Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinusunod ng marunong na babae ang sinasabi ng kaniyang konsensiya

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Aborsiyon

Aborsiyon

Milyon-milyong sanggol ang ipinalalaglag taon-taon—ang bilang na ito ay mas mataas pa sa populasyon ng maraming bansa.

Personal na desisyon lang ba ito o usapin sa moral?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Iba-iba ang dahilan ng mga nagpapalaglag, kasali na ang kahirapan sa buhay, problema sa relasyon, kagustuhang maging malaya para makapag-aral o makapagtrabaho, o pag-iwas na maging dalagang ina. Pero para sa iba, labag sa moral ang aborsiyon—pag-abuso ito sa ipinagkatiwala sa mga nagdadalang-tao.

ANG SABI NG BIBLIYA

Para sa Diyos, ang buhay—lalo na ang sa tao—ay sagrado. (Genesis 9:6; Awit 36:9) Totoo ito kahit sa mga nasa bahay-bata, ang lugar na dinisenyo ng Diyos para ligtas na lumaki ang mga sanggol. “Iningatan mo akong natatabingan sa tiyan ng aking ina,” ang sabi ng isang manunulat ng Bibliya. Dagdag pa niya: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon.”—Awit 139:13, 16.

Ang pananaw ng Diyos tungkol sa buhay ng di-pa-naisisilang na sanggol ay makikita rin sa Kautusan na ibinigay sa bansang Israel at sa ating bigay-Diyos na konsensiya. Binanggit sa Kautusang ito na kung makasakit ang isang tao ng isang nagdadalang-tao at mamatay ang sanggol sa kaniyang sinapupunan—buhay ng mamamatay-tao ang magiging kabayaran. (Exodo 21:22, 23) Pero dapat munang alamin ng mga hukom ang motibo at ang buong pangyayari.—Bilang 35:22-24, 31.

Pinagkalooban din ang tao ng konsensiya. Kapag sinunod ng isang babae ang sinasabi ng kaniyang konsensiya na pahalagahan ang buhay na nasa kaniyang sinapupunan, magkakaroon siya ng kapayapaan ng isip. * Kung hindi niya susundin ang kaniyang konsensiya, uusigin siya nito o hahatulan pa nga. (Roma 2:14, 15) Ipinakikita ng pag-aaral na ang mga babaeng nagpapalaglag ay mas malamang na makaranas ng kabalisahan at depresyon.

Paano kung hindi pa handang magkaanak ang isa, o nabuntis siya nang wala sa plano? Pansinin ang pangako ng Diyos para sa mga namumuhay ayon sa kaniyang pamantayan: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat; sa walang-pagkukulang na matipunong lalaki [o babae] ay makikitungo ka nang walang pagkukulang.” (Awit 18:25) Mababasa pa natin: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat.”—Awit 37:28.

“Ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.”Roma 2:15.

Paano kung nagpalaglag ka?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Si Ruth, isang nagsosolong magulang, ay nagsabi: “Tatlo na ang anak ko, at pakiramdam ko hindi ko na kayang alagaan kung magiging apat. Pero nang magpalaglag ako, pakiramdam ko napakalaking kasalanan ang nagawa ko.” * Mapapatawad pa kaya siya ng Diyos?

ANG SABI NG BIBLIYA

Makikita sa sinabi ni Jesu-Kristo ang kaisipan ng Diyos sa bagay na ito: “Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.” (Lucas 5:32) Oo, kung talagang nagsisisi tayo sa nagawa nating pagkakamali at hihingi ng tawad sa Diyos, handa siyang magpatawad—kahit ng malulubhang kasalanan. (Isaias 1:18) “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin,” ang sabi sa Awit 51:17.

Kapag ang mga nagsisisi ay mapagpakumbabang nananalangin sa Diyos, magkakaroon siya ng malinis na konsensiya at bibigyan siya ng Diyos ng kapayapaan ng isip. “Sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan,” ang sabi sa Filipos 4:6, 7. * Nang mag-aral ng Bibliya si Ruth at ibuhos niya ang kaniyang niloloob sa Diyos, nakadama siya ng kapanatagan. Natutuhan niya na ang “tunay na kapatawaran ay nasa [Diyos].”—Awit 130:4.

‘Hindi pa ginawa sa atin ng Diyos ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian.’Awit 103:10.

^ par. 8 Hindi sapat na dahilan na nanganganib ang buhay ng ina o ng sanggol para magpalaglag. Kung sa araw ng panganganak ay kailangang mamili kung ang buhay ng ina o ng sanggol ang ililigtas, ang mag-asawa ang dapat magpasiya. Pero sa maraming mauunlad na lupain, bihirang-bihira ang ganitong mga pangyayari dahil sa sumusulong na medisina.

^ par. 12 Binago ang pangalan.

^ par. 14 Ang pag-asang pagkabuhay-muli ay nagdudulot din ng kapanatagan. Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, isyu ng Abril 15, 2009, na tumatalakay sa mga simulain ng Bibliya tungkol sa posibilidad na buhaying muli ang mga sanggol na namatay sa sinapupunan.