TAMPOK NA PAKSA | KUNG PAANO MAKIKINABANG SA IYONG NAKAUGALIAN
2 Kontrolin ang Iyong Sitwasyon
-
Determinado kang kumain ng masustansiyang pagkain, pero natutukso kang kumain ng ice cream.
-
Desidido kang tumigil manigarilyo, pero inaalok ka na naman ng kaibigan mong nakaaalam na nagsisikap kang tigilan ito.
-
Plano mong mag-ehersisyo ngayon, pero kahit ang pagkuha ng sapatos ay parang ang hirap gawin!
Napansin mo ba ang pagkakapareho ng mga senaryo? Paulit-ulit na ipinakikita ng karanasan na ang ating sitwasyon at ang taong nakakasama natin ay nakaiimpluwensiya sa pagkakaroon natin ng mabubuting kaugalian at pag-aalis ng pangit na mga nakasanayan.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”—Kawikaan 22:3.
Pinapayuhan tayo ng Bibliya na patiunang mag-isip. Sa paggawa nito, maiiwasan natin ang mga sitwasyong makasisira sa ating tunguhin, at maglalagay sa atin sa mas magagandang sitwasyon. (2 Timoteo 2:22) Sa madaling salita, makabubuti kung kokontrolin natin ang ating sitwasyon.
Gawing mas mahirap ang paggawa ng mali at mas madali ang paggawa ng tama
ANG PUWEDE MONG GAWIN
-
Gawing mas mahirap ang paggawa ng mali. Halimbawa, kung ayaw mo nang kumain ng junk food, huwag maglagay sa kusina ng pagkaing alam mong hindi makabubuti sa iyo. Sa gayon, kahit natutukso kang kumain nito, wala kang makakain.
-
Gawing mas madali ang paggawa ng tama. Halimbawa, kung plano mong mag-ehersisyo nang maaga, gabi pa lang ihanda na ang isusuot mo. Kapag mas madaling magsimula, mas malamang na masundan pa ito.
-
Mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan. May tendensiya tayong maging katulad ng mga nakakasama natin. (1 Corinto 15:33) Kaya limitahan ang pakikisama sa mga taong may kaugalian na sinisikap mong alisin, at makipagkaibigan sa mga tutulong sa iyo na magkaroon ng mabubuting kaugalian.