TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA BA AY TALAGANG GALING SA DIYOS?
Ang Bibliya—Tumpak sa Lahat ng Bagay
Tumpak Pagdating sa Siyensiya
HINDI aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya, pero tumpak ang sinasabi nito pagdating sa siyensiya. Tingnan ang ilang halimbawa sa larangan ng meteorolohiya at henetika.
METEOROLOHIYA—KUNG PAANO NABUBUO ANG ULAN
Sinasabi ng Bibliya: “Pinaiilanlang [ng Diyos] ang mga patak ng tubig; ang mga iyon ay nasasala bilang ulan para sa kaniyang manipis na ulap, anupat ang mga ulap ay pumapatak.”—Job 36:27, 28.
Inilalarawan dito ng Bibliya ang tatlong pangunahing proseso ng siklo ng tubig. Pinaiilanlang ng Diyos—ang Pinagmumulan ng init ng araw—ang “mga patak ng tubig” sa pamamagitan ng (1) ebaporasyon. Pagkatapos, sa pamamagitan ng (2) kondensasyon, ang pumailanlang na singaw ng tubig ay nagiging ulap at bumabagsak bilang ulan o iba pang anyo ng (3) presipitasyon. Kahit ngayon, hindi pa rin lubusang naiintindihan ng mga meteorologo kung paano nabubuo ang ulan. Kapansin-pansin, nagtanong ang Bibliya: “Sino ang makauunawa sa mga suson ng ulap?” (Job 36:29) Alam na alam ng Maylalang ang siklo ng ulan at tiniyak niyang maiuulat nang tumpak ng mga manunulat ng Bibliya ang prosesong ito. At ipinasulat niya ito bago pa man maipaliwanag ng mga tao ang pangunahing proseso ng ulan.
HENETIKA—KUNG PAANO NABUBUO ANG EMBRYO
Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Haring David sa Diyos: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” (Awit 139:16) Sa patulang pananalita, sinabi ni David na ang isang embryo ay nadedebelop ayon sa nakasulat sa isang “aklat,” o plano. Ang kahanga-hanga rito, isinulat iyan mga 3,000 taon na ang nakararaan!
Pero natuklasan lang ni Gregor Mendel, isang botanikong taga-Austria, ang pangunahing simulain ng henetika noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo. At noong Abril 2003 lang nadiskubre ng mga mananaliksik ang pagkakasunod-sunod ng genome ng tao, na naglalaman ng lahat ng impormasyong kailangan para mabuo ang katawan ng tao. Ayon sa mga siyentipiko, ang genetic code ng tao ay gaya ng isang diksyunaryong naglalaman ng mga salita na binubuo ng mga letra ng alpabeto. Ang mga salitang ito ang bumubuo ng henetikong mga instruksiyon. Batay sa mga instruksiyong ito, ang mga bahagi ng embryo—gaya ng utak, puso, baga, at mga braso’t binti—ay nadedebelop sa eksaktong pagkakasunod-sunod at sa tamang panahon. Talagang angkop ang pagkakalarawan ng mga siyentipiko sa genome bilang “ang aklat ng buhay.” Paano tumpak na nalaman ni David ang tungkol dito? Mapagpakumbaba niyang sinabi: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila.” *—2 Samuel 23:2.
Tumpak ang Hula Tungkol sa Hinaharap
NAPAKAHIRAP malaman—kung hindi man imposible—kung kailan at paano babangon o babagsak ang mga kaharian at lunsod, at kung hanggang kailan tatagal ang mga ito. Pero detalyadong inihula ng Bibliya ang pagkapuksa ng makapangyarihang mga pamahalaan at lunsod. Tingnan ang dalawang halimbawa.
ANG PAGBAGSAK AT PAGKATIWANGWANG NG BABILONYA
Ang sinaunang Babilonya ang sentro ng makapangyarihang imperyo na nakaimpluwensiya sa kanlurang Asia sa loob ng maraming siglo. Naging isa pa nga ito sa pinakamalaking lunsod sa daigdig. Pero mga 200 taon patiuna, inihula ng Diyos sa pamamagitan ng manunulat ng Bibliya na si Isaias na babagsak ang Babilonya sa kamay ng mananakop na si Ciro, at hindi na ito paninirahan magpakailanman. (Isaias 13:17-20; 44:27, 28; 45:1, 2) Talaga bang nangyari ito?
Isang gabi noong Oktubre 539 B.C.E., sinakop ni Cirong Dakila ang Babilonya. Natuyo ang kanal na nagsusuplay ng tubig sa matabang rehiyon dahil napabayaan ito. Pagsapit ng 200 C.E., sinasabing hindi na ito pinaninirahan. Sa ngayon, mga guho na lang ang makikita sa Babilonya. Eksaktong natupad ang hula ng Bibliya na “magiging tiwangwang na kaguhuan” ang Babilonya.—Jeremias 50:13.
Saan nakuha ng mga manunulat ng Bibliya ang tumpak na hulang ito? Sinasabi ng Bibliya na isa itong “kapahayagan laban sa Babilonya na nakita ni Isaias na anak ni Amoz sa pangitain.”—Isaias 13:1.
NINEVE—“WALANG TUBIG NA GAYA NG ILANG”
Ang sinaunang Nineve, kabisera ng Imperyo ng Asirya, ay may magagandang gusali. Ipinagmamalaki ng lunsod ang kanilang malalawak na kalsada, pampublikong hardin, templo, at malalaking palasyo. Sa kabila nito, inihula ni propeta Zefanias na ang kahanga-hangang lunsod na ito ay magiging “tiwangwang na kaguhuan, isang pook na walang tubig na gaya ng ilang.”—Zefanias 2:13-15.
Ang Nineve ay tuluyang winasak ng pinagsamang puwersa ng mga Babilonyo at mga Medo noong ikapitong siglo B.C.E. Ayon sa isang reperensiya, ang nalupig na lunsod ay “nakalimutan na sa loob ng 2500 taon.” May panahon pa ngang nagduda ang mga tao kung talagang umiral ang Nineve! Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, nahukay ng mga arkeologo ang mga guho ng Nineve. Sa ngayon, sira na ang lugar na ito at punô ng bandalismo, kaya nagbabala ang Global Heritage Fund: “Baka tuluyan nang mawala ang sinaunang Nineve.”
Saan nakuha ni Zefanias ang impormasyong iyon? Kinilala niyang ito ay “salita ni Jehova na dumating [sa kaniya].”—Zefanias 1:1.
Sinasagot ng Bibliya ang Mahahalagang Tanong sa Buhay
NAGBIBIGAY ang Bibliya ng kasiya-siyang sagot sa mahahalagang tanong sa buhay. Tingnan ang ilang halimbawa.
BAKIT PUNÔ NG KASAMAAN AT PAGDURUSA ANG DAIGDIG?
Maraming sinasabi ang Kasulatan tungkol sa kasamaan at pagdurusa. Ipinaliliwanag ng Bibliya:
-
“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”
—Eclesiastes 8:9. Dahil sa kawalang-kakayahan at katiwalian ng pamamahala ng tao, napakaraming pagdurusa.
-
“Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”
—Eclesiastes 9:11. Ang mga di-inaasahang pangyayari—gaya ng malubhang pagkakasakit, aksidente, o sakuna—ay nangyayari kaninuman, saanman, at anumang oras.
-
“Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.”
—Roma 5:12. Nang lalangin ang unang lalaki at babae, wala pang kasalanan at kamatayan. “Pumasok sa sanlibutan” ang kasalanan nang suwayin nila ang kanilang Maylalang.
Hindi lang ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit nagdurusa ang mga tao. Ipinapangako rin nito na aalisin ng Diyos ang kasamaan at “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:3, 4.
ANO ANG NANGYAYARI SA ATIN KAPAG NAMATAY TAYO?
Ipinaliliwanag ng Bibliya na kapag namatay ang isa, wala na siyang malay at magagawa. “Sapagkat batid ng mga buháy na sila ay mamamatay,” ang sabi ng Eclesiastes 9:5, “ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” Kapag namatay tayo, ‘naglalaho ang ating pag-iisip.’ (Awit 146:4) Sa kamatayan, hindi na gumagana ang ating utak, pati na ang ating pandama. Kaya wala na tayong magagawa, mararamdaman, o maiisip kapag namatay tayo.
Pero hindi lang ipinaliliwanag ng Bibliya ang kalagayan ng mga patay; nagbibigay rin ito ng masayang pag-asa para sa mga namatay—ang pagkabuhay-muli.—Oseas 13:14; Juan 11:11-14.
ANO ANG LAYUNIN NG BUHAY?
Ayon sa Bibliya, nilalang ng Diyos na Jehova ang lalaki at babae. (Genesis 1:27) Kaya tinawag ang unang taong si Adan bilang “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) May layunin kung bakit nilalang ang tao—para maging kaibigan ng kaniyang makalangit na Ama at mamuhay nang masaya sa lupa magpakailanman. Kaya naman ang tao ay may likas na hangaring matuto tungkol sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
Bukod diyan, sinasabi ng Bibliya: “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” (Lucas 11:28) Hindi lang tayo tinutulungan ng Bibliya na makilala ang Diyos, tinutulungan din tayo nito na magkaroon ng mas masayang buhay at ng pag-asa sa hinaharap.
Ikaw at ang Awtor ng Bibliya
MATAPOS suriin ang mga ebidensiya, milyon-milyong tao sa daigdig ang nagsabing hindi lang isang lumang aklat ang Bibliya. Kumbinsido silang ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos—ang kaniyang paraan ng pakikipag-usap sa mga tao, pati na sa iyo! Naglalaman ito ng paanyaya ng Diyos para makilala mo siya at maging kaibigan niya. Nangangako ang Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Ang pag-aaral ng Bibliya ay may magandang resulta. Ano iyon? Halimbawa, kapag nagbasa ka ng isang aklat, magkakaroon ka ng ideya sa kaisipan ng awtor. Sa katulad na paraan, kapag binasa mo ang Bibliya, malalaman mo ang kaisipan at damdamin ng Awtor nito, ang Diyos. Isipin ang epekto nito sa iyo. Puwede mong malaman ang pananaw at damdamin ng iyong Maylalang! Sinasabi rin ng Bibliya:
-
Ang pangalan ng Diyos, ang kaniyang personalidad, at ang kaniyang kamangha-manghang mga katangian.
-
Ang layunin ng Diyos para sa mga tao.
-
Kung paano ka magkakaroon ng kaugnayan sa Diyos.
Gusto mo bang matuto pa nang higit? Handang tumulong ang mga Saksi ni Jehova. Puwede ka nilang turuan ng Bibliya nang walang bayad. Makatutulong ito sa iyo na mas mapalapít sa Awtor ng Bibliya—ang Diyos na Jehova.
Ipinakita sa artikulong ito ang ilang ebidensiya na ang Bibliya ay kinasihang aklat. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 2 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl
Puwede mo ring panoorin ang video na Sino ang Awtor ng Bibliya? na available sa www.jw.org/tl
Tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO
^ par. 10 Sa Bibliya, ipinakikilala ang Diyos sa kaniyang personal na pangalan, Jehova.—Awit 83:18.