Pennsylvania, E.U.A., karaniwan nang tatlo o apat na beses siyang tumatawid ng tulay sa maghapon para maghatid ng mga aklat.
Noong dekada ’80, isang piloto ang nakaimbento ng maletang de-gulong na karaniwang makikita sa mga airport at abalang mga lansangan sa siyudad. Pero mga sandaang taon na ang nakalilipas, may Dawn-Mobile na ang masisigasig na Estudyante ng Bibliya. Malamang na ikinatuwa nila na pinagmamasdan sila ng mga tao habang pinagugulong nila ang mga Dawn-Mobile nang paroo’t parito para maghasik ng mahahalagang binhi ng katotohanan ng Bibliya.
[Blurb sa pahina 32]
Karaniwan nang tatlo o apat na beses tumatawid ng tulay si Sister Keefer sa isang maghapon para maghatid ng mga aklat
[Blurb sa pahina 32]
Nilutas nito ang problema sa paghahatid ng “Millennial Dawn”