MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Buhay ng Periodical Cicada
ANG mga cicada, o kuliglig, ay mga insektong kahawig ng mga balang na nabubuhay sa lahat ng kontinente maliban sa Antarctica. Pero matagal nang hinahangaan ng mga biologist ang periodical cicada na matatagpuan lang sa hilagang-silangan ng America.
Pag-isipan ito: Milyon-milyong periodical cicada ang biglang lumilitaw sa tagsibol at nabubuhay sa loob lang ng ilang linggo. Naghuhunos sila ng balat, umaawit nang napakaingay, nagliliparan, nagpaparami, at saka namamatay. Nakapagtataka, lilitaw ang susunod na henerasyon pagkalipas ng 13 o 17 taon, depende sa kanilang species. Samantala, ano ang nangyayari sa mga ito?
Para masagot iyan, alamin ang kakaibang siklo ng buhay ng periodical cicada. Mga isang linggo matapos lumitaw, maghahanap ng makakapareha ang adultong mga insekto at mangingitlog ang mga babae ng 400 hanggang 600 itlog sa loob ng maliliit na sanga ng puno, at saka mamamatay. Sa susunod na ilang linggo, mapipisa ang mga itlog at mahuhulog sa lupa ang mga larva, huhukay ito ng lungga sa lupa, at doon magsisimula ang buhay nila. Sinisipsip nila ang likido sa mga ugat ng palumpong o puno sa loob ng maraming taon. Pagkalipas ng 13 o 17 taon, lilitaw na ang bagong henerasyon ng periodical cicada para maulit ang siklo.
Ayon sa isang artikulo sa magasing Nature, ang masalimuot na siklo ng buhay ng periodical cicada ay “nakalito sa mga siyentipiko sa loob ng maraming taon. . . . Hanggang sa ngayon, sinisikap pa ring maunawaan ng mga entomologist ang pambihirang siklo ng buhay ng mga insektong ito.” Wala itong katulad na misteryo sa buhay ng mga hayop.
Ano sa palagay mo? Ang buhay ba ng periodical cicada ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?